Mga Kailangan Mong Malaman tungkol sa Mother-Baby Friendly Hospital Initiative

August 17, 2018

Bawat mamamayan sa loob ng isang bansa ay may mga karapatan na dapat isaalang-alang. Ilan sa mga ito ang karapatang mabigyan ng pagkakataong mabuhay, mabigyang-proteksyon sa lahat ng bahagi ng kanilang katawan maging ang kanilang isip, at mabigyang-proteksyon ang mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang.

 

Sa pagsilang ng isang sanggol, patuloy pa ring dapat maibigay ang mga karapatan na ito, lalo na sa larangan ng nutrisyon. Sa katunayan, kahit marami na ang naimbentong formulated milk para sa babies, mataas pa rin ang rekomendasyon ng mga doktor at eksperto sa breastfeeding o ang pagbibigay ng natural na gatas ng ina mula sa kanyang suso.

 

Ano ba ang Mother-Baby Friendly Hospital Initiative?

 

Isa sa mga isinusulong na campaign ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at World Health Organization (WHO) ang Mother-Baby Friendly Hospital Initiative o MBFHI). Layunin nitong gawing normal sa communities at priority na paraan na pagno-nourish ng mga bata ang breastfeeding. Alinsunod ito sa Republic Act 7600 na kilala sa pangalang “Rooming-in and Breastfeeding Act of 1992.”

 

Sa Pilipinas, ipinapatupad ito ng Department of Health kasama ang Mother-Baby Friendly Philippines para mapatibay pa ang pagsasagawa ng EO 51 o the Philippine Milk Code 1986 at RA I0028 o Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009. Pinoprotektahan, sinusuportahan, at isinusulong ng mga ito na walang substitute sa pagbibigay ng sapat na nutrisyon sa isang sanggol ang gatas ng ina. 

 

Kahit lubos na kilala ang benefits ng pagpapasuso, kalahati lang ng populasyon ng mga bata edad zero hanggang six months ang exclusively breastfed. Dahil dito, isinusulong ng MBFHI na striktong maipatalaga ng bawat maternity facility, children’s hospital, pediatric hospital, children’s clinic, lying-inns, at iba pang health institutions ang “10 Steps to Successful Breastfeeding:”

 

undefined

Photo from Unsplash

 

  1. Magkaroon ng nasusulat na breastfeeding policy na palaging ico-communicate sa lahat ng health care staff;
  2. I-train ang lahat ng health care staff sa mga skills na kailangan para maisatupad at maisagawa ang breastfeeding policy;
  3. Ipaalam sa lahat ng nagdadalantao ang benefits at management ng breastfeeding;
  4. Tulungan ang mga ina na mag-initiate ng breastfeeding sa loob ng kalahating oras matapos manganak;
  5. Ipakita sa mga ina ang tamang paraan ng pagbe-breastfeed at paano patuloy na magkaroon ng magandang breastmilk supply kahit hindi nila kasama ang kanilang sanggol;
  6. Hindi bibigyan ng kahit anong pagkain o inumin maging tubig ang mga sanggol maliban sa breastmilk, maliban na lamang kung may medical condition ito na nangangailangan ng special attention;
  7. Isagawa ang rooming in, o ang pagsasama ng ina at sanggol sa iisang kwarto 24 hours a day;
  8. I-encourage ang pagbe-breastfeed;
  9. Hindi bibigyan ng pacifiers o artificial na teats ang mga breastfed na bata; at
  10. Siguraduhin ang pagkakaroon ng breastfeeding support groups at i-refer ang mga bagong-panganak na ina sa mga ito kapag na-discharge na sila mula sa ospital o clinic.

 

Ipinagbabawal na rin sa mga pampublikong ospital ang pagdadala ng formula milk, bottle nipples, feeding bottles, at anumang kagamitan na hindi pino-promote ang breastfeeding na tanging paraan para bigyan ng sapat na nutrisyon ang baby.

