Myths and Facts Tungkol sa Pagbubuntis | RiteMED

Myths and Facts Tungkol sa Pagbubuntis

January 28, 2018

Myths and Facts Tungkol sa Pagbubuntis

Kapag buntis, marami tayong naririnig na mga haka-haka, o kaya mga myths mula sa mga kapamilya o kaibigan. Pero hindi lahat ng ito ay totoo, o napatunayan ng mga pag-aaral. Narito ang ilan sa mga karaniwang myths tungkol sa pagbubuntis.

Myth 1: Bawal ang pag-inom ng kape

Hindi kailangang tuluyang umiwas sa kape, siguraduhin lamang na kontrolin ang pag-inom nito. Ang inirerekomendang dami ng kape ay 200 mg sa loob ng isang araw. Ito ay aabot sa humigit-kumulang na 10 oz. na tasa. Kapag lumagpas sa dami na ito ang ininom, maari nang magkaroon ng negatibong epekto sa bata.

Myth 2: Kailangan kumain para sa dalawang tao

Madalas tayong nasasabihan ng “Wow! Dalawa na ang pinapakain mo ngayon!” kapag tayo ay buntis. Madaling isipin ito, dahil nga naman may sanggol na sa loob ng ating katawan, kaya baka hindi na sapat ang sustansya na nakukuha natin sa normal na diyeta. Kasabay nito, maari rin nating maramdaman ang labis na pagkagutom.

Pero kahit na ganito ang sitwasyon, hindi pa rin kinakailangan na kumain para sa dalawa. Sa katotohanan, ang pag-kain ng marami ay maari pang magdulot ng excessive weight gain. Ito mismo ay hindi na maganda para sa ating katawan. Ngunit may iba pa itong dalang epekto. Halimbawa, tataas ang tiyansa ng gestational diabetes, high blood, sakit sa likod, at pati na rin ng cesarean section na panganganak.

Myth 3: Bawal mag-ehersisyo kapag buntis

Karaniwan nating naiisip na hindi dapat mag-ehersisyo habang tayo ay buntis - dahil baka mapahamak ang sanggol. Pero hindi naman dapat ito iwasan. Ang pag-eehersisyo ay pwede ngang magbigay ng mga positibong epekto sa ating kalusugan.

Pwedeng mabawasan ng pag-eehersisyo ang posibilidad ng sakit sa likod, fatigue, gestational diabetes, at stress. Simulan sa regular na paglalakad ang exercise routine, lalo na kung hindi regular na nag-eehersisyo bago mabuntis. Kung nais naman ng mas mabigat na aktibidad, pwedeng gumawa ng light aerobics, pagsasayaw, o paglangoy, basta’t kaya ng katawan.

Tandaan din lang na ang mga may high-risk pregnancy ay hindi pinapayuhang mag-ehersisyo. Mainam na  magpatingin muna sa doktor para mabigyan ng tamang payo.

Myth 4: Hindi dapat kumain ng isda o seafood

undefined

Dahil sa mercury na nilalaman ng mga isda o seafood, naging karaniwang paniniwala na na dapat umiwas sa pagkain ng isda kapag nagdadalang-tao. Habang may mga seafood nga na mataas ang mercury content, katulad ng king mackerel, bigeye tuna, swordfish, o marlin, ang iba rin naman sa mga ito ay may nabibigay na benepisyo sa ating katawan. Ilan sa mga halimbawa nito ang alimango, salmon, sardinas, hipon, tilapia, pusit, at tawilis. Pwede ang mga ito isama sa diet, kahit na buntis.

Mayaman ang mga isda sa protein, iron, at zinc. Ang mga ito ay importante para sa paglaki ng bata. Pati ang omega-3 fatty acids ng mga ito ay may magandang naidudulot sa brain development ng sanggol. Inererekomenda ng US Food and Drug Administration na kumonsumo ng 8 hanggang 12 ounces ng isda kada linggo. Abot iyon ng mga dalawa o tatlong bahagi.

Siguraduhin lang na maayos ang pagluto ng isdang kakainin, para makaiwas sa mga bacteria o parasites, katulad ng tapeworms.

Myth 5: Bawal makipagtalik

Kung normal at hindi high-risk ang pagbubuntis, hindi bawal ang pakikipagtalik. Di tulad ng karaniwang paniniwala, ang pakikipagtalik habang buntis ay hindi naman nagiging sanhi ng sakit o damage sa sanggol. Hindi rin ito nagiging dahilan ng pagkalaglag niya. Ang sanggol ay pinoprotektahan ng parehong amniotic fluid at muscles ng matris, kaya hindi ito maaapektuhan ng sekswal na aktibidad.

Syempre, maigi rin na magpatingin sa doktor, lalo na kung nagkaroon dati ng high-risk pregnancy, o kaya naman kung ang naunang anak ay nagkaroon ng premature birth.

undefined

Ang mga nailista ay iilan lamang sa mga myths tungkol sa pagbubuntis. Importanteng tandaan na hindi ang lahat ng mga ito ay may katibayan. Mas mabuti pa rin ang regular na pagbisita sa doktor para tama ang payo at gabay na maibigay nila, sa buong proseso ng pagbubuntis.

 

Sources:

  • https://www.fda.gov/Food/ResourcesForYou/Consumers/ucm393070.htm

  • http://www.health.com/health/article/0,,20410337,00.html

  • http://healthland.time.com/2011/05/05/true-or-false-20-common-myths-about-pregnancy/

  • https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/in-depth/pregnancy-and-fish/art-20044185

  • https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/in-depth/sex-during-pregnancy/art-20045318

  • https://www.parents.com/pregnancy/my-life/sex-relationship/pregnancy-sex-guide/

  • https://www.womenshealthmag.com/mom/pregnancy-myths/slide/11

  • https://www.washingtonpost.com/opinions/five-myths-about-pregnancy/2017/05/12/7cf6e12a-3666-11e7-b373-418f6849a004_story.html?utm_term=.81b1c541cb7f

  • https://www.webmd.com/baby/guide/top-7-pregnancy-myths#1

  • https://www.webmd.com/baby/features/pregnant-eat-for-two-right

  • https://www.webmd.com/baby/guide/exercise-during-pregnancy#3-8



What do you think of this article?