6 Pagkain at Gawain na Dapat Iwasan o Kontrolin

January 31, 2017

 

Marami tayong mga nakasanayan na gawain na ating ginagampanan nang walang iniisip na peligro. Gayun din ang pananaw ng karamihan pagdating sa pang-araw-araw na kinakain. Lingid sa kaalaman ng ilan, may mga pangkaraniwang pagkain at gawain na kailangang bawasan o iwasan upang mapanatilhing maganda ang kalusugan. Bilang hakbang ng iwas sakit, dapat maging mas maingat.

 

Anu-ano nga ba ang mga pagkain at gawain na ito? Kami ay gumawa ng ilang disease prevention tips na tatalakay sa mga ito.

 

Iwasan ang taba

 

Ang labis na konsumo ng matatabang pagkain ay nagdudulot ng maraming seryosong sakit. Hindi man agarang mararamdaman ang mga epekto nito, maaaring maranasan ang ilan sa mga negatibong resulta nito sa iyong pagtanda. Kabilang sa mga karamdaman at kondisyon na dala nito ay stroke, high blood, high cholesterol, mga sakit sa puso, at pagiging overweight.

 

Ilang halimbawa ng matatabang pagkain ay ang lechon, piniritong balat ng manok, sisig, cheeseburger, French fries, milk shake, at ice cream. Totoong masarap ang mga ito ngunit nakakakaba ang maaaring maging kahihinatnan kapag madalas kumain ng mga pagkaing nagpapataas ng blood pressure at cholesterol.

 

Iwasan ang paglusong sa baha

 

Kada taon, dinadaanan ng maraming bagyo ang Pilipinas, kung kaya madalas bahain ang mabababang lugar sa bansa. Ang paglusong sa baha ay naging parte na ng pamumuhay ng ilang pamilya, ngunit kailangang iwasan ito para sa kanilang kapakanan. Ang baha ay madalas na nahahaluan ng ihi ng daga na, kapag pumasok sa katawan, nagiging sanhi ng leptospirosis – isang nakamamatay na sakit.

 

Mabilis ang epekto ng nasabing sakit; maaaring makaramdam ng mataas na lagnat at muscle and joint pain sa loob lamang ng 2 hanggang 30 na araw. Kung hindi ito maagapan, magdadala ito ng pinsala sa atay, bato, mata, at iba pang bahagi ng katawan, na maaring magresulta sa kamatayan.

 

Kung hindi maiiwasan ang paglusong, balutin nang mabuti ang mga sugat at magsuot ng damit sa buong katawan.

 

undefined

 

 

Umiwas sa paninigarilyo

 

Isa sa pinakamapanganib na pang-araw-araw na gawain ay ang paninigarilyo. Halos hindi mabilang ang masasamang epekto ng mga kemikal ng usok nito sa ating katawan, at karamihan dito ay nakakamatay. Ang patuloy na paninigarilyo ay maaaring magdulot ng lung cancer, stroke, mga sakit sa puso, leukemia, cancer sa bato, cancer sa tiyan, at bronchitis. Kung nais mong mag-relax, mag-yoga at tai chi na lamang imbis na manigarilyo.

 

Magkaroon ng sapat na tulog

 

Para sa taong busy, ang pagtulog ay kadalasang nakakaligtaan. Dahil dito, bumabagsak ang resistensya at nakararanas ng panghihina, na nakakababa ng productivity. Bukod dito, ang kakulangan sa tulog ay may mga kalakip na karamdaman tulad ng pagtaas ng blood pressure, stroke, heart disease, insomnia, depression, at pagtaas ng timbang.

 

Sikaping makakuha ng sapat na tulog araw-araw para laging malakas ang iyong katawan at isipan. Iwasan naman ang labis na pag-inom ng kape at softdrinks dahil nakakaapekto ang mga ito sa iyong sleeping patterns.

 

Limitahan ang pag-inom ng alak

 

Totoong nakaka-relax ang alak pagkatapos ng isang mahabang araw, ngunit ang labis na konsumo nito ay may mga dalang masamang bunga. Gaya ng paninigarilyo, nagdudulot ito ng maraming seryosong sakit at kondisyon. Kabilang dito ang liver cancer, mga sakit sa atay, stroke, hepatitis, colon cancer, breast cancer, at depression.

 

undefined

 

 

Sobrang panonood ng TV

 

Masayang manood ng mga pelikula at palabas sa telebisyon, ngunit hindi ito dapat maging sentro ng iyong araw. Ang sobrang panonood ng TV ay nagdudulot ng katamaran at pananakit ng katawan at kasukasuan. Mas unhealthy pa ito kapag madalas sinasabayan ng chichirya at softdrinks, na parehong nagdudulot ng pagiging overweight at iba pang komplikasyon sa kalusugan.

 

Upang magkaroon ng masaya at malusog na pamilya, dapat nating alalahanin ang ating kalusugan. Nakakainis mang palitan o isaayos ang mga nakasanayan, higit sa sulit naman ang magagandang bunga na dala nito.  

 

Sources: