Tamang Pag-Alaga ng Premature Baby

December 20, 2018

Tuwing ika-17 ng Nobyembre ay ipinagdiriwang ang World Prematurity Day para sa global awareness ng preterm birth o premature birth. Ito ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol at batang may edad lima pababa sa buong mundo. Ang mga kaso ng premature birth sa mundo ay tumataas dahil sa bilang ng mga buntis na kakaonti o walang prenatal checkups, mga komplikasyon ng pagbubuntis gaya ng diabetes at high blood pressure at teenage prenancy.

 

Datos Tungkol sa Premature Birth

Bawat taon, nasa 15 milyong bata sa buong mundo ang pinapanganak ng maaga o premature. Mahigit isang milyong sa mga batang ito ang namamatay habang ang iba ay may seryoso o habang buhay na sakit. Nasa 300,000 sanggol sa bansa ang tinaguriang premature baby. Ayon sa datos noong 2012, ang Pilipinas ay pangwalo sa 184 na bansa na may pinaka madaming bilang ng mga batang ipinapanganak ng premature at pang-17 naman sa may pinakamadaming bilang ng pagkamatay na dulot ng mga komplikasyon mula sa preterm birth. Noong 2011, nasa 11,290 bata ang namatay dahil sa preterm complications na katumbas ng 31 newborn deaths araw-araw.

 

Ano ang Premature o Preterm Birth?

Kapag ang sanggol ay ipinanganak bago matapos ang ika-37th linggo ng pagbubuntis ito ay tintawag na premature baby. Mayroong tatlong sub-categories ang preterm birth ayon sa gestational age:

 

1. Extremely Preterm - kapag mas maaga sa 28 weeks

2. Very Preterm - Nasa pagitan ng 28 hanggang 32 weeks

3. Moderate to Late Preterm - Nasa pagitan ng 32 hanggang 37 weeks

 

Ang karaniwang timbang ng isang premature baby ay five pounds o mas mababa pa.

Karamihan ng mga sanggol na kabilang sa late preterm birth ay hindi na nangangailangan ng specialized care na kailangan ng mga extremely pre-term babies na kadalasan ay nasa neonatal intensive care unit.

 

Sino ang at risk na makaranas ng Preterm Birth?

  • Mga buntis na naninigarilyo, umiinom ng alak at gumagamit ng iligal na droga
  • Mga buntis na may high blood pressure o diabetes
  • Mga buntis na may dinadalang higit sa isang fetus gaya ng kambal o triplets
  • Mga nanay na mayroong uterine infection habang nagbubuntis
  • Mga nagdadalang tao na nasa edad 35 pataas
  • Mga buntis na may komplikasyon gaya ng preeclampsia, over o underweight

 

Paano Maiiwasan ang Premature Birth?

Walang senyales habang nagbubuntis ang makagpagsasabing premature ang sanggol na dinadala. Ang maaaring gawin ng nanay ay umiwas sa paninigarilyo, pag-inom ng alak at ng kahit anong recreational drugs at sa stress na maaaring magdulot ng preterm delivery. Mainam ding kumpletuhin ang prenatal checkups na kinakailangan at uminom ng mga niresetang prenatal vitamin.

 

Premature Baby Care

Dahil napaaga ang paglabas, ang mga organ ng isang premature baby ay hindi fully developed kung kaya't importanteng masiguro agad ng doktor kung ang baga ba ng bata ay nag-fufunction ng maayos, kung okay ang kanyang digestive system at kung kaya nitong mag self-regulate ng body temperature.

Dinadala sa NICU ang mga premature baby para ilagay sa incubator at maiwasan ang hypothermia at mabigyan ng oxygen at ventilator. Ilan sa mga premature baby complications ay ang kakulangan ng oxygen sa utak, pagiging prone sa infection dahil sa underdeveloped immune system, pagkakaroon ng blood complications at problema sa paningin.

 

Narito ang ilan sa mga maaaring gawin para lumakas at lumusog ang mga preterm babies:

 

  1. I-delay ang cord clamping

 

Inirerekomenda ng American Academy of Obstetricians and Gynecologist ang pag-dedelay ng umbilical cord clamping dahil labis na makikinabang ang premature babies sa dagdag na blood flow mula sa placenta na nagtataglay ng essential nutrients at antibodies.

 

  1. Gawin ang skin-to-skin contact

 

Ang skin-to-skin contact o tinatawag na Kangaroo Care ay ang paglagay sa sanggol patayo sa dibdib ng nanay. Importante ito para maiwasan ang premature deaths.

 

  1. Gawin ang mga safe sleep recommendations

 

Ang mga premature babies ay prone sa iba't ibang problema ng respiratory system dahil hindi fully developed ang kanilang baga. Ang Sleep Apnea o ang pagtigil sa paghinga ng 20 seconds ay karaniwang nangyayari sa mga preterm babies.

 

Dahil sa mataas na bilang ng preterm birth sa Pilipinas, ang Department of Health at Philippine Health Insurance Corp ay naglunsad ng benefit package para sa mga magulang na may preterm o maliliit na newborn infants. Ayon sa World Health Organization, ang package na ito ay makakatulong para bumaba ang bilang ng newborn deaths sa bansa na kadalasan ay dulot ng premature births at low birth weights.

 

Ang pangangalaga sa mga premature baby ay hindi tumitigil sa NICU kaya't narito ang ilang baby care tips na maaaring gawin sa bahay:
 

1. Siguraduhing malinis at tahimik ang kwarto kung saan mananatili ang bata

2. Siguraduhing malinis ang kamay ng kung sinumang hahawak o kakarga sa sanggol

3. Mainam na limitahan muna ang mga bisitang lalapit sa bata para hindi ito masyadong ma-expose sa iba't - ibang viruses at bacteria.

4. Panatilihing hindi masyadong malamig o mainit ang kwarto ng preterm baby. Tandaan na ang balat nila ay mas manipis at mas sensitive.

5. Kausapin o kantahan ang baby. Ayon sa pag-aaral, nakakatulong ang boses ng nanay sa pagpapakalma sa premature baby.

6. Ipagpatuloy ang skin-to-skin contact o kangaroo care at breastfeeding.

 

Reference:

https://miraclebabies.org.au/families/events/world-prematurity-day/

https://www.parenting.com/article/can-you-prevent-preterm-labor

https://lifestyle.inquirer.net/183731/more-preterm-babies-surviving-but-more-being-born-too/

http://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/preterm-birth

https://www.smartparenting.com.ph/parenting/baby/baby-care-basics-preemie-home-a00041-20170627

https://www.smartparenting.com.ph/parenting/baby/premature-baby-care-a00041-20180907-lfrm

https://www.unicef.org/philippines/media_19960.html

https://www.philstar.com/headlines/2016/11/27/1645780/doh-launches-new-program-premature-babies

https://news.abs-cbn.com/news/11/26/16/philhealth-to-offer-benefits-for-moms-with-premature-babies