Tamang nutrisyon at mga pagkaing bawal sa diabetic

March 22, 2016

 

 

Photo from Pixabay

 

 

Susi sa pagkontrol ng diabetes mellitus ang paghahanda ng tamang pagkain. Ang ugat ng sakit na ito ay ang labis na pagtaas ng blood sugar at hindi wastong pagtanggap ng katawan sa insulin. Ang pangunahing layunin para malabanan ang diabetes ay ang pagpapababa ng blood sugar at magagawa ito sa pamamagitan ng wastong nutrisyon. Dahan-dahang mawawala ang mga sintomas ng diabetes kung iyong susundin ang iyong diet.

 

 

Ano nga ba ang iyong mga dapat kainin at dapat iwasan? Ano ba ang mga wastong sustansya na maaaring magpababa ng blood sugar? at lumaban sa diabetes symptoms? Basahin ang aming mga kasagutan at hinandang payo.

 

Gumawa ng Diet Plan

 

Mainam na kumonsulta muna sa dietician o nutritionist para makagawa ng tamang diet plan. Ang mga propesyonal na ito ay gagawa ng diet plan na angkop sa iyong kondisyon. Kasama rito ang wastong dami ng pagkain sa bawat meal na kakainin bawat araw.

 

Sa gagawing diet plan, mapapansin na ang carbohydrates na naglalaman ng asukal ay hindi lubos na ipinagbababawal. Nagbibigay ng enerhiya sa katawan ang carbohydrates kaya kailangan lamang itong limitahan. Bukod sa carbohydrates, makikita sa diet plan ang wastong pagrarasyon ng iba’t-ibang pagkain ayon sa nilalaman nitong sustansya. Kapag sinunod ang diet plan, magiging maganda ang iyong kalusugan habang kinokontrol ang diabetes.  

 

Kung napapansin mong tumataas pa rin ang iyong blood sugar maski na sinusunod mo na nang maayos ang diet plan, huwag mag-dalawang isip na magpatingin sa iyong doktor.

 

Kumain ng Mga Pagkaing Mayaman sa Fiber

 

Ang mga pagkaing mayaman sa fiber ang kadalasang laman ng mga diet na para sa mga diabetic. Ito ay carbohydrate na tumutulong sa pagpapababa ng cholesterol sa katawan hindi gaya ng regular na asukal. Ang fiber ay hindi lubos na natutunaw ng tiyan kaya mabilis itong inilalabas ng katawan. Sa madaling salita, hindi ito nagpapahirap sa pancreas na gumagawa  ng insulin – ang hormone na nagpoproseso ng blood sugar.

 

Maraming pagkain ang nagtataglay ng fiber kaya huwag kang mabahala kung ikaw ay nangangailangan ng diet na pangontra sa diabetes mellitus. Ang ilan sa mga ito ay:

 

·         Prutas

·         Lettuce

·         Singkamas

·         Beans

·         Whole wheat bread

·         Whole wheat pasta

·         Brown rice

·         Rolled oats

·         Green peas

·         Repolyo

·         Broccoli

·         Leafy vegetables

 

Bukod sa pagkontrol ng diabetes, ang fiber-rich foods ay nakatutulong din sa pagpapapayat. Mapapababa mo ang iyong timbang kapag kumain ng maraming fiber at higit sa lahat, mapipigilan mo ang paglala ng diabetes dahil hindi tumataas ang iyong blood sugar.

 

Kumain ng Good Cholesterol

seafood-809864_1280.jpg

Photo from Pixabay

 

Mas healthy ang isda para sa mga diabetic kaysa sa karne. Karamihan sa mga karne tulad ng bacon at delatang corned beef ay naglalaman ng trans fat na maaaring magpalala ng diabetes samantalang ang mga isda gaya ng tilapia at tuna ay nagtataglay ng healthy fat o good cholesterol.

