Ang hypertension ay isang kondisyon kung tumataas ang presyon ng dugo sa artery kaya naman ito ay kilala rin bilang high blood pressure. Kapag hindi nalunasan ay maaaring lumala at magdulot ng iba’t-ibang klase ng sakit gaya ng sakit sa puso at stroke. Ito ay madalas katakutan dahil wala itong sintomas na madaling mapansin. Ito ay binansagang silent killer.
Maraming factors ang nakaaapekto sa pagkakaroon ng hypertension ng isa tao. Ilan sa mga sanhi nito na hindi mako-kontrol ay ang katandaan, kasarian, history sa pamilya, at lahi. Subalit may mga bagay naman na maaaring kontrolin upang maiwasan ang pagkakaroon ng high blood pressure at yun ang lifestyle at diet.
Bukod sa pagbabawas ng timbang at tamang ehersisyo, napakalaki ng epekto ng kinakain ng isang tao sa pagkakaroon ng high blood pressure, o di kaya ay pagkontrol kung mayroon na nito.
Dito sa Pilipinas, nakasanayan na ang pagkain ng matataba at karne. Kadalasan sa mga putaheng inihahain ay mula sa baboy. Ito ay labis na nakasasama sa kalusugan ng mga taong may high blood pressure o hypertension. Dagdag pa riyan ang hilig ng Pilipino na uminom ng alak. Natural nang masayahin at mahilig sa pagdiriwang ang mga Pinoy kaya naman napakahirap na kontrolin ang pagkain ng mga hypertensives o taong nakararanas ng high blood pressure.
Dahil lamang sa may hypertension ang isang tao, hindi na agad ibig sabihin nito na dapat nilang itigil ang pagkain ng masasarap gaya ng lechon o sisig. May mga paraan para gawing guilt-free ang mga masasarap na pagkaing nakasanayan na.
Narito ang ilang tips para ma-enjoy pa rin ang mga masasarap na pagkain kahit na ito ay posibleng makasama sa karamdaman ng taong may hypertension:
- Kaysa kumain ng matabang bahagi ng karne ng baboy, piliin ang malaman na bahagi. Kung hindi available ay alisin ang taba. Mahalaga rin na moderate ang pagkain ng karne dahil mataas ito sa bad cholesterol.
- Kapag kakain ng manok, hanggat maaari ay kainin ang pitso o breast part. Ito ay white meat, ang mas masustansyang bahagi ng karne ng manok kumpara sa red meat na matatagpuan sa hita.
- Bawasan ang mamantikang pagkain. Nakahiligan na ng mga Pilipino ang pagpi-prito ng pagkain. Sa prosesong ito ay ilulubog sa kumukulong mantika ang pagkain. Kung hindi patitik-tikin ay siguradong masasama sa pagkain ang mantika. Subukang gumamit ng bagong paraan ng pagluluto gaya ng pagpapakulo, pag-steam, o di naman kaya ay ang pag-grill sa oven. Ang mga paraang ito ay gagamitin lamang ng kaunting mantika o di naman kaya ay walang mantika talaga.
- Dagdagan ang pagkain ng mga madadahong gulay gaya ng kangkong o pechay. Ang mga gulay na ito ay mayaman sa fiber na nakatutulong sa pag-alis ng taba sa katawan.
- Kumain ng oats. Isa rin itong magandang pagkunan ng fibers. Para maging masarap at mas healthy ang oats, maaari itong dagdagan ng hiniwang saging na siya namang mayaman sa potassium. Lagyan rin ito ng gatas para sa dagdag calcium.
Kapag may hypertension o high blood pressure, hindi naman kailangang isakripisyo ang lahat ng masasarap na pagkain. Kailangan lamang ng pagkain ng tamang dami. Maganda ring laging isaisip ang DASH diet o Dietary Approaches to Stop Hypertension diet. Ang diet na ito ay nagpapa-alala ng pagbawas ng sodium, fat, at alcohol sa katawan.
Sources: