Pagdating ng Setyembre, para sa milyon-milyong mga Pilipino, pasko na. Nakaugalian na kasi rito na ituring ang buwang ito — ang unang “-ber” month — bilang isang unofficial na hudyat na palapit na ang pinakahihintay ng lahat na December holiday. Hindi na nakagugulat na makakita ng Pamaskong Tema sa mga tahanan, malls, at mga pasyalan kapag pumasok na ang ber months.
Sa panahong ito nagsisimula na ring maging “malamig ang simoy ng hangin,” ika nga sa isa sa pinakasikat na pinoy Christmas songs. Kaya naman ang mga pamilyang Pilipino, nakasanayan na rin na isama sa mga madalas ihain sa mesa ‘pag palapit na ang pasko, ang mga tradisyonal na pagkaing may mainit na sabaw.
Narito ang ilan sa mga paboritong soup recipe ng maraming pinoy lalo na pagsapit ng ber months.
Sinigang na Baboy
Ang sinigang na marahil ang pinakatanyag na sinabawang ulam dito sa Pilipinas. Ang sabaw na ito ay galing daw sa katagalugan, pero sa lahat ng dako ng bansa ay may sinigang na matitikman. Napakaraming uri ng sinigang sa iba’t-ibang lugar, ngunit ang orihinal pa rin ang pinakasikat sa lahat.
May iba’t-ibang paraan din ang pagpapaasim ng sinigang. Nariyan ang santol, bayabas, hilaw na mangga, at meron din namang mga artificial na pampaasim. Nguni’t walang makapagtatalo na ang hilaw na sampalok ay ang pinakamasarap.
Paano lutuin: Igisa ang sibuyas sa kaunting mantika sa loob ng 5 minuto. Lagyan ng isang kutsaritang asin. Idagdag ang luya, kamatis, at pork chops. Lutuin hanggang maging brown ang baboy. Ibuhos ang pinaghalong tubig at tamarind soup. Pakuluin at pagkatapos ay hinaan ang apoy. Palambutin pa ang pork ng hanggang 30 minutes. Idagdag ang mga hiniwang sitaw at hintaying maluto.
May mga kani-kanyang bersyon din ang mga nagluluto nito pagdating sa mga ingredients at paraan ng pagluluto. May mga naglalagay ng gabi upang lumapot ng kaunti ang sabaw, at meron ding mga nilalagyan ito ng okra. Ang iba naman, hindi ginagamitan ng mantika; bagkus ay sabay-sabay na niluluto ang sangkap kasama ang tubig at sampalok. Nasa nagluluto din kung anong parte ng baboy ang ilalagay, mula kasim hanggang buto-buto.
Maraming pinoy na mahilig sa sinigang na baboy ang kakain lamang nito kung may kasabay na sawsawan, at ang pinakasikat na sawsawan para sa sinigang ay ang patis, lalung-lalo na kung may siling labuyo.
Bulalo
Kung baka o beef naman ang gustong isabaw, nariyan ang isa pang Filipino favorite: ang bulalo. Ang bulalo ay isa sa pinakamatatandang pagkain sa Pilipinas. May bulalo na bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila. Sa sobrang sikat nito sa mga pinoy, mayroon pa ngang mga instant cup noodle soup na bulalo flavor.
Marami man sa mga nakatatanda ang naniniwala na sa bahaging timog ng Luzon nagsimula ang pagluluto ng bulalo, walang tiyak na makapagsabi kung alin sa mga lungsod o probinsya roon ang totoong sinilangan nito. Gayumpaman, ang pinakatanyag na sagot ay ang lalawigan ng Batangas. Pero mayroon din namang naniniwala na marahil ay ang Tagaytay, Cavite ang totoong pinagmulan nito dahil ang bulalo ay staple sa lugar na ito.
Saan man unang niluto ang bulalo, basta pinoy ka, alam mong isa ito sa mga sabaw na nais mong makita sa hapag-kainan tuwing lumalamig na ang klima.
Paano lutuin: Gumamit ng malaking kaserola o pot at dito ilubog sa kumukulong tubig ang mga beef shanks o buto-buto ng baka kasama ang bone marrow. Patuloy na pakuluin ito ng mga sampung minuto. Alisin ang sebo na lumulutang sa tubig. Alisin ang karne at buto-buto at hugasan sa malamig na tubig.
