Sintomas ng pneumonia at paano makakaiwas dito

September 07, 2016

Ano ang pneumonia?

Ang pneumonia o pulmonya ay isang acute respiratory infection sa baga na sanhi ng bacteria, fungi, parasites, at virus na maaaring magdulot ng pagkakaroon ng tubig sa baga. Ito ay pagkakaroon ng inflammation sa air sac ng isa o parehong baga ng indibidwal.

 

Maaaring magkaroon ang sinuman ng sakit na ito ngunit mas madali nitong kapitan ang mga taong mayroong mahinang resistensya gaya ng mga bata, matatanda, at may mga bisyo gaya ng paninigarilyo. Nagagamot at naiiwasan ang sakit na ito ngunit mahirap itong gamutin kung hindi agad naagapan.

Mga sintomas ng pneumonia

Ang kadalasang mga sintomas na pinapakita ng mayroong pneumonia ay pagkakaroon ng fluid o pus (nana) sa air sac ng taong apektado na nagsasanhi ng ubo na may plema, lagnat, at kapos o hirap sa paghinga. Ang pagkaginaw na may kasamang panginginig at pananakit ng dibdib ay ilan din sa mga nararanasan ng mga taong dinapuan ng sakit na ito.

 

Iba’t iba ang sintomas na maaring maranasan ng indibidwal depende sa klase ng bacteria na nagsasanhi ng pulmonya, edad, at kalusugan ng may sakit. Ilan pa sa mga sintomas ng sakit ay ang mga sumusunod:

 

Pananakit ng katawan

Pagsusuka

Pagkahilo

Diarrhea

Pagbilis ng paghinga

 

Ang pasyente ay kailangang magpakonsulta kaagad sa doktor kung nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:

 

Pag-iiba ng kulay ng balat dahil sa kakulangan ng oxygen

Pagkakaroon ng dugo sa ubo

Pagbilis ng tibok ng puso

Mataas na lagnat

 

Ano ang risk factors ng pneumonia?

Ang sakit na pulmonya ay maaaring maging mild o life-threatening. Delikado ang sakit na ito lalo na sa mga sanggol, bata, matatandang nasa edad 65 pataas, at mga taong may iba pang health problems at mababa ang immune system. Iba pa sa mga risk factors ay ang mga sumusunod:

 

Mataas ang panganib na magkaroon ng pneumonia kung nasa intensive care unit ng ospital ang indibidwal, lalo na kung gumagamit ng makina na tumutulong sa paghinga.

 

Pagkakaroon ng chronic disease tulad ng asthma o chronic obstructive pulmonary disease (COPD) o heart disease

 

Paninigarilyo na nakakaapekto sa natural defenses ng katawan laban sa bacteria at viruses na nagsasanhi ng pneumonia

 

Pagiging mahina ng immune system ng indibidwal

 

Paano na da-diagnose ang pneumonia?

Kadalasan ay hindi napapansin at naaagapan ang pulmonya dahil halos katulad nito ang flu at colds, ngunit mas matagal at malala ang sintomas nito kumpara sa mga nabanggit na sakit.

 

Mayroong iba’t ibang klase ng examination tulad ng (1) physical examination kung saan pakikinggan ng doktor ang paghinga ng pasyente. Ang pagkakaroon ng tunog habang humihinga ay maaaring indikasyon na may pneumonia ang isang tao. Sumunod naman ay ang (2) diagnostic test na ginagamitan ng chest x-rays upang malaman kung mayroong impeksyon sa baga ang isang indibidwal.

Paano umiwas sa pneumonia?

Ang pneumonia ay kadalasang nakukuha sa pag-inhale ng virus at bacteria na galing sa pag-ubo o bahing ng ibang taong mayroon nito kaya naman ibayong pag-iingat ang kailangan lalo na tuwing lalabas ng bahay. Ang paghuhugas ng kamay at pagkain ng masusustansyang pagkain na nararapat para lumakas ang resistensya at malabanan ang mga sakit na gaya nito ay kinakailangang gawin upang makaiwas sa pneumonia.

 

 

Para sa mga magulang na may mga anak na sanggol o maliliit pa, siguraduhing pabakunahan ang mga ito para makaiwas sa iba pang mga sakit at hindi lamang sa pneumonia. Kung nakararanas ng mga sintomas na nabanggit ay mabuting magpakonsulta sa doktor para makompirma at maaksyunan agad. Huwag pababayaan ang kalusugan dahil kapag lumala ang pneumonia ay maaari itong maging sanhi ng kamatayan.

 

Sources:

http://www.wpro.who.int/philippines/typhoon_haiyan/media/Pneumonia.pdf?ua=1

http://www.wpro.who.int/philippines/typhoon_haiyan/media/Pneumonia.pdf?ua=1

http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pneumonia/home/ovc-20204676

http://www.healthline.com/health/pneumonia#Symptoms4