Pneumonia Prevention para sa mga Nakatatanda

September 18, 2017

Pneumonia 101

Ang pneumonia ay ang inflammation sa baga na maaaring dulot ng bacteria, fungi, virus, at ng iba pang organisms. Nakakaapekto ito sa normal na paghinga ng isang pasyente. Epekto ng sakit na ito ang pagkakaroon ng likido sa apektadong bahagi ng baga na maaaring tumama lamang sa isang parte o di naman kaya ay sa dalawang baga. Nililimitahan ng inflammation ang daloy ng dugo sa baga at dahil na rin dito ay bumababa ang lebel ng oxygen sa katawan.

May iba’t-ibang klase ng pneumonia ayon sa tindi nito at ito ay maaaring matukoy mula mild hanggang severe. Kapag napabayaang lumala ay maaaring umabot ang kaso ng pneumonia sa pagiging fatal. Ang sakit na ito ay nakakahawa ngunit kadalasan ay kusa na lamang itong nakukuha ng mga pasyente.

Ayon kay Dr. William Schaffner, medical director ng National Foundation on Infectious Disease and chairman of the Department of Preventive Medicine sa Vanderbilt University School of Medicine, lahat ng tao ay mayroong bacteria at virus sa ilong at lalamunan. Kaya naman kapag hindi sapat ang immunity sa katawan ay lalong tumataas ang tiyansa ng isang tao na magkaroon ng pneumonia.



Mga Sintomas ng Pneumonia

Iba’t-ibang uri ng bacterial strain ang maaaring magdulot ng pneumonia sa pasyente kaya naman maaaring kakitaan rin ng maraming uri ng sintomas ang mga mayroon nito. Ganunpaman, narito ang ilan sa mga common na sintomas ng pneumonia na kailangang bantayan sa mga kapamilya nating senior citizens:
 

  • Panghihina
  • Ubo
  • Lagnat
  • Pananakit ng dibdib
  • Ginaw
  • Dilaw o berde na sputum
  • Hirap sa paghinga
  • Confusion

 

Pneumonia sa Senior Citizens                          

Gaya ng mga bata, ang senior citizen ay mas prone sa pagkakaroon ng pneumonia kesa sa mga teenager at adult. Pangunahing dahilan nito ay ang kanilang edad at ang paghina ng kanilang pangangatawan. Ilan sa mga sakit na kaugnay ng pagtanda na siya namang nakakapagpalala ng pneumonia ay diabetes, at mga sakit sa puso.

Isa pang dahilan ng pagkakaroon ng mataas na risk ng mga nakatatanda sa pagkakaroon ng pneumonia ay ang pagtanda ng kanilang katawan. Di gaya ng sa kanilang kabataan ang kanilang mga katawaan ay nagsisimula ng manghina at bumagal ang pag-function. Bukod sa decreased resistance nila sa mga environmental factors, ay ang pag-decline na rin ng kanilang physiological o pangangatawan na functions.

Isang halimbawa ay ang pagkakaroon ng injury ng isang nakatatanda. Sakaling sila ay maaksidente o di naman kaya ay masaktan, sunod-sunod na na tila ba isang chain reaction ang paghina ng kanilang katawan. Mahihirapan na ang kanilang katawan na i-repair ang sarili nito at ganito ang nangyayari kapag nagkakaroon ng pneumonia ang mga nakatatanda.

Kaugnay ng pagtanda ay ang paghina ng immune system. Ang ating immune system ay ang depense ng ating katawan laban sa mga virus, bacteria, at iba pang organismo na maaaring magdulot ng infection. Kaya naman ang mga senior citizen na hindi nakakakuha ng sapat na ehersisyo at nutrisyon ay maaaring maka-develop ng pneumonia dahil sa kanilang mahinang immune system.



Prevention Laban sa Pneumonia ng mga May Edad


Ayon sa pag-aaral, tumataas ang kaso ng pneumonia kapag panahon ng flu o flu season. Walang dapat ipag-alala ang ating mga senior citizens dahil sila ay maaaring makakuha ng sapat na medikasyon para makaiwas sa pagkakaroon ng pneumonia.

Inirerekomenda sa mga nakatatanda edad 60 pataas ang regular na pagkakaroon ng pneumococcal vaccine at annual flu shot. Nilalabanan ng vaccine na ito ang streptococcus pneumoniae bacteria. Makabubuti rin na kumuha ng vaccine na ito ang mga kasama sa bahay ng mga senior citizen upang sila mismo ay makaiwas sa sakit na ito at hindi na magkahawaan kung sakali mang makakuha nito.

Isa pa rin sa pinakamabuting paraan ng pag-iwas sa anumang sakit ang pagkakaroon ng healthy lifestyle. Nasa tamang pagkain ang pangunahing sagot sa pagkakaroon ng tamang proteksyon laban sa pagkakaroon ng mga sakit gaya ng pneumonia. Siguraduhing may sapat na nutrisyon ang mga kinakain at balanseng portion ng karne, gulay, at prutas kada meal. Makatutulong rin ang pag-inom ng mga vitamins manatiling nourished ang katawan at mapanatili nag pagkakaroon ng malakas na immune system.

 

undefined
 

Gawing isang communal activity ang pag-iwas sa sakit na pneumonia. Simulan ito sa tahanan. Maaaring maging aktibidad ng mga bata at nakatatanda ang pagkakaroon ng healthy lifestyle. Tamang pagkain at tamang ehersisyo ang pinakamahusay at masayang paraan ng pagpapalakas ng immune system na mahalaga sa pagiwas sa pagkakaroon ng sakit na ito.

Para naman sa mga naatasang caregiver ng mga pasyente na mayroong pneumonia, napaka-importante ang pagkakaroon ng tamang hygiene practices. Gawing habit ang paghuhugas ng kamay upang maalis ang mga bacteria, virus, at organismo na carrier ng sakit na pneumonia.


Sources: