Ang indigestion ay isang pangkaraniwang kondisyon ng pagkasira ng tiyan o upset stomach dahil sa hindi wastong pagkatunaw ng pagkain. Ito ay kadalasang nararamdaman habang o pagkatapos kumain. Normal na maranasan ito ng tao at maging pansamantalang abala sa araw-araw na pamumuhay.
Hindi man ito malalang kondisyon, mas mabuting maging maagap upang maiwasan ang indigestion. Ano nga ba ang mga sanhi nito at paano ba ito maiiwasan? Patuloy na magbasa upang malaman ang kasagutan at ang aming mga payo.
Mga sanhi ng indigestion
Isa sa mga unang dapat alamin ay: what causes indigestion? Maaaring ito ay dulot ng klase ng pamumuhay ng isang tao. Ang pagkain at inuming kinokonsumo araw-araw ay maaari rin maging sanhi ng indigestion.
Ilan sa mga posibleng dahilan ng indigestion ay:
- sobrang pag-kain
- sobrang bilis na pag-kain
- pag-ubos ng maaanghang o matatabang pagkain
- sobrang kape, soft drinks, o alkohol
Ang iba pang sanhi ng indigestion na hindi mula sa pagkain ay ang mga sumusunod:
- paninigarilyo
- pagkabalisa o anxiety
- mga antibiotics at pain relievers
- iron supplements
Bukod pa sa mga ito ay may mga mas malalang kondisyon din na maaaring maging sanhi ng indigestion. Ilan sa mga ito ay:
- gastritis
- constipation
- celiac disease
- gallstones
- pancreatitis
Karaniwang sintomas ng indigestion
Madaling malaman kung ikaw ay may indigestion dahil sa hindi komportableng pakiramdam na iyong mararanasan. Maaaring ikaw ay makakaramdam ng pagkabusog bago pa man matapos kumain. Ang mabigat na pakiramdam na ito ay mas matagal din mararanasan kung ikukumpara sa tipikal na pagkabusog.
Ilan sa mga sintomas na nararanasan ng taong may indigestion ay:
- pananakit ng tiyan
- discomfort sa upper abdomen
- bloated tummy
- pagsusuka
- pagtatae
- pagdighay
- pangangasim ng sikmura
Wala mang mas malalim na sanhi ang indigestion bukod sa sobrang pagkain, maaari rin itong magdulot ng kawalan ng gana kumain. Kung ito naman ay dahil sa mas malubhang kondisyon, ito ay maaaring magdala ng iba pang komplikasyon.
Isang mainam na paraan upang maiwasan ang ganitong kondisyon ay ang pagkain ng foods that help digestion.
Mga klase ng pagkain na tumutulong sa pag-iwas sa indigestion
Photo from Pexels
Karaniwang inaalam ng mga taong nakakaranas ng kondisyong ito ay how to get rid of indigestion. Kaunting pagbabago sa pamumuhay at pag-kain ng wastong pagkain ay ilan lamang sa mga hakbang na makakatulong upang maiwasan ang indigestion.
Mahalagang kumain ng pagkaing mayaman sa fiber dahil ang mga pagkaing ito ay foods that help digestion. Itinuturing na importante sa pagbuo ng healthy eating habits ang pag-kain ng fiber-rich foods. Hindi lamang ito makakatulong sa pag-iwas sa indigestion, ito rin ay mahalaga upang mapabuti ang iyong pangkalahatang kalusugan.
Ang pagkain ng maraming gulay ay importante sa pag-iwas sa indigestion. Ito ay dahil ang gulay ay mababa sa fat at sugar na kapag sumobra sa pag-kain ay nagiging sanhi ng hindi pagkatunaw ng pagkain sa sikmura.
Mainam din ang mga pagkain na mayaman sa healthy fats. Ito ay tinuturing na mas nakakabuti sa kalusugan kasya sa saturated fats at trans fats na matatagpuan sa mga hindi healthy na pagkain gaya ng piniritong pagkain pati na rin processed food.
Makakatulong din na kumain ng egg whites na mababa sa nilalamang saturated fat. Ang laman ng karne ay mas mainam din kainin kaysa sa taba nito. Ang dalawang pagkaing ito ay mayaman sa protein na nakakatulong sa katawan. Mahalaga rin na uminom ng maraming tubig at ang maayos na pagnguya.
Mga pagkaing maaaring magdulot ng indigestion
Photo from Pexels
May ilang klase rin ng pagkain na nagsisilbing trigger upang makaranas ng indigestion ng isang tao. Ang mga pagkaing ito ay kadalasang maraming taba at maituturing na hindi maganda sa kalusugan.
Ilan sa mga pagkaing dapat iwasan dahil nagiging dahilan ng indigestion ay ang mga sumusunod:
- maaanghang na pagkain
- taba ng karne
- fast food
- kape
- soft drinks at iba pang carbonated na inumin
Karaniwan mang nararanasan ang indigestion, hindi ibig sabihin nito na hindi na dapat maging maingat sa mga kinakain. Bukod sa makakaiwas ka sa abala na dulot ng indigestion, marami ka ring maiiwasang karamdaman. Sa dulo, ikaw ay magiging mas malusog at masaya.