Sintomas ng Prostatitis

March 10, 2019

Ano ang mga kaalaman na maaari mong matutunan tungkol sa prostatitis?

Ang prostate o prostata ay bahagi ng reproductive system ng lalaki na matatagpuan sa ilalim ng pantog. Mahalaga ito sapagkat ito ay ang may responsibilidad sa paggawa ng prostatic fluid na kasama ng semilya o sperm cell.

Karamihan ang mga kalalakihan ay nagkakaroon ng problema sa prostate. Tinatayang 50 hanggang 80 % percent ang hindi nakakaiwas sa pagkakaroon ng sakit dito lalo kapag tumungtong sa edad na 40. Ngunit may sakit sa prostate na nakakaapekto sa mga lalaki kahit hindi pa sila 40, at ito na nga ay ang prostatitis.

Ang prostatitis ay ang pamamaga dulot ng impeksyon sa prostate. Maaari itong mawala ng kusa o kaya naman ay kapag may ininom na gamot. Ngunit kung ito ay nagpapabalik-balik, posibleng ito ay chronic prostatitis na.

Sanhi ng prostatitis

  • Bacteria na nagdudulot ng UTI (proteus, klebsiella, at escherichia coli)
  • Mga bacteria na nakukuha sa mga sexually transmitted disease tulad na lamang ng sakit na gonorrhea at chlamydia

Sintomas ng Prostatitis

Iba-iba ang sanhi ng prostatis kaya naman magkakaiba rin ang sintomas na maaaring maranasan, pwedeng isa lang sa mababanggit o sabay-sabay.

  • Nahihirapang umihi o minsan ay patulo-tulo lamang (dysuria)
  • Madalas na pag-ihi at minsan pa ay naaantala ang pagtulog para makaihi (nocturia)
  • Mayroong dugo sa ihi
  • Pananakit ng puson, singit pati na rin ang babang bahagi ng iyong likod
  • Kapag sumasakit ang bahagi ng iyong ari at pwet
  • Masakit tuwing nilalabasan (ejaculation)
  • Sintomas ng flu o trangkaso

Mga maaaring maging komplikasyon kapag pinabayaan ang prostatitis

Walang pag-aaral na ang prostatitis ay nagiging sanhi ng prostate cancer ngunit andito ang ilan sa posibleng maging komplikasyon nito:

  • Impeksyon sa dugo dulot ng bacteria (bacterimia)
  • Pamamaga sa likod ng testicle (epididymis)
  • Pagkakaroon ng nana sa prostata (prostate abcess)
  • Abnormalidad sa semen o pagkabaog
  • Chronic prostatitis
  • Benign prostatic hyperplasia o prostate enlargement

Ito ay ang kondisyon kung saan lumalaki ang prostata dulot ng bacterial infection.

Sinu-sino ang madaling magkaroon ng prostatitis?

  • Binata at matatanda na aktibo sa pakikipagtalik
  • Ang mga nagkaroon na ng prostatitis
  • Kung nagkaroon ng pelvic trauma – marahil insidente sa pagbibisikleta o horseback riding
  • Ang mga gumagamit ng urinary catheter o ang tubo na nilalagay sa urethra upang dumaloy ang ihi.
  • Ang mga mayroong HIV / AIDs

Mga paalala kung may nararanasang sintomas:

  1. Lumapit sa inyong urologist o doktor at espesyalista sa reproductive system kung ang mga sintomas na nabanggit ay iyong nararanasan at para na rin mapatingin kung ano ang dapat mong gawin kung posibleng mayroon ka ngang sakit sa prostata.
  2. Maaaring magrekomenda ng RiteMED Terasozin ang iyong doktor bilang gamot sa pamamaga ng prostata o benign prostatic hyperplasia
  3. Sundin ang inireseta ng inyong doktor at dosage ng gamot

Reference:

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/prostatitis/symptoms-causes/syc-20355766

https://www.webmd.com/men/guide/prostatitis#1

https://www.healthline.com/health/prostatitis-bacterial-acute#causes