Magsalin ng bagong tubig sa kaserola at ilagay rin ang baka. Pakuluin ito at alisin muli ang namumuong sebo sa tubig. Kapag malinaw na ang sabaw, ihalo na ang sibuyas, patis, at paminta. Ilagay sa mababang apoy, takpan at hayaang kumulo nang mga 3 oras o hanggang lumambot ang karne. Ilagay ang mais at hayaan muling kumulo nang mga 20 minuto o hanggang maluto ang mais.
Lagyan ng asin ayon sa iyong panlasa. Idagdag ang pechay at green onions, at lutuin pa ng hanggang 3 minuto o hanggang maluto ang mga gulay.
Ang mainit na bulalo ay masarap isawsaw sa patis na may calamansi. Puwede rin namang lagyan ng siling labuyo ang sawsawan para sa mas nakakaganang anghang. Sa mga mahilig kumain nito sa Tagaytay, hindi rin mawawala ang isdang tawilis bilang kasama ng bulalo.
Utan
Ang utan ay isang sikat na vegetable soup sa Kabisayaan. Marahil ay kilala mo ito sa ibang tawag tulad ng laswa, law-uy, utan ng buwad, o kaya nama’y ang mas payak na pangalang sinabawang gulay.
Galing ang utan sa Visayan Islands. Ang orihinal na utan ay tinaguriang pagkaing mahirap o poorman’s vegetable soup. Niluluto ang utan noon gamit ang anumang gulay na mayroon sa bakuran o sa kusina. Ngayon, sinamahan na rin ito ng mas marami pang uri ng gulay at niluluto lamang sa tubig na may asin.
Paminsan-minsan, mayroon ding nagluluto ng utan na hinahaluan ng mga piraso ng karne o pritong isda. Bagama’t nagsimula ito bilang isang simpleng pantawid-gutom lamang, ngayon ay kabilang ang utan sa mga sabaw na paborito ng mga pinoy di lamang sa lasa kundi sa sustansya nito. Kasama na rin ang utan sa mga putahe ng iba’t-ibang restaurant sa Pilipinas.
Kung ang nais mo ay isang malusog na sabaw para sa paparating na kapaskuhan, isama na ang utan sa iyong ber month listahan.
Ang mga Pilipino raw ay isang lahing mahilig sa pagkain lalo na kung kasama ang pamilya. Lalo pang nangingibabaw ang mga katangiang yan kapag pumasok na ang ber months at papalapit na ang pasko. Marami pang putahe ng iba’t-ibang uri ng sabaw ang pinagsasaluhan ng mga pamilyang Filipino, lokal man o bersyon ng mga banyagang sabaw. Nariyan ang cream of mushroom soup, halimbawa, o ang chicken soup ng mga pinoy na kung tawagin ay sopas. Ngayon ay mas madali nang lutuin ang mga sabaw na ito, salamat sa internet kung saan matatagpuan ang lahat ng klase ng recipe para sa anumang sabaw na naisin ngayong pasko.
Paalala lamang: masarap mang kumain at humigop ng sabaw kasabay ng mga Christmas greetings, lagi lamang tandaan na anumang sobra ay hindi maganda. Laging kumain lamang in moderation, ika nga. Kung may nararamdaman naman, lumapit kaagad sa doktor upang malaman kung ano ito at kung paano malunasan.
Resources:
https://www.tasteatlas.com/most-popular-soups-in-philippines
https://www.kawalingpinoy.com/bulalo/
https://www.196flavors.com/philippines-bulalo/#:~:text=What%20is%20the%20origin%20of,most%20common%20methods%20of%20cooking.&text=Some%20believe%20it%20may%20have,is%20an%20extremely%20popular%20dish.
https://en.wikipedia.org/wiki/Sinigang#:~:text=7%20Further%20reading-,Origin,sigang%2C%20%22to%20stew%22.&text=Fish%20sauce%20is%20a%20common,singgang%20is%20derived%20from%20sinigang.
https://panlasangpinoy.com/pork-sinigang-na-baboy-recipe/
https://www.allrecipes.com/recipe/204958/pork-sinigang/
https://ilovephs.com/3-filipino-favorite-soups-to-warm-your-insides-this-ber-months/