Mga pagkaing pampalakas ng immune system

July 26, 2016

Photo source by Mittmac via Pixabay

 

Ang immune system ay nagtataglay ng iba’t ibang cells, proteins at tissues na pumoprotekta sa katawan laban sa mga germs, bacteria, at viruses. Kapag mahina ang resistensya, ang katawan ay madaling kapitan ng sakit gaya ng allergy, asthma, at influenza virus.

 

Ang isa sa pinakaimportanteng cells ng immune system ay ang white blood cells. Ang white blood cells ang nag pro-produce ng antibodies na lumalaban sa mga antigens o viruses na nakukuha ng katawan sa iba’t ibang paraan gaya ng paghawak sa maruruming bagay o pagkahawa sa mga taong may sakit. Maari rin humina ang resistensya dahil sa stress, paninigarilyo, at pagkain ng processed foods.

 

Maaaring kulang pa ang mga nutrients na ating nakokonsumo araw-araw. Malaki ang naidudulot ng diet sa ating katawan mabuti man o masama. Para makaiwas sa mga sakit ay recommended na isama ang ilan sa mga masusustansyang pagkain na ito na pampalakas ng resistensya.

 

1. Yogurt

Ang good bacteria o probiotics na nakukuha sa yogurt ay epektibong  pampalakas ng resistensya. Tiyaking may mga live o active cultures (lactobacillus and bifidobacterium strains) ang bibilhing yogurt. Ugaliing isama ang yogurt sa inyong diet.

Photo by pameladebutler via Pixabay

 

2. Bawang

 

Matagal nang kilala ang garlic sa pagkakaroon nito ng maraming vitamins at minerals. Makikita ito sa halos lahat ng lokal na pagkain sa bansa. Ayon sa National Institute of Food Science and Technology, ito rin ay tumutulong magpababa ng cholesterol level at blood pressure.

 

3. Luya

 

Isa sa mga sikat na pampalasa ang luya na makikita sa iba’t ibang lokal na putahe gaya ng tinolang manok at escabeche. Ito rin ay mabisang antioxidant at maraming taglay na pampalakas resistensya gaya ng potassium, calcium, at manganese.

 

4. Tea

 

Ang pag-inom ng iba’t ibang klase ng tea gaya ng green, black, at chamomile ay hindi lamang mabisa sa immune system, ito rin ay nakapagpapaganda ng balat ayon sa National Geographic.

 

Ang tea ay may may antioxidants gaya ng polyphenols at flavonoids na pumupuksa sa mga free radicals na pumapasok sa katawan.  Isa rin itong source ng amino acid L-theanine na tumutulong lumikha ng germ-fighting compound sa T-cells.

 

5. Sabaw ng manok

 

Ang sabaw ng manok ay nagtataglay ng Vitamin A at C, magnesium, phosphorus, sodium, at iba pang mga antioxidants. Mayroon din itong protein na mabisang panlaban sa impeksyon. At dahil ito ay liquid, madali itong mahigop at ma-digest ng taong may sakit para makaiwas sa dehydration at mapabilis ang pag galing.

 

6. Kamote

 

Ang kamote ay mayroong beta-carotene na naco-convert bilang Vitamin A sa loob ng katawan. Ang pagkain ng kamote ay mabisang panlaban sa mga free radicals na nakapipinsala sa immune system. Ang kalabasa at carrots ay ilan din sa mga mayaman sa beta-carotene na madaling mabili sa bansa.

 

7. Spinach

 

Ang spinach ay isang green leafy vegetable na nagtataglay ng folate na tumutulong gumawa ng new cells at mag-repair ng DNA cells ng katawan. Mayroon din itong beta-carotene, Vitamins A, C, at K na mga nutrients na mabisa para sa healthy immune system.

 

8. Broccoli

 

Ang broccoli ay kinikilala bilang isa sa pinakamasustansyang pagkain sa mundo. Ito ay nagtataglay ng mababang calories at mayroong vitamins at minerals gaya ng Vitamin A, C, E at mga antioxidants na mabisang pang-iwas at panlaban sa mga sakit gaya ng diabetes at cancer.

 

Photo source by Unsplash via Pixabay

 

Ilan lamang ang mga iyan sa mga nagpapalakas ng ating immune system. Ang balanced diet ay magandang simula para sa masustansyang katawan ngunit tandaan na ang sapat na pagtulog, pag-iwas sa bisyo, at regular na ehersisyo ay nararapat ding gawin upang lalong mapalakas ang resistensya laban sa sakit. Ugaliing magpacheck-up ng regular sa inyong doctor at itanong ang mga nararapat niyong gawin upang makaiwas sa mga sakit. Pwede rin uminom ng RiteMED Ascorbic Acid na nakakatulong na magpalakas ng immune system.

 

undefined