Lunas sa Stiff Neck

July 16, 2019

Ang stiff neck ay ang pananakit ng leeg kung saan nagiging matigas ang muscles sa leeg at mahirap itong galawin. Madalas ay una itong nararamdaman sa pagising sa umaga, o pagkatapos manatili nang matagal sa isang posisyon. Kapag may stiff neck ang isang tao, hindi ito nakakatingin sa tagiliran at kinakailangang galawin ang buong katawan para lamang makalingon. Dahil sa sakit at katigasan ng leeg, limitado ang galaw nito.

Kadalasan ang stiff neck ay kusang nawawala sa loob ng ilang araw, ngunit ito ay depende sa pagtugon sa mga sintomas. Ang uri ng pagtugon ay nakakaapekto sa antas ng sakit at sa tagal ng paggaling nito.

Mga Sanhi ng Stiff Neck

Ang pangkaraniwang sanhi ng stiff neck ay ang pagkakaroon ng pilay sa kalamnan ng leeg o muscle strain. Ang kalamnan na ito ay ang levator scapulae muscle na nahahanap sa likod at tabi ng leeg. Madali ito makaramdam ng sakit dahil ito ay kontrolado ng pangatlo at pang-apat ng cervical nerves (C3, C4).

Kapag ang stiff neck ay hindi nagmula sa mga pangkaraniwang dahilang ito, mas mahirap matukoy ang tunay na sanhi nito. Maaaring may mas seryosong dahilan ang mga sintomas at kailangang obserbahan o ipatingin agad sa doktor.

Mga Sintomas

Iba’t-iba ang antas ng nararamdamang sakit sa stiff neck. Maaaring ito ang nagdudulot lamang ng minor discomfort na hindi masyadong nakakaabala sa mga regular na gawain, o maaari rin itong magdulot ng matinding sakit kung saan ang paggalaw ng ulo at leeg ay nagiging limitado. Ang pangunahing sintomas ng stiff neck ay ang kahirapan sa pag-ikot o paglingon ng ulo sa tabi o likuran. Dahil ang mga pagkilos na ito ay kinakailangan sa mga gawaing tulad ng pagmamaneho, malaking sagabal ang stiff neck sa normal na gawain.

Lunas sa Stiff Neck

Kadalasan ang tanging kailangan lamang sa stiff neck ay ang magpahinga ng isa o dalawang araw. Ito ay upang mabigyan ng pagkakataong gumaling ang soft tissues ng leeg. Para sa malulubhang kasong nakakaabala na sa mga ordinaryong gawain, maaaring subukan ang mga pangkaraniwang lunas sa stiff neck para sa ikagiginhawa ng leeg at para mabawasan ang paninigas nito. Ang mga lunas na ito ay maaari ring gamiting sa pag-iwas ng stiff neck.

Hindi inirerekomenda ang paggamit ng cervical collar habang may stiff neck dahil mas lalong nililimitahan nito ang pag-stretch at pagbalik sa normal ng leeg. Mainam pa rin ang pagtutuloy ng mga normal na gawain, bagama’t hinay-hinay lang dapat ang paggawa ng mga nito.

Ang pangkaraniwang lunas sa stiff neck ay ang mga sumusunod:

  • Pahinga - Mababa man o mataas ang antas ng sakit na nararamdaman dahil sa stiff neck, kailangang ipahinga ang katawan upang mabigyan ng panahong lumambot ang matitigas na kalamnan sa leeg. Ngunit hindi tulog o pagtitigil sa mga gawain ang tinutukoy ng pahingang ito. Dapat tuloy-tuloy pa rin ang regular activities, pero iwasan lamang ang mabibilis na paggalaw ng ulo at leeg katulad nang sa pagsasayaw o sa sports. Habang nagpapahinga, kailangan pa ring kumilos at gumalaw. Ang matagal na hindi paggagalaw ay nagdudulot ng kahinaan ng kalamnan. Kailangang manatitling malakas ang muscles para masuportahan nito nang mabuti ang ulo at leeg.
  • Cold o heat therapy - Sa cold therapy, mag-apply ng yelo sa apektadong bahagi ng leeg sa loob ng 20 minutes. Gawin ito nang madalas sa loob ng isa hanggang dalawang araw upang mabigyang ginhawa ang paninigas o pamamaga ng neck muscles. Maaari ring maglagay ng heating pad sa leeg o maligo sa maligamgam) na tubig. Ito ay dahil ang init ay nakakatulong sa maayos na pagdaloy ng dugo na kinakailangan sa paggaling ng katawan. Maaaring pareho itong gamitin nang pasalit-salit.
  • Gamot - Ang pangunahing gamot sa stiff neck at iba pang muscle pain ay mga nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) katulad ng ibuprofen. Ito ay tumutulong sa pagbabawas ng pamamaga sa kalamnan. Ang RiteMED Paramax ay isang halimbawa ng over-the-counter na gamot na ginagamit sa pagbibigay ginhawa mula sa stiff neck. Maaari rin uminom ng RiteMED Mefenamic acid para maibsan ang sakit na nararamdaman.
  • Marahang stretching - Ang stretching o pagbabanat ng buto ay mainam para sa pagbabawas ng tension sa mga kalamnan. Tandaan lamang na dahil sa pamamaga ng stiff neck, kailangang marahan lamang ang stretching at huwag itong pipilitin kapag nakakaramdam ng sakit. Mainam na alamin muna ang mga tamang stretching exercises para sa stiff neck sa tulong ng isang physical therapist.
  • Paglalakad - Bagama’t hindi leeg ang ginagamit sa paglalakad, ang pagiging low-impact aerobic exercise nito ay nakakatulong sa pagbabawas ng paninigas sa kalamnan. Ang paglalakad ay nagdudulot ng maayos na pag-ikot ng oxygen sa soft tissues na siyang nagpapabilis ng paggaling ng katawan.

Pag-iwas sa Stiff Neck

Maaaring maiwasan ang mga karamdamang kalamnan katulad ng stiff neck sa pamamagitan ng mga ilang pagbabago sa pang araw-araw na gawain. Nangunguna dito ay ang pagaayos ng sariling tindig o posture. May mga paraan upang maisatupad ang mga pagbabagong ito:

  • Baguhin ang work space. Ang pagtatrabaho sa harap ng computer nang matagal ay kadalasang nagiging sanhi ng stiff neck. Ayusin ang posisyon ng pag-upo kung saan ang paa ay parehong nakalapat sa sahig nang may katamtaman ang taas ng silya. Kung kinakailangan ay palitan ang silya at gumamit ng isang ergonomic chair na makakatulong sa posture habang nagtatrabaho. Siguraduhing komportable ang posisyon ng mga braso at kamay sa lamesa, at kapantay ang level ng mata sa computer screen.
  • Limitahan ang pagtingin sa smartphone. Ang madalas na pagtungo pababa upang tumingin sa cellphone ay nagiging sanhi ng pagbatak at pagpwersa ng neck muscles. Subukang itabi ang cellphone paminsan-minsan at mag-stretch. Hawakan ang cellphone nang ka-level ang mata. Gumamit ng earphones o hands-free device.
  • Huwag magmaneho nang matagal. Hangga’t maaari, umiwas sa trapik. Tulad ng matagal na paghaharap sa computer, ang matagal na oras sa pagmamaneho ay may masamang epekto din sa neck muscles. Umupo nang maayos at bantayan ang posture habang nagmamaneho. Umiwas sa ipinagbabawal na text-and-drive.
  • Ayusin ang posisyon ng pagtulog. Kung madalas gumigising nang masakit ang leeg at ang iba pang kalamnan, maaaring kailangan nang baguhin ang nakasanayang posisyon ng pagtulog. Ang paghiga sa tiyan, halimbawa, ay maaaring maging sanhi ng stiff neck dahil pilit na nakatabingi ang leeg dito. Mas mainam ang patagilid o pahilatang posisyon sa pagtulog. Pwede ring gumamit ng neck pillow kapag kailangang matulog na nakaupo o sa loob ng sasakyan.
  • Stretching. Sa gitna ng kahit anong gawain, mahalaga ang tumigil nang sandali upang mag-stretch. Galawin at ikutin ang mga kalamnan ng balikat at braso. Dahan-dahang galawin ang ulo mula kaliwa hanggang kanan at pabalik, upang paluwagin ang kalamnan at palakasin ito.
  • Bawasan ang stress. Ang tension at stress ay ilan sa mga sanhi ng paninikip at paninigas ng kalamnan sa leeg. Maraming sakit ang nagmumula sa stress. Hangga’t maaari, iwasan ang anumang sanhi ng stress, at kung hindi man ito talagang maiiwasan, siguraduhing laging may oras para sa pagpapahinga at pagre-relax. Mahalaga ang balanse sa buhay.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang ordinaryong stiff neck ay nawawala nang mag-isa pagkalipas ng isa or dalawang araw. Ngunit kapag hindi naaalis ang sakit at nakakaabala na sa araw-araw na pamumuhay, ito ay senyales na maaaring kailangan nang bumisita sa doktor. Mayroong posibilidad na may iba nang sanhi ang sakit sa leeg. Ang ilan sa mga seryosong sintomas na dapat bantayan ay ang neck pain pagkatapos mapinsala sa isang aksidente, kapag nakakaramdam ng lumalawak na sakit o panghihina sa mga braso o binti, at kung may kasama itong lagnat, pagsusuka, labis na pagkaantok, o sakit ng ulo. Ang mga sintomas na ganito ay dapat ipatingin agad sa doktor.

Kung ang mga sintomas na nararamdaman ay pangkaraniwan lamang ay walang dapat ikabahala sa pagkakaroon ng stiff neck. Pahinga, gamot, at pag-iwas sa pinsala pa rin ang pinakamainam na lunas para dito.

Sources:

https://www.spine-health.com/conditions/neck-pain/stiff-neck-causes-symptoms-and-treatment

https://www.healthline.com/health/how-to-get-rid-of-a-stiff-neck#treatment-and-remedies

https://www.livestrong.com/article/475587-home-remedies-for-a-sore-knotted-neck/