Photo courtesy of stevepb via Pixabay
Sa pangunguna ng Department of Health o DOH, taun-taong ipinagdiriwang ang National Patient Safety Day. Ito ay isang pambansang awareness advocacy program ng departamento na may adhikaing bigyang kaalaman ang mga pamunuan ng ospital at maging ang publiko sa mga karapatan ng pasyente.
Hindi biro ang magkasakit, bukod sa karamdamang iindahin, nariyan din ang iba pang bagay na haharapin kalakip nito. Ilan dito ay ang ospital na tutuluyan, mga doktor at nars na tutulong sa gamutan, mga gamot na dapat bilhin, at hospital bill na kinakailangan bayaran. Ang isang pasyente ay nararapat na maging maalam sa mga bagay na may kinalaman sa kanyang kalusugan at pangkalahatang kabutihan. Basahin ang mga sumusunod na patient’s rights.
1. Karapatang tumanggap ng serbisyo na gumagalang sa pagkatao
Ang isang pasyente ay may karapatang pagkalooban ng serbisyong naaayon sa wikang kanyang ginagamit at gumagalang sa kulturang kanyang pinaniniwalaan. Karapatan niyang tumanggap ng serbisyo ng walang diskriminasyon batay sa lahi, kulay, kasarian, relihiyon, o antas sa lipunan.
Karapatan din ng pasyente na mabigyan ng isang pangangalaga sa isang ligtas at malinis na kapaligiran mula sa mga taong may sapat na kaalaman sa kanyang mga pangangailangan.
2. Karapatang malaman ang bawat impormasyon ukol sa karamdaman
Ang bawat pasyente ay may karapatang malaman ang uri, sanhi, at kahihitnan ng kanyang karamdaman. Kailangan din na maipaliwanag sa kanya ng mabuti ang proseso ng gamutan at ang mga posibleng komplikasyon nito.
Mas makabubuti rin namang malaman ng pasyente kung may alternatibong gamutan para sa kanyang sakit at ang magiging halaga nito. Ang bawat pasyente ay may karapatang tanggapin o tutulan ang gamutan matapos mailahad sa kanya ang lahat ng bagay na dapat niyang malaman.
3. Karapatang mapangalagaan ang “confidentiality” ng bawat impormasyon ng pasyente
Ang mga hospital records ng isang pasyente ay nararapat na isa-pribado. Hindi nararapat na ilahad ng isang doktor sa ibang tao ang kondisyon ng pasyente, lalo na kung sensitibo ang karamdaman nito.
4. Karapatang malaman, makibahagi o tumanggi sa mga pananaliksik na pang medical
Sa mga pagkakataon na kinakailangan ng ospital na magsagawa ng medical researches na may kinalaman sa pasyente, nararapat na mabigyan ito ng kaukulang impormasyon. Kailangang maipaliwanag sa pasyente ang layunin at pamamaraan ng nasabing pananaliksik, at tanggapin ng ospital ang kanyang pag sang-ayon o pagtanggi dito.
Nararapat ding mabigyang kasiguraduhan ang pasyente na walang magiging epekto sa kanyang kalusugan at gamutan kung sakaling tatanggi siya sa gagawing pananaliksik.
5. Karapatang maglahad ng anumang reklamo
Ang bawat pasyente ay may karapatang ipahayag ang kanyang kawalan ng kasiyahan sa kanyang natanggap na pangangalaga at serbisyo. Siya rin ay may karapatang mabigyan ng tugon mula sa ospital ukol sa inilahad na reklamo.
Sa karapatang ito, tungkulin din naman ng pasyente na ilahad ang kanyang reklamo sa magalang na paraan at hindi makakasakit ng kanyang kapwa.
Photo courtesy of DarkoStojanovic via Pixabay
6. Karapatang makuha ang medical records at laboratory results
Ang pasyente ay may karapatang tumanggap o kumuha ng kanyang medical records at laboratory results sa loob ng isang makatwirang panahon. Ito ay personal at pribadong kopya ng pasyente na dapat niyang mabasa at malaman.
Maaari ring i-compile ang records at lab results nito upang magamit sa mga susunod pang konsulta sa doktor o sa mga panahong kinakailangan ang mga impormasyong nakapaloob dito.
7. Karapatang mabisita at tumanggap ng bisita
Bagama’t kailangang sundin ang hospital policy ukol sa pagbisita tulad ng visiting hours o dami ng bisita, karapatan pa rin ng pasyente na mapahintulutan ang kapamilya o iba pang tao na siya ay bisitahin. Ang karapatang ito ay naaayon naman sa kakayahan ng pasyente na tumanggap ng bisita at sa payo ng doktor ukol sa usaping ito.
8. Karapatang malaman ang bawat item sa hospital bill
Ang bawat pasyente ay may karapatan na malaman ang bawat nilalaman ng kanyang hospital bill at mabigyan ng kasagutan kung sakaling siya ay may katanungan ukol dito.
Photo courtesy of marcelohpsoares via Pixabay
Sa huli, ang bawat pasyente ay nararapat na maituring ng may paggalang at konsiderasyon. Mayaman man o mahirap, nararapat siyang mabigyan ng sapat na pag-aalaga. Ang bawat doktor atnars, ay may tungkuling bigyang lunas ang kanilang mga karamdaman at iwasang madagdagan ang kanilang mga suliranin.
Ang bawat karapatan ay may kalakip na tungkulin. Sa darating na National Patient Safety Day ating alalahanin hindi lamang ang ating karapatan ngunit pati na rin ang mga bagay na nararapat din nating gawin at sundin bilang isang pasyente.