Paminsan-minsan ay nakakaramdam tayo ng pananakit sa isa o ilang bahagi ng ating katawan. Minsan, tumatagal lamang ito ng ilang araw. Ito ay ang tinatawag na acute pain. Kapag naman ang pananakit ay umabot na ng ilang linggo o buwan, chronic pain na ang tawag dito. Mahirap magkaroon ng chronic pain, dahil isa itong malaking abala na nakakaapekto sa ating pang-araw araw na pamumuhay. Alamin ang ilan sa madalas na klase at sanhi ng chronic pain, at kung ano ang pwedeng gawin para masolusyunan ito.
Pananakit ng Likod (Chronic Back Pain)
Maraming nakakaranas ng pananakit ng likod – dahil sa iba’t ibang dahilan. Maaring injury ang magdulot nito, o kaya naman ang panghihina ng ating katawan habang tumatanda.
Ang maling paraan ng pagbubuhat (pagbuhat habang nakayuko, o pagbuhat ng bagay na sobrang bigat), o kaya naman ang trauma mula sa paghulog ay pwedeng maging sanhi ng herniated disk, o ang pagumbok ng isang disk ng ating spinal cord mula sa kanyang tamang puwesto. Pwede rin itong magdulot ng soft tissue damage sa laman at litid ng ating likod.
Kung hindi physical injury ang sanhi ng back pain, malamang ay medical condition naman ito. Osteoporosis at Scoliosis ang mga karaniwang sakit na may kinalaman sa likod ng isang tao.
Ang Osteoporosis ay isang kondisyon kung saan humihina at nagiging marupok ng buto. Ayon sa ilang pag-aaral, ang madalas tamaan ng sakit na ito ay ang mga babaeng may lahing Caucasian o Asian, katulad ng mga Pilipino. Sa katunayan, nasa mahigit 8 milyong Pilipino na ang may Osteoporosis. Kaya lang, marami sa kanila ay maaring walang ideya na may sakit na pala sila na ito, dahil hindi nagpapakita ng sintomas ang Osteoporosis hangga’t nagkaroon na ng sira o fracture ang buto. Kapag nangyari na ito, ang ilan sa mga madalas na sintomas ay ang pananakit ng lower back at ang pagiging baluktot ng postura.
Kumonsulta sa doktor para sa tamang medikasyon, kung nakakaranas na ng Osteoporosis. Maari ring sumailalim sa physical therapy at regular exercise, o kaya naman dagdagan ang Calcium at Vitamin D ang diyeta, para lumakas ang mga buto.
Ang Scoliosis naman ay ang pagiging tabingi (maaring S-shaped, o C-shaped) ng gulugod o backbone. Sa ngayon ay wala pang tiyak na sanhi ang Scoliosis, pero madalas ay lumalabas ito habang nasa edad 10-12 pa lamang ang isang bata. Mapapansin na hindi pantay ang balikat at baywang ng isang biktima ng Scoliosis. Malimit ay hirap rin siya sa paghinga, at mayroon rin siyang back pain.
Di tulad ng Osteoporosis, mas advanced ang paraan ng paggamot sa Scoliosis. Ang ilan sa mga nakakaranas nito ay binibigyan ng back brace, lalo na kung bata pa sila. Habang hindi maitutuwid ng brace ang back bone, maiiwasan niya ang lalong pag-baluktot nito. Kung hindi naman brace, surgery na ang isang pangunahing treatment option para sa sakit na ito. Pero, may mga pansamantalang relief rin naman para sa Scoliosis. Pwedeng gumawa ng mga simpleng ehersisyo, katulad ng pag-stretch ng likod at braso, o paggawa ng squats.
Pananakit ng Kasu-kasuan (Chronic Joint Pain)
Ang dalawa sa ilang pangunahing klase ng joint pain ay ang Osteoarthritis, at Rheumatoid Arthritis.
Osteoarthritis ay ang pag-deteriorate ng ating kasu-kasuan habang tayo’y tumatanda. Dahil dito, sumasakit at naninigas ang ating mga kamay, binti, baywang, o leeg. Maliban sa pain at stiffness, pwede ring magkaroon ng pamamaga, o kaya naman mga bone spurs sa apektadong areas.
Tumitindi ang mga sintomas ng Osteoarthritis kapag walang physical activity ang katawan, dahil dahan-dahang naninigas ang mga joints. Kung mapapansin, minsan ay mas malala ang sakit kapag bagong gising – ito ay dahil walang aktibidad ang katawan ng ilang oras, habang tayo’y tulog.
Importante ang ehersisyo para sa paggamot ng Osteoarthritis. Dalasan ang paglalakad o ang pag-jogging, o ang pagsali sa mga exercise classes katulad ng aerobics. Malaki ang maitutulong ng mga physical activities na ito sa pagpapalakas ng ating laman at kasu-kasuan. Kasabay ng pag-ehersisyo, i-monitor din ang timbang. Ang mataas na timbang ay nagdadagdag ng stress sa ating joints, katulad ng baywang, binti, paa at likod. Panatilihing normal ang timbang, para mabawasan ang sakit at maiwasan ang karagdagang damage sa katawan.
