Bakit Mahalaga ang Newborn Screening?

October 29, 2018

Walang kaparehong saya ang dala ng pagkakaroon ng newborn baby. Mula sa pagbubuntis hanggang sa panganganak, ibayong pag-aalaga at pag-iingat ang ginagawa ng mag-anak para masigurado na healthy at safe ang isisilang na bata. Hindi nagtatapos sa delivery ang mga ginagawang hakbang para mabigyan ng wastong kalinga ang baby.

 

Anu-ano nga ba ang kailangan ng mga newborn baby?

 

Maraming pangangailangan ang bagong silang na baby. Ilan sa newborn baby needs ang isang environment na sumusuporta sa breastfeeding para mabigyan ng natural at buong sustansya ang sanggol. Ipinapatupad na ang layuning ito sa mga ospital, paanakan, at health centers sa buong bansa.

 

Kasama na rin sa mga pangangailangang ito ang pagsailalim sa newborn screening. Ito ay isang procedure na nagbibigay-daan sa maagang pag-detect at management ng ilan sa mga congenital metabolic disorders sa mga bata. Ang mga sakit na ito, kapag hindi naagapan o na-treat kaagad, ay maaaring humantong sa mental retardation. Sa mga malulubhang kaso, pwede itong ikamatay ng sanggol.

 

Sa tulong ng newborn screening procedure, mabibigyan ng agarang medical assistance at management ang anumang kondisyon na maaaring mayroon ang isang bata pagkapanganak. Kung normal naman ang resulta nito, dagdag ito sa pagiging kampante ng mga magulang na hindi nangangailangan ng espesyal na medical attention ang kanilang anak.

 

Alamin dito ang importansya ng newborn screening sa pagbibigay ng tamang alaga sa pinakabagong myembro ng pamilya sa pamamagitan ng pagsagot sa ilang mga katanungan tungkol dito.

 

  1. Bakit kailangangang sumailalim ang mga bata sa newborn screening?

 

Kadalasan, ang mga sanggol na pinanganak na mayroong metabolic disorders ay mukhang “normal” at walang kinaiba sa ibang newborn babies. Dahil dito, hindi maaaring maging basehan ang itsura ng bata pagkapanganak sa pagtukoy kung mayroon ba itong clinical signs at symptoms ng kahit anong health condition na maaaring humantong sa mental retardation o ang pagkakaroon ng delay sa anumang function ng pag-iisip.

 

  1. Kailan dapat ginagawa ang newborn screening procedure?

 

Isinusulong na sumailalim agad ang bagong silang na sanggol sa newborn screening matapos ang 24 hours mula sa oras ng kapanganakan. Available ito sa mga ospital, lying-in, rural health unit, health center, at ilang private clinic. Kung sa bahay naman ipinanganak ang bata, siguraduhing madadala siya agad sa pinakamalapit na institution na nagsasagawa ng test na ito.

 

  1. Paano isinasagawa ang newborn screening?

 

Kukuhaan ng ilang patak ng dugo ang bata mula sa sakong (heel) nito. Patutuluin ito sa isang special absorbent filter card at ipadadala sa Newborn Screening Center (NSC). Tanging physicians, nurses, medical technologist, o trained midwives lang ang maaaring mag-perform ng newborn screening procedure.

 

  1. May iba’t ibang uri ba nito?

 

Mayroong dalawang klase ng newborn screening procedure na maaaring isagawa. Ang basic newborn screening ay sumasala ng hanggang anim na metabolic disorders. Sa kabilang dako, ang expanded newborn screening naman ay sumusuri ng hanggang sa 28 na kondisyon. Pareho lamang ang hakbang sa pagsasagawa ng mga ito ngunit nagkakaiba sa laboratory testing methods na ginagamit sa pagtukoy ng mga kalagayan.

 

  1. Magkano ang aabutin para sa mga tests na ito?

 

Ang basic na newborn screening na nakaka-detect ng anim na disorders ay nasa 550 pesos. 1,500 pesos naman ang halaga ng expanded newborn screening. Kasama sa packages na sakop ng PhilHealth ang basic na newborn screening para sa members. Kung pipiliin namang isailalim ang baby sa expanded newborn screening, magdadagdag ng 950 pesos ang PhilHealth members para rito.

 

  1. Anu-ano ang newborn screening disorders na nade-detect?

 

undefined

Photo from Unsplash

 

  • Congenital Hypothyroidism – Ito ay dala ng kakulangan sa thyroid hormone na napo-produce ng katawan ng isang newborn baby. Maaaring sanhi ito ng defect sa mismong thyroid gland o ‘di kaya naman ay iodine deficiency. Ito ang isa sa pinaka-common na endocrine disorder sa mga sanggol. Kapag hindi na-screen kaagad ang bata, maaaring humantong ito sa abnormal na paglaki at mental retardation. Kapag na-detect naman ito agad sa newborn screening, normal ang magiging growth ng bata.

