Sa panahon ngayon, may iba’t-ibang paraan upang malaman kung ikaw ay buntis. Ang home pregnancy test ang pinaka-simple na paraan para makumpirma kung ikaw ay nagdadalang-tao. Ating talakayin kung ano ang mga dapat isaalang-alang sa paggamit ng instrumento na ito.
Ano ang pregnancy test?
Ang pregnancy test ay isang instrumento na ginagamit upang malaman kung ang isang babae ay buntis o hindi. Karaniwang nabibili ito sa mga botika, o mga kalapit na pagamutan.
Ang pregnancy test ay binubuo ng isang plastic na “strip” na kailangang lagyan ng patak ng ihi mula sa babae na gustong magpa-test.
Paano gumagana ang pregnancy test?
Ang pregnancy test ay dinisenyo para ma-detect ang tinatawag na hCG, isang hormone na kadalasang lumalabas kapag ang isang babae ay nagbubuntis.
Maraming pregnancy tests ang available mula sa iba’t ibang manufacturer. Kaya mahalagang basahin ang mga steps o instructions na nakalagay sa likod ng kahon o lalagyanan ng pregnancy test. May dalawang klase pa ito: ang digital at ang analog, pero parehas nitong dinedetect kung ikaw ay buntis.
Importante: Mahalagang alamin kung ang nabili mong pregnancy tester ay expired na o hindi. I-check ang expiration date ng pregnancy test bago umalis sa inyong pinagbilhan.
Kailan dapat gamitin ang pregnancy test?
- Kapag hindi ka nadatnan ng regla
- Kung ikaw ay nakipagtalik kamakailan lang
- Kung pakiramdam mo na ang mga signs ng pagbubuntis ay nararamdaman mo, inererekomenda na gumamit ka nito
Ilang araw bago gumamit ng pregnancy test?
- Para sa mga babaeng may iregular na regla, gumamit ng pregnancy test matapos ang apat na linggo matapos makipagtalik o 36 na araw matapos ang huling menstruation period.
- Kapag ginamit ang pregnancy test ng tatlo o apat na araw bago ka magkaregla, malaki ang posibilidad na ito ay mag-negatibo dahil ang pregnancy hormone (human chorionic gonadotropin, or hCG) na nakukuha sa ihi ng babae ay nadedetect lamang matapos ang isa o dalawang linggong pagbubuntis.
Anong oras dapat gamitin ang pregnancy test?
- Mainam na gumamit ng pregnancy test kit pagkagising sa umaga dahil mas mataas ang konsentrasyon ng hCG na nasa ihi.
Paano kapag malabo ang isang line ng pregnancy test?
Pagkatapos ng dalawa hanggang apat na patak ng ihi ang bilog na parte ng pregnancy stick, may dalawang simbolo na maaaring lumalabas sa pregnancy test:
Kapag iisa lamang ang linya, ibig sabihin nito ay negatibo ang resulta o hindi ka buntis. Kung nagdududa ka sa resulta at gumamit ka ng pregnancy test na hindi ayon sa tamang schedule, makabubuti kung gumamit muli nito matapos ang isang linggo upang makumpirma kung ikaw ba talaga ay hindi buntis.
Ang dalawang linya naman ay nagsisimbolo na positibo kang buntis o nagdadalang-tao. Kapag ganito ang resulta ay magpaschedule agad sa kilalang doktor at magpa-checkup.
Kapag malabo ang linya sa pregnancy test, ibig sabihin nito ay mahina pa ang konsentrasyon ng iyong hCG o maaga kang gumamit ng test. Subukan muli ang pag-test pagkatapos ng isang linggo.
References:
https://www.ritemed.com.ph/articles/mga-signs-ng-pagbubuntis
https://www.womenshealth.gov/a-z-topics/pregnancy-tests
https://www.parents.com/pregnancy/signs/test/home-pregnancy-tests/