Ang Rheumatoid Arthritis naman ay isang autoimmune disease kung saan inaatake ng immune system ang kasu-kasuan. Nagreresulta ito sa sakit at pamamaga ng ilang parte ng katawan – madalas sa kamay o sa paa.
Kadalasan, ang mga sumusunod ay dumadagdag sa sakit at maga bilang sintomas ng Arthritis:
- Sakit na tumatagal ng anim na linggo o mahigit
- Paninigas o stiffness sa umaga, na tumatagal ng 30 minuto o mas matagal
- Pananakit sa magkabilang bahagi ng katawan (hal. ang kaliwa at kanang kamay o paa)
Katulad ng Osteoarthritis, physical activity rin ang mahalaga sa tamang pag-alaga sa Arthritis. Mag-stretch ng madalas, o kaya naman maglakad, mag-bike, lumangoy, o gumawa ng mga gawaing bahay para ma-exercise ang mga apektadong kasu-kasuan.
Damihan rin ang pagkain ng mga antioxidant rich food, dahil ito ay nakakatulong sa pag-kontrol at pagbawas ng pamamaga. Idagdag ang mansanas, kamatis, bell pepper, mais o peaches sa araw-araw na kinakain.
Ang heat therapy ay kaya ring ibsan ang sakit na nararanasan, dala ng Arthritis. Kung may heat pack sa bahay, initin ito ng ilang minute bago ilagay sa masakit na area ng katawan. Kung wala naman, maari gawing alternatibo ang maliit na bote na may lamang warm o maligamgam na tubig.
Pananakit ng Ulo (Chronic Headaches)
Ang ikatlo sa mga karaniwang klase ng chronic pain ay ang headaches, o pananakit ng ulo. Di tulad ng normal na pananakit ng ulo, ang headache ay chronic na kapag ito ay nararanasan ng 15 na araw sa isang buwan, sa tagal ng tatlong magkasunod na buwan o mahigit. Ang tension headaches, migraines, at cluster headaches ang madalas na uri na nararanasan natin.
Makikilala ang tension headache bilang dull pain o pressure sa noo o batok. Kadalasang tinatawag ang tension headaches na stress headaches, dahil ito ay dinadala ng pagod, stress, gutom, o kakulangan ng pahinga. Ang mga tension headaches ang pinaka-karaniwang uri ng headache. Ito rin ang pinaka-madaling solusyunan. Uminom ng maraming tubig, limitahan ang stress, ayusin ang postura, at matulog lamang ng maigi.
Ang cluster headache naman ay mas masakit sa tension headache. Ito ay ang pagkakaroon ng matinding pintig, o dere-derechong sakit sa isang side ng ulo. Madalas, nag-uumpisa ito sa area kaliwa o kanang mata, at kumakalat sa noo, ilong, o pisngi sa side kung saan nag-umpisa ang sakit. Kung oobserbahan, pwedeng mapansin na ang cluster headache ay nangyayari lang sa isang partikular na buwan o panahon sa isang taon. Sa ngayon, wala pang siguradong sanhi ang cluster headaches. Pero masasabi na may kinalaman ito sa mga nerves sa ating mukha.
Pangatlo sa karaniwang uri ng headache ay ang migraine. Sa isang side ng ulo rin madalas nararamdaman ang migraines, gaya ng cluster headaches. Pero, nasasabayan pa ito ng mga karagdagang sintomas, tulad ng nausea, pagsusuka, at light and sound sensitivity.
May ilang stages ang isang atake ng migraine, pero hindi lahat ito ay nararanasan ng lahat.
Prodrome: Isa o dalawang araw bago ang migraine, maaring makapansin ng constipation, mood changes, uhaw at madalas na pag-ihi, o malimit na paghikab
Aura: May ilang tao na nakakaramdam ng aura bago sila atakihin ng migraine. Ilan sa mga halimbawa ng migraine aura ay ang pagkita ng mga bright spots o light flashes, ang kawalan o paghina ng paningin, o pagmamanhid ng mukha o katawan.
Attack: Ang mismong migraine ay maaring magtagal ng 72 oras, kapag hindi kaagad ginamot.
Post-drome: Pagkatapos ng atake, pwedeng mahilo o manghina.
Para sa paggamot sa migraine at sa cluster headaches, mahalaga ang atensyon ng doktor. Sila ang makakapagbigay ng wastong gamot at treatment options, depende sa kalubhaan ng headaches na nararanasan. Pwede silang mag-reseta ng gamot para dito, o mag-rekomenda ng ilang lifestyle changes para maiwasan ang atake ng mga pananakit na ito.
Habang hindi madali magkaroon ng chronic pain, tandaan lamang ang mga paraan ng tamang pag-alaga at pag-iwas dito, para maibsan o tuluyang mawala ito.
References: