Daddy 101: Tamang Alaga Para kay Pregnant Mommy

April 23, 2021

Isa sa pinakamalaking desisyon na maaari mong gawin ay ang pagsisimula ng sarili mong pamilya. Ito ay nakakapanibago ngunit nakakasabik na hakbang sa buhay ng isang tao.

 

Parte ng desisyon na ito ang pagkakaroon ng anak at syempre, pagbubuntis ng iyong asawa. Bilang first-time dad, may mga pagkakataong mao-overwhelm ka sa responsibilidad at sa pagbabago na nararanasan ng iyong asawa. Para maging mas madali ang panahon na ito para sa inyong first-time parents, narito ang ilang paraan kung paano mo masusuportahan ang iyong asawa sa kanyang pagbubuntis.

 

Paghahanda sa Mga Pagbabago

 

Mahirap ang pagbubuntis para sa isang babae. Marami siyang mararanasan na pagbabago sa kanyang pisikal at emosyonal na katangian habang nagdadalang-tao.

 

Isa sa maaari mong gawin para matulungan ang iyong asawa sa kanyang pagbubuntis ay aralin ang lahat ng iyong makakaya tungkol sa pagdadalang-tao. Ito ay para mapaghandaan mo ang pwedeng mangyari sa bawat trimester ng pagbubuntis ng iyong misis.

 

Mabuti rin kung sasamahan mo ang mother sa kanyang prenatal checkups at tulungan siyang magdesisyon tungkol sa mga isasagawang prenatal tests. Para makapaghanda kayo parehas sa panganganak, maaari ding samahan ng father ang pregnant mother sa mga klase tungkol sa childbirth.

 

Mga Pwedeng Gawin sa Pagduduwal

 

Habang nagbubuntis, makakaranas ang mother ng morning sickness o pagduduwal. Maaaring magsimula ito sa ika-apat na linggo hanggang sa ika-labindalawa o labing-apat na linggo ng pagbubuntis.

 

Taliwas sa ingles na termino nito, ang pagduduwal ay maaaring maranasan ng buntis kahit anong oras mapagabi man o araw. Dahil sa kalimitan ng pagduduwal, magiging mahirap para sa iyong asawa ang pagkain at pagpapahinga. Narito ang ilan sa mga pwedeng gawin para suportahan ang ating mga asawa:

 

  • Maaaring lumala ang pagkahilo ng buntis kapag nakakaamoy ng nilulutong pagkain kaya naman mas mapapabuti kung ikaw na lang ang gagawa nito.
  • Pakainin ng matamis na biscuit o dry na crackers bago bumangon sa umaga o kada ilang oras para hindi magutom. Ito ay dahil nakakapagpaigting ng pagduduwal ang gutom.
  • Paalalahanan na uminom palagi ng tubig, diluted fruit juice, matabang na tsaa, salabat, o sabaw.

 

Pisikal na Suporta

 

Masalimuot ang pagbubuntis para sa katawan ng isang babae. Kaya naman kakailanganin ng iyong buntis na asawa ang pisikal na suporta tulad ng mga sumusunod:

 

  • Pagsalo ng gawaing bahay para makapagpahinga ang iyong buntis na asawa.
  • Kung naninigarilyo, iwasan ang manigarilyo malapit sa buntis para na din mapanatili ang kalusugan ng inyong baby. Mas mabuti kung huminto ka na nang permanente sa paninigarilyo.
  • Ibsan ang pananakit ng katawan ng iyong asawa sa pamamagitan ng pagmasahe sa kanyang paa at likod.
  • Bigyan siya ng folic acid vitamins para makatulong sa maayos na pag develop ng inyong sanggol.

 

 

Emosyonal na Suporta

 

undefined

Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-pregnant-woman-lying-on-sofa-337471640

 

Habang nagbubuntis si misis, magbabago ang level ng hormones sa kanyang katawan na siya namang makakaapekto sa kanyang emosyon. Mapapansin mong magiging sensitibo ang iyong asawa at maaaring maiyak siya dahil sa maliliit na bagay.

 

Habang nagtatagal at mas lumalaki ang kanyang tiyan, mahihirapan na rin makatulog ang iyong misis. Ang kakulangan sa tulog ay maaaring magdulot ng pagiging iritable.

 

Narito ang ilan sa pwede mong gawin para bigyan ang iyong misis ng emosyonal na suporta habang nagbubuntis:

 

  • Palakasin at patatagin mo ang kanyang loob.
  • Palagi mong tanungin kung ano ang kailangan niya.
  • Huwag kalimutan na lambingin siya.
  • Hikayatin siyang magpahinga at umidlip para makapag-recharge.
  • Bigyan siya ng sapat na oras para makipag-usap.

 

Hindi biro ang pagbubuntis kaya naman kailangan ng isang babae ang lahat ng suporta na maaaring ibigay ng mga tao sa paligid niya, lalo na ang kanyang asawa. Mas mabuti kung gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para mapadali ang pagbubuntis ng iyong misis.

 

Manatiling malusog at maligaya!

 

 

Sources:

https://www.mottchildren.org/health-library/abp7352

https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/servicesandsupport/pregnancy-support-fathers-partners-and-carers