 

 

Kung kakain ng isda, mas mainam kung ito ay i-steam kaysa iprito. Ang mantika na ginagamit sa pagprito ay hindi lamang masama para sa diabetes, ito rin ay maaaring magdulot ng altapresyon. Kasama ng isda, maaari ka ring kumain ng boiled or baked chicken breast na walang balat. Ang kailangan mo lang gawin at lagyan ito ng mga herbs and spices para sumarap.  

 

Maaari ka ring kumain ng mga shellfish tulad ng shrimp, clams, at tahong. Mag-ingat nga lang kung may red tide. Ang red tide ay ang labis na pagdami ng algae sa dagat. Ang ilang uri ng algae ay naglalabas ng lason na maaaring makapinsala sa taong kuman ng infected shellfish.

 

Hindi Lahat ng “Low Fat” ay Mabuti

 

Karaniwang binibida ng mga kumpanya na mabuti ang mga pagkaing “low fat,” na sinasabing mas mababa ang nilalamang taba kaysa sa normal na pagkain. Para sa ibang mga produkto, binabawasan nga ang taba ngunit dinadamihan naman ang asukal. Dahil dito, tataas ang iyong blood sugar level kung marami kang makonsumo. Imbis na kumain ng “low fat,” piliin ang mga bagay na unsweetened pati ang mga pagkaing may healthy fat gaya ng avocado at extra virgin olive oil.

 

Hindi naman lahat ng “low fat” ay masama. Tingnan na lang ang nutrition facts sa produkto at tanungin ang iyong dietician kung ano ang puwedeng kainin at kung gaanong karami kada araw.

 

Kontroladong Pagkain ng Asukal

 

Hindi ipinagbabawal ang pagkain ng asukal, kailangan lamang kontrolado ito, gayon din ang protein-rich foods gaya ng manok at baka. Maaaring kumain ng mga panghimagas pero hinay-hinay lang.

 

Ang iyong gawin ay kalahatiin ang normal mong kain ng cake o ice cream tapos palitan ang kalahati ng mga prutas. Tingnan din ang label ng mga pagkain upang makita kung gaanong karaming asukal ang laman nito.

 

 

 

 

 

 

Iwasan ang Soft Drinks

 

drink-341489_1280.jpg

Photo from Pixabay

 

Ayon sa isang pagsusuri, tumataas ang risk ng pagkakaroon ng diabetes ng 15% kapag araw-araw uminom ng soda. Imbis na mag-soft drinks, uminom na lamang ng 100% fruit juice o naturally flavored water.

 

 

Kung talagang mahilig ka sa soft drinks, mMaaari mong ihalo ang katas at laman ng mangga sa tubig. Hindi na kailangang maglagay ng asukal dahil likas na matamis ang mangga.

 

Gaya ng soft drinks, marami ring asukal ang pangkaraniwang energy drink. Puwede mong ipalit dito ang unsweetened tea o black coffee kung kailangan mo ng dagdag na enerhiya.

 

 

Isabay ang Ehersisyo sa Pagda-Diet

 

 

Kadalasang hindi sapat ang pagda-diet kung lalabanan ang diabetes. Mas epektibo kung sasabayan ito ng pag-eehersisyo. Hindi naman kailangang lumahok sa mga sobrang nakapapagod na sports; maski konting pagpawis lang muna ay mainam na bilang magandang simula. Ang pagbabawas ng timbang na nakukuha sa ehersisyo ay nakatutulong sa pagpapababa ng blood sugar at pagpapalakas ng resistensya upang makontrol ang diabetes.

 

Para makasigurado, konsultahin ang iyong doktor kung anong mga gawain ang maaari mong gawin. Hindi rin puwedeng biglain ang pag-eehersisyo dahil baka hindi kayanin ng katawan lalo na sa mga nakatatanda.

 

Mapanganib man ang diabetes, kaya pa rin itong makontrol sa tulong ng iyong pamilya, mga kaibigan at iyong doktor. Kailangan lamang ng disiplina upang sundin ang healthy diet at umiwas sa mga bagay na magkokompromiso sa iyong kalusugan.