Ang diabetes ay isang seryoso at pangmatagalang kundisyon kung saan tumataaas ang lebel ng asukal sa dugo, na maaaring may kaabikat na pinsala sa mga organ ng katawan, lalo na sa mga mata, bato, ugat, puso at daluyan ng dugo.
Ang diabetes ay nangyayari kapag kulang ang nagagawang insulin ng lapay o kung hindi nagagamit nang maayos ng katawan ang insulin. Ang insulin ay isang hormone na kailangan ng katawan upang mapakinabangan ng mga muscle, taba, at atay ang asukal sa dugo.
Mga Paraan upang Makontrol ang Blood Sugar
- Piliin ang mga kinakain
-Umiwas sa pagkain na gawa sa simple sugar tulad ng tsokolate at keyk. Mas mainam kumain ng pagkaing may complex carbohydrate tulad ng kanin, pasta, cereal, at sariwang prutas.
-Huwag maglaktaw o magpaliban ng oras ng pagkain. Nagdudulot ito ng pagbabagu-bago na lebel ng asukal sa dugo.
-Kumain ng pagkaing mayaman sa fiber tulad ng gulay.
-Magbawas ng asin sa pagkain.
-Umiwas sa pag-inom ng alak. Base sa mga rekomendasyon, hindi dapat dadami sa dalawang inumin para sa lalaki at isang inumin para sa babae ang alak na kinokonsumo kada-araw.
- Mag-ehersisyo
-Mahalaga ang regular na ehersisyo sa pagkokontrol ng blood sugar ng isang taong may diabetes. Pinapabuti nito ang kalakasan ng puso, pinapababa ang presyon ng dugo at lebel ng kolesterol, binabawasan ang taba sa katawan at nagkokontrol ng timbang, at tinutulungan ang katawan na magamit nang maayos ang insulin upang bumaba ang lebel ng asukal sa dugo.
-Mag-ehersisyo ng hindi bababa sa tatlong beses sa isang linggo sa loob ng tatlumpung minuto kada-araw. Pumili ng aktibidad na mapapabilis ang tibok ng puso tulad ng paglalakad ng mabilis.
-Laging magdala ng mabilis na pagkukuhanan ng asukal tulad ng candy o soft drink upang maiwasan ang sobrang pagbaba ng blood sugar (tinatawag na hypoglycemia) habang at pagkatapos ng ehersisyo.
- Umiwas sa stress
-Ang mataas na lebel ng stress ay pwedeng magpataas ng asukal sa dugo. Subukan ang ilang mga paraan upang makapag-relax at mabawasan ang stress tulad ng meditation, pagsusulat sa diary, pakikinig sa musika, paglalakad, at kahit anong aktibidad na maaaring magdulot ng kasiyahan.
- Magbawas ng timbang
-Kung overweight o obese, magbawas ng timbang sa pamamagitan ng tamang diyeta at regular na ehersisyo.
- Huwag manigarilyo
-Ang paninigarilyo ay masama sa kalusugan at maaaring magdulot ng mas malalang komplikasyon sa taong may diabetes.
- Uminom ng madaming tubig
-Kung ang ihi ay sobrang dilaw, maaaring senyales ito ng dehydration.
-Uminom ng madaming tubig at umiwas sa mga soft drink at matatamis na juice.
- Magkaroon ng sapat at magandang kalidad na tulog
-Ang maayos na tulog ay nakakabawas ng stress at nakakapagbalanse ng lebel ng asukal sa dugo.
-Patayin ang lahat ng electronic device isang oras bago matulog. Matulog sa malamig, madilim at tahimik na lugar para sa mahimbing na tulog.
- Panatilihing normal ang presyon ng dugo
-Ang pagkakaroon ng altapresyon ay maaaring magdulot ng mas mataas ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso at daluyan ng dugo lalo na sa mga taong may diabetes. Mahalaga ang regular na pagkuha ng presyon ng dugo at pagpapanatili nito sa normal na lebel.
-Magpakonsulta sa doktor para sa payo at tamang gamutan.
- Uminom ng gamot na pampababa ng blood sugar
-Kung hindi nakokontrol ang blood sugar, maaaring magrekomenda ang doktor ng mga gamot na pampababa nito. Maaaring magreseta ng isa o dalawang gamot, depende sa pinakanararapat sa kondisyon ng pasyente.
-Kapag tumataas ang lebel ng asukal sa dugo (tinatawag na hyperglycemia), ang pinakamadaling paraan upang pababain ito ay ang pagbibigay ng insulin. Ito ay dapat naaayon sa reseta ng doktor. -Maaaring sukatin ang blood sugar pagkalipas ng 15 hanggang 30 minuto matapos magbigay ng insulin upang malaman kung bumababa ang lebel ng asukal sa katawan at makasigurado na hindi ito bumabagsak ng sobra.
Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?
https://www.shutterstock.com/image-photo/female-doctor-do-blood-sugar-test-1431364034
Ang blood sugar na mas mataas sa 300 mg/dL ay mapanganib sa kalusugan. Agad na magpakonsulta sa doktor kung sa dalawang magkasunod na pagkakataon ay nakakuha ng blood sugar na higit sa 300 mg/dL.
Ang ilan sa sintomas na hindi kontrolado ang asukal sa dugo ay ang mga sumusunod:
-Laging mataas na blood sugar
-Madalas na pag-ihi
-Madalas na pagkauhaw
-Mataas na lebel ng asukal sa ihi
Mainam na itanong sa doktor kung gaano kadalas dapat sinusuri ang blood sugar at kung ano ang dapat na blood sugar level depende sa kondisyon ng pasyente.
Maaaring magpatingin sa isang endocrinologist, o ang doktor na espesyalista sa diabetes, para sa mga katanungan at tamang paggabay sa pagkontrol ng asukal sa dugo.
Kailan Dapat Pumunta sa Emergency Room?
Ang sobrang taas na lebel ng asukal sa dugo ay nakakabahala dahil maaaring magsimulang gamitin ng katawan ang taba para makakuha ng enerhiya sa halip na gamitin ang asukal sa dugo. Maaaring magdulot ito ng mga kundisyon tulad ng diabetic ketoacidosis (DKA) at hyperglycemic hyperosmolar syndrome (HHS) na mga medical emergency na nakakamamatay kung hindi agad na maagapan.
Ang ilan sa mga sintomas na dapat bantayan ay ang mga sumusunod:
-Sobrang uhaw
-Madalas na pag-ihi
-Pagkahilo
-Hirap huminga
-Pagsakit ng tiyan
-Pagsusuka
Ang sobrang taas na lebel ng asukal sa dugo ay maaaring magdulot ng kawalan ng balanse ng mga likido sa katawan na nagiging sanhi ng pagiging acidic ng dugo sa paraan na hindi kayang sumuporta sa katawan. Kinakailangan ng gamutang medikal para sa mga kundisyon na ito, kabilang na ang pagbibigay ng insulin at tubig na dumadaan sa swero upang maiwasto ang sintomas ng dehydration.
References:
https://doh.gov.ph/faqs/What-can-you-do-to-control-your-blood-sugar
https://www.healthline.com/health/diabetes/how-to-lower-blood-sugar-quickly-emergency