 

  • Congenital Adrenal Hyperplasia – Ang kondisyon na ito ay namamanang genetic disorder na nakakaapekto sa adrenal glands na nagpo-produce ng hormones na tumutulong sa metabolism, immune system, blood pressure, at iba pang importanteng functions ng katawan. Maaaring mauwi sa maagang kamatayan ang sakit na ito kapag hindi na-screen. Bagama’t walang lunas, ang early detection ay nakakatulong para mamuhay ng normal ang bata.

 

  • Galactosemia – Ang namamanang disorder na ito ay ang kakulangan ng ability ng katawan na maproseso at ma-produce ang energy mula sa sugar na tinatawag na galactose. Kapag nakakonsumo ng pagkain o inumin na mayroong galactose ang isang bata gaya ng formula milk, prutas, o gulay, bumabara ang mga undigested na sugar sa dugo. Nagreresulta ito sa cataracts o ‘di kaya naman ay kamatayan kapag hindi na-detect nang maaga. Normal namang lumalaki ang mga batang agad natugunan ang ganitong kondisyon.

 

  • Phenylketonuria – Isa pang namamanang disorder, ang PKU ay nagpapataas ng levels ng phenylalanine sa dugo, na siya namang kailangan para makabuo ng protein. Kapag hindi napasailalim ang batang mayroon nito sa newborn screening, maaaring mag-develop ang permanent na disability sa pag-iisip, kasama na rin ang seizures, delayed development, at mga problema sa behavior.

 

  • G6PD Deficiency – Kadalasan, mga lalaki ang naaapektuhan ng disorder na ito. Nagkakaroon nito kapag hindi sapat ang glucose-6 phosphate dehydrogenase enzyme na nag-iingat sa red blood cells. Dahil dito, ang mga batang may ganitong kondisyon ay may red blood cells na madaling masira, sanhi para sa labis na pagkapagod, pagkahilo, at severe anemia. Sa tulong ng newborn screening, maiiwasan ng mga magulang ang pagpapakain sa mga bata ng mga ipinagbabawal para sa G6PD patients.

 

  • Maple Syrup Urine Disease – Namamana rin ang kondisyon na iyo kung saan hindi maproseso ng katawan ang ilang protein building blocks nang maayos. Mapapansin ito sa tila matamis na amoy ng ihi ng sanggol na apektado nito. Ilan pa sa sintomas ang pagsusuka, kawalan ng energy, abnormal na paggalaw, at delayed development. Kapag hindi naagapan, ang disease na ito ay nauuwi sa seizures, coma, at kamatayan.

 

Nasusuri ang anim na ito sa parehong basic at expanded . Dagdag lamang sa expanded test ang detection ng organic acid disorders, fatty acid oxidation disorder, hemoglobinopathies, at amino acid disorders.

 

  1. Paano malalaman ang resulta ng newborn screening procedure?

 

undefined

Photo from Unsplash

 

Para sa normal na newborn screening results, kadalasan ay available na ito sa loob ng 7 hanggang 14 working days mula sa araw na natanggap ang blood samples sa Newborn Screening Center. Nakasaad ang NEGATIVE SCREEN na remark para sa mga newborn screening result na normal ang kinalabasan.

Kung POSITIVE SCREEN naman ang naging resulta, kailangang ibalik agad ang baby sa doktor para sa ibayong pagsusuri at testing. Inirerekomenda na dalhin ang bata sa specialist ayon sa kondisyon na mayroon siya. SIguraduhing ini-refer ito ng kanyang pediatrician.

 

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga komplikasyon sa kalusugan ng newborn babies, siguraduhing sumunod sa newborn screening procedure. Masisigurado nito kung paano mabibigyan ng angkop na alaga ang anak. May iba’t iba mang newborn baby care ang bawat magulang, ang pagpapasailalim sa mga sanggol sa test na ito isa na ring hakbang para maging sigurado sa mga desisyon na gagawin sa pagpapalaki sa kanila.

 

Sources:

 

https://www.doh.gov.ph/newborn-screening

https://www.newbornscreening.ph/index.php?option=com_content&view=section&layout=blog&id=3&Itemid=60

https://emedicine.medscape.com/article/919758-overview

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/congenital-adrenal-hyperplasia/symptoms-causes/syc-20355205

https://rarediseases.info.nih.gov/diseases/2424/galactosemia

https://ghr.nlm.nih.gov/condition/phenylketonuria

https://kidshealth.org/en/parents/g6pd.html

https://ghr.nlm.nih.gov/condition/maple-syrup-urine-disease