Photo from San-J
Ano ang Protein?
Kailangan ng ating mga katawan ang iba ibang klase ng macronutrients, at ang protein ay isa dito. Malaki ang naitutulong ng protein sa pagpaparami at pag-ayos ng mga nasirang cells at tissue ng katawan. Mahalaga din ito pagdating sa pagbuo ng mga buto, lalo na sa puberty stage o ang panahon ng pagtangkad ng mga kabataan. Importante din na makakuha ng tamang dami ng protein ang mga taong nagpapalaki at nagpapaganda ng kanilang mga katawan.
Kahalagahan ng Protein sa Kalusugan
Kapag ang katawan ng tao ay nagkulang sa protein, maaaring dapuan ito ng kondisyon na tinatawag na protein deficiency. Narito ang ilan sa mga posibleng maidulot ng kondisyon na ito.
-
Paglalagas ng buhok at pagkakaroon ng split ends.
-
Ang mga kuko ay maaring maapektuhan at magsimulang magbitak.
-
Maaring mangayayat at bumaba ang timbang ng taong kulang sa protein.
-
Ang taong mayroong protein deficiency ay maaring maging mabilis mapagod at mabilis antukin.
-
Para sa mga bata, maari itong magdulot ng pagkabansot at panghihina ang katawan.
Masama ba kapag ikaw ay nasobrahan sa protein?
Kapag ang isang tao naman ay nasobrahan sa protein, maaari siyang tumaba o maging obese. Posible din na magkaroon siya ng sakit sa bato. Kung kaya’t importanteng balanse ang intake ng protina sa katawan, dahil mapa-labis o kulang ay may masamang epekto.
Mga Pagkaing Mayaman sa Protein
-
Manok
Ang manok ay mayaman sa protein. Ito ay makakatulong sa pagpanatili ng tamang timbang dahil mababa ito sa calories. Maraming putaheng Pinoy na manok ang bida. Nariyan ang adobong manok, nilagang manok o di kaya’y fried chicken. Mas mabuting partisan ito ng gulay para sa dagdag na sustansya.
-
Seafood
Ang mga isda at iba pang lamang dagat ay maaari ding mapagkuhanan ng protein at tulad ng manok, ay mababa din sa calories. Ang mga isdang tulad ng salmon at tuna ay mayroon fats, pero ito ay may taglay na omega 3 fatty acids na maganda naman para sa puso.
-
Laman ng Baka na Walang taba
Tulad ng manok at baboy, ang parte ng karne ng baka na hindi mataba ay mayaman din sa protina. Maaari din itong maging source ng zinc, iron, at vitamin B12. Maaaring ibida ang baka sa mga putaheng gaya ng nilaga o kaldereta.
-
Gatas, keso at mga produktang gawa dito
Hindi lamang sa protina mayaman ang mga pagkaing ito kundi pati na din sa calcium at vitamin D.
-
Itlog
Photo from Imgur
Mayaman din ang itlog sa protein. Parte ito ng almusal ng bawat Pilipino. Madaling makahanap at makabili ng itlog sa murang halaga at marami kang pwedeng gawin dito. Pwedeng prituhin o pakuluan, pwede rin isama sa mga ulam tulad ng adobo at giniling.
-
Mga beans at mga mani
Ang mga gulay tulad ng sitaw, bataw, patani at munggo ay mayaman sa protein at madaling makita sa mga palengke. Ang mga produkta na gawa mula sa soy beans, tulad ng tokwa at taho, ay mainam din na mapagkukunan ng protein. Maaring gawing sahog o side dish ito sa mga ulam.
Sources:
- http://www.webmd.com/fitness-exercise/guide/good-protein-sources
- http://kalusugan.ph/kahalagahan-ng-protina-at-mga-pagkaing-mayaman-dito/
- http://health.wikipilipinas.org/index.php/Protina