Mga Sintomas ng Pneumonia sa Bata

June 29, 2017

Ayon sa World Health Organization o WHO, may isang bata ang namamatay kada 20 segundo sa buong mundo dahil sa sakit na pneumonia. Dapat itong ikabahala dahil mataas ang rate na ito. Nasabi rin sa research na ang mga kaso ng fatality na konektado dahil sa pneumonia ay madalas nangyayari sa mga mahihirap at developing countries. Isa ang Pilipinas sa mga developing countries kaya naman hindi dapat ipagsawalang bahala na lamang ang pneumonia sa mga bata.

Ang pneumonia ay ang pamamaga o impeksyon sa isa o parehong baga. Ang pneumonia sa mga bata ay dulot ng virus o bacteria.


Kapag may pneumonia, ang daluyan ng hangin sa baga ay namamaga at nagkakaroon ng plema o mucus. Binabarahan nito ang daluyan ng hangin na siya namang bumabawas sa oxygen na pumapasok sa katawan.

Isasailalim sa chest x-ray ang mga bata upang lubusang malaman ang kanilang dagnosis. Lalabas sa resulta ng x-ray kung may pneumonia ang isang bata.

Mga Sintomas ng Pneumonia sa Bata

May iba’t-ibang senyales ng pneumonia sa bata depende sa kanilang edad at sanhi ng sakit ngunit narito ang mga madalas na makitang sintomas:

 

  • Mataas na lagnat

  • Ubo

  • Pananakit ng tiyan

  • Mabilis na paghinga

  • Pagsusuka

  • Pananakit ng dibdib

  • Kawalan ng ganang kumain
    Kasama na sa kawalan ng ganang kumain ay ang hindi pag-inom ng mga bata. Labis silang manghihina kapag may pneumonia kaya dapat patuloy silang alagaan ng kanilang mga magulang. Mahalaga ang patuloy na pagpapainom sa kanila ng tubig o juices para hindi sila ma-dehydrate.

     

Pagpapagaling sa Pneumonia ng Bata

Kadalasang napapagaling sa bahay ang pneumonia ng mga bata. At para magawa ito, narito ang ilang tips:

 

  • Bigyan ng sapat na pahinga.

  • Panatilihin silang hydrated.

  • Iwasang manigarilyo pag malapit sa kanila o itigil na ito ng tuluyan.

  • Bigyan ng gamot para sa relief sa pananakit ng dibdib.


Para sa malalalang kaso ng pneumonia sa bata, pinakamabuti pa rin ang dalhin sila sa ospital upang mabigyan ng sapat na medikasyon ng mga eksperto at para tuluyan na ring mabantayan ang kanilang kalagayan. Kadalasan, sila ay dapat i-admit sa ospital kapag ang sanggol ay wala pang isang taong gulang, hindi kayang uminom ng gamot, na-dehydrate, o nakakaranas ng hirap sa paghinga.

Ang pneumonia sa bata ay posibleng maiwasan. Malaki ang papel ng pagkakaroon ng malakas na resistensya ng bata para makaiwas sila sa mga bacteria at virus na maaaring makapagdulot ng pneumonia. Mahalaga rin ang pagiging up to date ng kanilang vaccination o flu shot. Para naman sa mga batang pumapasok na sa paaralan, importanteng ituro sa kanila ang tamang paraan ng paghugas ng kamay upang maiwasan ang patuloy na pagpasa-pasa ng mga disease-causing germs.

Sources: