Mga Magagandang Pakinabang ng Breastfeeding

March 05, 2017

 

Lagi nating naririnig at nakikita ang paalala na 'breast milk is still best for babies.' Marami na ang mga pag-aaral na nagpapatunay sa pagkakaroon ng magagandang bagay na dulot ng breastfeeding sa bagong silang na sanggol, para sa anak at maging para sa ina rin.

 

Ang breast milk ay linikha ng katawan para punan ang mga kailangan ng isang sanggol pagdating sa nutrisyon, pagpapalakas ng katawan, at pagkakaroon ng matatag ng resistensya. Ating talakayin ang mga partikular na benepisyo ng breasfeeding.

 

Malusog na sanggol at ina  

 

Ang pangunahing pakinabang ng breastfeeding o pagpapasuso ay ang pagkakaroon ng mas malusog na sanggol. Ang gatas ng ina ay likas na masustansya, at ito ang dahilan sa mabilis na paglakas ng katawan ng sanggol at maagang pagbuti ng kanyang kalusugan. Sa madalas na pag-inom ng breast milk, nakaka-iwas si baby sa mga sakit na karaniwang dumadapo sa mga bagong silang, gaya ng pulmunya, lagnat, at pagtatae.

 

Dahil sa nilalamang antibodies ng gatas ng ina, nakaka-iwas din ang bata sa mga malulubhang sakit gaya ng diabetes, Crohn’s disease, celiac disease, mga allergy, sipon, at sudden infant death syndrome. Bukod dito, ang magagandang epekto ng gatas ay maaaring tumatagal hanggang childhood. Napapaginhawa din nito ang sintomas ng ilan sa mga nasabing sakit.

 

Ang mga benepisyo ng pagpapasuso ay hindi lamang para sa sanggol; nakakatulong din ito sa pagpapaganda ng kalusugan ng ina. Ang breasfeeding ay tumutulong sa pag-iwas sa postmenopausal osteoporosis at nagpapatibay ng buto. Dahil sa ligayang dala ng pagpapasusuo, nakaka-iwas din ang ina sa depression. Sa madaling salita, ang lahat ng ito ay hindi mapapantayan ng baby formula milk.

 

Nagiging mas malapit ang ina at sanggol dahil sa breastfeeding

 

Napatunayan ng mga dalubhasa na mas lalong gumaganda ang ugnayan ng ina at anak dahil sa breastfeeding. Ito ang kanilang ‘bonding time,’ ika nga. Dagdag pa ng mga eksperto, ang mga panahon na nagpapasuso ang ina ay mainam na pagkakataon para lalong mas makilala ng ina ang anak at mapagmasdan ang mga kilos at galaw nito. Ito ay maaaring tumuloy sa pagkakaroon ng magandang relasyon ng mag-ina sa paglaki ng anak.

 

Nakakatulong ang breastfeeding sa pagtitipid  

 

undefined

 

 

Sa panahon ngayon, kung saan mahal at magastos manganak, malaking bagay ang makatipid sa pang araw-araw na gastusin. Ang nagpapasuso na ina ay hindi kailangang gumastos para sa pagkain ng kanyang bagong silang na sanggol. Sa halip na paulit-ulit bumili ng baby formula milk, maaari niyang gamitin ang pera sa ibang pangangailangan ng sanggol gaya ng diaper, damit, pagkain, at crib. Ang malilikom na pera ay maaari ding panimula ng pag-iipon sa pag-aaral ng anak.

 

Bukod dito, suportado ng pamahalaan ang breastfeeding sa pagpapatupad ng Milk Code noong 1986. PInipigilan nito ang pagpapalabas ng patalastas ng baby formula milk na nagpapakita ng pekeng benepisyo. Imbis na gumasta, magpasuso na lamang dahil tiyak ang nutrisyon na dala ng colostrum.

 

Pagliit ng matris  

 

Ang oxytocin hormone ay isa sa mga dahilan kung bakit may dumadaloy na gatas sa dibdib ng ina. Ayon sa mga eksperto, nakatutulong ang pagkakaroon ng nasabing sustansya sa mabilis na pagliit ng matris ng ina. Mas mabilis bumalik sa dati ang tiyan ng ina kung siya ay nagpapasuso, lalo na kung samahan ang mga pang-araw-araw na gawain ng pag-eehersisyo.

 

Pagpapapayat o pagbaba ng timbang  

 

undefined

 

 

Kadikit ng pagliit ng matris ang panunumbalik ng dating pangangatawan ng ina, kung saan nakakatulong din ang breastfeeding. Ang benepisyong ito ay maaaring maranasan ng ina at kaniyang anak. Hindi lahat ng ina ay malaki ang nararanasang pagbabago sa katawam kaya maganda kung samahan ng ehersisyo at tamang diet ang pang-araw-araw na gawain. Ang mga sanggol naman na nagbe-breastfeed ay nailalayo sa pagiging obese o sobrang pagtaba, ayon sa pagsasaliksik.

 

Kung hindi ka pa sanay o maraming ka pang hindi alam sa pagpapasuso, maaring sumangguni sa iyong doktor at mga breastfeeding groups sa Pilipinas. Iyong malalaman ang mga wastong posisyon sa pagpapasuso at tutulungan ka nila sa mga sitwasyon na nakakalito.
 

Sources: