Marami nang pelikula ang nagpakita ng kondisyon na ito. Karamihan sa kanila ay nasa sitwasyon ng mga sundalo na bumalik mula sa giyera. Madalas gamitin ang istoryang ito dahil sa tindi ng trauma na naranasan ng mga sundalo sa giyera. Ngunit alam ba ninyo na kahit sino ay maaaring makaranas ng PTSD of Posttraumatic Stress Disorder?
Ang PTSD ay isang psychiatric disorder na nakukuha ng isang tao sa karanasan niya mula iba’t-ibang life-threatening experiences gaya na lamang ng giyera, natural disaster gaya ng bagyo, lindol, o sunog, atake ng terorista, aksidente, o di naman kaya ay pang-aabuso. Ang mga karanasang ito ay tumatatak na sa mga nabiktima at ito ay magma-manipesto bilang matinding takot o trauma.
May ilang sitwasyon kung saan ang Posttraumatic Stress Disorder ng tao ay nawawala makalipas ang ilang buwan o taon ngunit may ilan rin namang dumaranas nito ng mas matagal. Ang iba pa nga ay mas lumalala depende sa stress level o di naman kaya ay dahil sa mga factors na nakakapag-trigger ng trauma.
Ang mga taong may PTSD ay kadalasang maulit ang kanilang masamang karanasan sa panaginip o bangungot at flashbacks. Narito ang ilan pang sintomas ng Posttraumatic Stress Disorder:
- Bangungot
- Kahirapan sa pagtulog
- Pagka-detach sa mga tao
Ayon sa National Institute of Mental Health, hindi lahat ng traumatized ay nagde-develop ng chronic (pang-matagalan) o acute (panandaliang) PTSD. Dagdag rin nila na hindi lahat ng nakaranas ng matinding bagay ay maaaring magkaroon ng PTSD. May ilang kaso na sa ibang tao nangyari ang patinding pangyayari ngunit posibleng iba ang magkaroon ng PTSD. Isang halimbawa ay ang pagkakaroon ng namatay sa pamilya. Maaaring isa sa mga miyembro ng pamilya ang makabuo ng PTSD. Ito ay marahil sa matinding kalungkutan na nahaluan ng matinding stress.
Mga Sintomas ng PTSD
Ang mga sintomas ng PTSD ay hindi agad nakikita. Mga tatlong buwan matapos ang traumatic experience bago makitaan ng senyales ng PTSD ang isang indibidwal. Ang mga sintomas na ito ay maaaring makaapekto sa buhay ng pasyente at kanilang mga relasyon sa buhay o trabaho. Dahil sa iba’t-ibang degree ng PTSD, marami ring sintomas na makikita sa mga indibidwal.
- Umuulit na sintomas:
- Flashback
- Bangungot
- Nakakatakot na vision
May ilang salita o bagay na maaaring maka-trigger sa trauma ng mga taong may PTSD.
- Pag-iwas na sintomas:
- Pag-iwas sa mga bagay, lugar, o tao na nakakapag-paalala ng traumatic na karanasan.
- Pag-deny ng mga karanasan o paglayo sa usapin sa karanasan.
- Pag-react na sintomas:
- Pagiging magugulatin
- Pagiging tensyonado
- Kahirapan sa pagtulog
- Mabilis na pag-init ng ulo.
- Sintomas na apektado ang mood:
- Hirap sa pag-alala sa traumatic na karanasan
- Matinding pakiramdam ng guilt
- Kawalan ng interes sa ibang bagay
Natural lamang sa isang tao ang makaranas ng trauma matapos ang isang matinding karanasan. Maaari itong mawala makalipas lamang ng ilang buwan. Ang tawag sa kondisyon na ito ay Acute Stress Disorder o ASD. Samantalang kapag ang alinman sa mga sintomas na nailista sa itaas ay inabot ng buwan at unti-unti nang nakakaapekto sa kanilang mga buhay, ito ay isa nang PTSD o Posttraumatic Stress Disorder.
Treatment para sa Posttraumatic Stress Disorder
Gaya ng nabanggit kanina, ang PTSD ay maaaring mawala makalipas ang ilang buwan o taon. Ganunpaman, may professional medical help na maaaring makuha mula sa mga doktor para sa kondisyon na ito. Kapag nagsisimula nang makaapekto sa buhay ang PTSD ay dapat ng magsimulang lumapit sa doktor para sa treatment ng kondisyon na ito.
May ilang komplikasyon na naidudulot ang pagkakaroon ng PTSD at ilan dito ay ang mga sumusunod:
- Depression
- Anxiety
- Eating disorder
- Alcoholism
- Suicide
Hindi na dapat antayin pang lumala ito at umabot sa depression, anxiety, at pagkakaroon ng mga ideya tungkol sa suicide. Malaki rin ang role ng pagkakaroon ng support group. Ito ay binubuo ng mga indibidwal na may kanya-kanya ring kwento ng trauma. Mabisa ang ganitong mga organisasyon sa pagbibigay ng suporta sa mga kapwa nilang nangangailangan dahil sila mismo ang nagkakaintidihan sa kanilang mga pinagdaraanan.
Sources:
http://phoenixaustralia.org/recovery/what-are-traumatic-events/
https://www.nimh.nih.gov/health/topics/post-traumatic-stress-disorder-ptsd/index.shtml
https://adaa.org/understanding-anxiety/posttraumatic-stress-disorder-ptsd
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/post-traumatic-stress-disorder/home/ovc-20308548