 

Sa maaayos na pagpapatupad at pagsunod sa mga ito, masisigurado na kalidad ang makukuhang nutrisyon ng mga bagong panganak na bata. Iminumungkahi rin na ipagpatuloy ang breastfeeding hanggang tatlong taong gulang. Higit na nakakalakas ng immune system ang breastmilk, at marami nang pag-aaral ang nagpatunay na lumalaking hindi-sakitin ang mga batang exclusively breastfed mula pagkapanganak hanggang anim na buwan.

 

Anu-ano pa ang benefits ng MBFHI?

undefined

Photo from Unsplash

 

Hindi lang para kay baby ang movement na ito. Sa katunayan, ang pagsasagawa nito ay malaki rin ang naitutulong para sa mga ina at sa buong pamilya.

 

Una, ang breastfeeding ay isang natural contraceptive. Dahil dito, makakapagplano nang mabuti ang mag-asawa sa birth spacing na sa tingin nila ay kaya nilang panindigan, lalo na’t kalagayan ng mga bata hanggang sa kanilang paglaki ang nakasalalay doon. Maiiwasan din ang unexpected pregnancy o hindi-planadong pagbubuntis. Malaking tulong ito para mabigyan ng sapat na atensyon at kalinga ang mga anak at asawa habang nagbe-breastfeed.

 

Sa hindi pagtangkilik sa formula milk, maraming natitipid ang mag-anak habang nasisigurado na nakukuha ni baby ang best nutrients na pwedeng maibigay ng isang magulang. Imbis na ibili ng gatas ang pera, maaari na itong gastusin para sa healthy food na kailangan ng isang breastfeeding mommy. Naiiwasan din ang dagdag-trabahong dala ng paglilinis o pages-sterilize ng mga bote at tsupon. Lumalalim din ang bonding ng mag-ina sa pagbe-breastfeed.

 

 

Ano ang pwede kong gawin para suportahan ito?

 

Marami nang mga ginagawang hakbangin para mas lalong mahikayat ang mga ina na magpatuloy sa pagbe-breastfeed. Halimbawa, may ilang mga lugar na sa bansa ang nagpasa ng resolution na suportahan ang working moms na nagbe-breastfeed sa pamamagitan ng paglalagay ng facilities o stations sa mga opisina kung saan silang maaaring magpasuso o mag-pump ng gatas during work hours. Mayroon na ring mga mall at private facilities o businesses na naglalagay ng mga intimate at safe na area para sa pagbe-breastfeed.

 

Bilang isang individual, maaari mong ipakita ang pagtangkilik dito sa pagpa-practice din ng breastfeeding kung ikaw ay nagdadalantao o kasalukuyang may anak na maaari pang mabigyan ng breastmilk. Kung hindi naman, maaari mong i-promote ang layunin na ito sa iyong mga kaibigan at kakilala na pwedeng makilahok sa initiative. Isang malaking tulong din kung hindi ka mangdi-discriminate o mangungutya sa mga ina na pinipiling mag-breastfeed sa pampublikong lugar dahil sa kawalan ng angkop na area para dito.

 

Ang breastfeeding ay isang napakaganda at natural na paraan sa pag-aalaga ng buhay habang sinisigurado na mahusay ang magiging kalidad ng kalusugan nito sa kinabukasan. Sa pagbabantay sa health ng mga mag-ina, nakakatulong din tayo na maging secured ang future ng mga batang ito dahil nakuha nila ang pinakamainam na nutrisyon sa formative years ng kanilang buhay. Tandaan na isa ito sa tamang choice na pwede mong gawin kung ikaw ay may anak na o magbubuo pa lamang ng mag-anak.

 

 

Sources:

 

https://www.unicef.org/philippines/archives/news/050902.html

https://mbfp.doh.gov.ph/about

https://thedailyguardian.net/community-news/doh-calls-hospitals-mother-baby-friendly/

https://www.scribd.com/doc/96128449/MGA-KARAPATAN-NG-MAMAYANG-PILIPINO

https://www.unicef.org/newsline/tenstps.htm