Ang neuropathic pain ay isang kondisyon kung saan ang sakit na nararamdaman ay chronic o talamak. Ang madalas na pinanggagalingan nito ay ang matagal nang iniinda at lumalalang nerve disease.
Kung ikaw ay nakakaranas ng neuropathic pain, maaari kang sumpungin ng sakit sa kahit anong oras at pagkakataon nang walang tiyak na dahilan.
Kaibahan ng Neuropathic sa Non-Neuropathic Pain
Kung ang pinanggagalingan ng sakit ay isang injury o illness, ito ay non-neuropathic pain. Dahil ito sa pagpapadala ng nervous system ng pain signals sa naapektuhang bahagi ng katawan. Halimbawa, kung naipit ang iyong kamay sa pinto, kaagad na “sasabihin” ng nervous system na nasaktan ang iyong kamay.
Kung neuropathic naman ang iyong nararamdamang sakit, hindi madaling matukoy kung bakit ito nangyayari o ano ang pinag-ugatan. Basta na lamang sasakit ang apektadong bahagi ng iyong katawan. Ang uri ng pain na ito ay madalas na maramdaman nang biglaan. Kung minsa’y tumatagal ito, pero posible ding pasumpong-sumpong lamang. Maaari ding mapalitan ito ng pagkamanhid sa apektadong parte ng katawan. Ang neuropathic pain ay karaniwang lumalala sa katagalan.
Mga Pinag-Uugatan ng Neuropathic Pain
Disease. Maaaring ang nararamdamang neuropathic pain ay sintomas o kaya nama’y dulot ng iba’t-ibang sakit. Halimbawa sa mga sakit na ito ang MS o multiple sclerosis, multiple myeloma, at iba’t-ibang uri ng cancer.
Kung minsan, ang paggagamot ng cancer tulad ng radiation at chemotherapy ang siyang magdadala ng nueropathic pain sa pasyente dahil naaapektuhan ng mga ito ang nervous system.
Samantala, marami sa mga taong nakakaramdam ng neuropathic pain ay mayroon ding diabetes. Ang diabetes kasi ay maaaring makaapekto sa iyong nerves sa katagalan. Iyan din ang dahilan kung bakit maraming maysakit na diabetes ay nakakaramdam ng pamamanhid at kung minsa’y masakit sa iba’t-ibang parte ng katawan tulad ng mga paa at daliri.
Ang isa pang sakit na maaaring maging sanhi ng neuropathic pain ay ang alcoholism.
Isang karaniwang dahilan ng pagkakaroon ng neuropathic pain ang sakit na trigeminal neuralgia.
Impeksyon. Hindi madalas na mauwi sa neuropathic pain ang pagkakaroon ng impeksyon, pero nangyayari din ito. Ilan sa mga impeksyon na maaaring magdala nito ay ang postherpetic neuralgia na nararamdaman pagkatapos magkaroon ng shingles; ang sakit na syphilis; at ang HIV/AIDS.
Injury. Hindi man madalas na mangyari, nguni’t posible rin panggalingan ng neuropathic pain ang injury. Kung naapektuhan ng injury ang mga muscles, tissue, o kasukasuan, puwede itong pagsimulan ng neuropathic pain sa mga bahaging ito. Gayundin ang mga injuries sa likod, balakang, o binti.
Kung tinamaan ang spine, o kaya’y nagkaroon ng spinal cord compression o herniated discs, kung saan nagkakaraoon ng damage ang nerve fibers, maaaring magdulot din ito ng neuropathic pain.
Nagkakaroon ng neuropathic pain bunga ng injury kung gumaling ang injury pero ang tinamong pinsala ng nervous system ay hindi gumaling.
Phantom Limb Syndrome. Isa ito sa mga pinakabihirang uri ng neuropathic pain. Ang phantom limb syndrome ay nangyayari sa ilang mga amputees. Wala na ang binti o braso na inamputate, pero animo’y nakakaramdam pa rin ng pain ang katawan mula sa natanggal na parte nito. Bunga ito ng mga maling signals na natatanggap ng utak mula sa mga ugat na malapit sa tinanggal na parte ng katawan.
Iba Pang Pinanggagalingang ng Neuropathic Pain. May ilang dahilan pa kung bakit nakakaramdam ng neuropathic pain, kabilang na riyan ang arthritis sa spine, mga problema sa facial nerves, carpal tunnel syndrome, mga problema sa thyroid, at ang kakulangan sa B vitamins.
Pregabalin Para sa Neuropathic Pain
Isa sa mga gamot na karaniwang nirereseta ng mga doktor para neuropathic pain ay ang pregabalin.
Ilan sa mga pregabalin uses ay ang pagbibigay-lunas sa pain na dulot ng neuropathic pain, fibromyalgia, at epilepsy (seizures).
Ang pregabalin ay kasama sa mga grupo ng gamot na tinatawag na anticonvulants. Ang ginagawa nito ay binabawasan ang mga pain signals na pinapadala ng mga nasirang nerves sa katawan.
Ang pregabalin ay tumutulong upang mabawasan ang sakit na nararamdaman. Samakatwid, ang bisa nito ay para sa mga sintomas ng sakit. Hindi ito gamot upang tuluyang mawala ang dahilan ng pananakit.
Inumin lamang ito nang ayon sa payo ng doktor. Huwag itigil ang pag-inom nito kahit walang nararamdamang sakit, liban na lamang kung sinabi na ng doktor na itigil ito.
Pregabalin Side Effects
Tulad ng ibang uri ng gamot, mayroon ding posibleng maramdaman na pregabalin side effects. Narito ang ilan:
- Pagkaramdam ng pagkapagod
- Pagkahilo
- Anxiety o pagkabalisa
- Pagdagdag ng timbang
- Muscle twitching
- Pakiramdam na bloated
- Pagsusuka
- Pagiging makakalimutin
- Panghihina
Iba-iba ang karanasan ng mga taong umiinom ng pregabalin. Para sa iba, mabisa itong pangontra sa sakit na dulot ng neuropathic pain, at para sa iba naman, hindi gaano. Iba-iba rin ang reaksyon ng katawan ng tao kung side effects ang pag-uusapan. Mayroong nakakaranas ng isa o higit pang side effects, at mayroon din namang wala.
Kung may nararamdamang masakit, lalo na kung ‘di sigurado kung ano ang nagdulot nito, mas mainam nalumapit sa dalubhasa upang malaman sa pamamagitan ng tests ang pinanggagalingan ng pain. Sila rin ang magrereseta ng gamot o magsasabi kung ano ang therapy na maaaring makapagpagaling o makabawas sa nararamdaman.
Kung gustong subukan ang pregabalin para sa nararamdamang chronic pain, ikonsulta muna sa doktor bago bumili nito. Maaaring bigyan ka rin ng doktor ng iba pang gamot o kaya nama’y magrekomenda ng lifestyle changes upang mabawasan ang sakit na nararamdaman.
Resources:
https://medlineplus.gov/druginfo/meds/a605045.html
https://www.evidentlycochrane.net/pregabalin-neuropathic-pain/
https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5371025/