Sa mga taong may allergy sa pagkain, ang resistensya ng katawan nila ay lumalaban sa mga partikular na protina sa pagkain na para bang ito ay mga mapanganib na organismo, tulad ng bakterya, parasito, o virus. Kahit kakaunting pagkain na nagdudulot ng allergy ang ikonsumo, maaaring pagsimulan ito ng mga senyales at sintomas tulad ng problema sa tiyan, pantal o namamagang daluyan ng hangin. Sa ilang mga tao, ang allergy sa pagkain ay maaaring maging sanhi ng malalang sintomas o nakakamamatay na reaksyon na tinatawag na anaphylaxis.
Ayon sa datos ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases (NIAID), humigit-kumulang 4% ng mga matatanda at 5% ng mga bata sa United States ang may allergy sa pagkain. Ang numerong ito ay parami ng parami noong mga nagdaang taon.
Karamihan sa mga food allergy ay nagsisimula sa pagkabata at maaaring mawala sa paglaki, bagaman hindi ito palaging nangyayari. Maaari ring magsimulang magkaroon ng allergy sa pagtanda, ngunit bihira lamang itong nangyayari.
Mga Karaniwang Sanhi ng Food Allergy
Ang mga pagkaing kadalasang sanhi ng allergy ay responsable sa halos 90% ng lahat ng mga food allergy. Tinatawag ang mga ito na “big eight allergens”. Ang mga pagkaing ito ay ang mga sumusunod:
-Itlog
-Isda
-Gatas
-Mani mula sa puno, kabilang na ang hazelnut, walnut, cashew, at pistachio
-Mani mula sa lupa
-Shellfish, kabilang na ang hipon, lobster, at alimango
-Soybean
-Wheat
Ayon sa American College of Allergy, Asthma & Immunology, ang mga pinakakaraniwang sanhi ng food allergy sa mga bata ay ang gatas, itlog, at mani.
Mga Sintomas ng Food Allergy
Hindi magkakatulad ang sintomas ng food allergy para sa iba’t ibang tao. Para sa ilang tao, ang allergic reaction sa partikular na pagkain ay nakakabalisa ngunit hindi malala. Sa iba naman, maaaring nakakatakot ito at nakamamatay. Ang mga sintomas ay kadalasang lumalabas sa loob ng ilang minuto hanggang dalawang oras matapos kumain.
Ang pinakakaraniwang senyales at sintomas ng food allergy ay ang mga sumusunod:
-Pangangati ng bibig
-Pagkakaroon ng pantal, pangangati ng balat, o pagkakaroon ng eksema
-Pamamaga ng labi, mukha, dila at lalamunan o ibang parte ng katawan
-Paghuni habang humihinga, baradong ilong, o hirap sa paghinga
-Pagsakit ng tiyan, pagtatae, pagkahilo, o pagsusuka
Mga Sintomas ng Anaphylaxis
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-business-woman-hand-pressing-on-1552304849
May ilang mga tao na maaaring makaranas ng malalang allergic reaction na tinatawag na anaphylaxis. Maaaring magdulot ito ng nakamamatay na sintomas kabilang na ang mga sumusunod:
-Pagkipot ng daluyan ng hangin
-Pamamaga ng lalamunan o pakiramdam na may nakabara sa lalamunan na nagdudulot ng hirap sa paghinga
-Malalang pagbagsak ng presyon ng dugo
-Mabilis na pulso
-Pagkahilo o pagkawala ng malay
Kapag nakakaranas ng sintomas ng anaphylaxis, agad na tumawag sa doktor o pumunta sa emergency room. Kapag hindi nabigyan ng agarang lunas, maaaring magdulot ito ng koma o kamatayan.
Sino ang mga Nagkakaroon ng Food Allergy?
Ang ilan sa mga salik na nagpapataas ng tyansa na magkaroon ng food allergy ay ang mga sumusunod:
-Pagkakaroon ng kamag-anak na may allergy. Maaaring namamana ang pagkaroon ng food allergy kung mayroon sa pamilya na may hika, eksema, o kahit anong klase ng allergy.
-Pagkakaroon ng ibang allergy. Kung may allergy sa isang partikular na pagkain, maaari ring magkaroon ng reaksyon sa iba pang mga pagkain. Tulad nito, maaari ring mas mataas ang tyansa na magkaroon ng ibang food allergy kung may iba pang allergic reaction, tulad ng eksema o reaksyon sa alikabok.
-Edad. Mas madalas magkaroon ng reaksyon sa pagkain ang mga bata, lalo na ang mga malilit na bata at mga sanggol. Habang tumatanda, maaaring mawala ang kanilang reaksyon sa gatas, soy, wheat, at itlog. Ang mga malalang reaksyon sa mani at shellfish ay maaaring panghabambuhay na.
-Hika. Madalas magkasama ang hika at food allergy. Kapag nangyari ito, mas malamang na magkaroon ng malubhang allergic reaction.
Paano Maiiwasan Magkaroon ng Allergic Reaction?
Sa mga taong tiyak na may food allergy, ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng allergic reaction ay ang malaman at iwasan kung anong mga pagkain ang nagdudulot ng mga sintomas.
Para sa mga may food allergy, sundin ang mga sumusunod upang maiwasan ang pagkakaroon ng allergic reaction:
-Alamin kung ano ang mga kinakain at iniinom. Siguraduhing basahin ang mga label ng mga produktong kinokonsumo.
-Kung nagkaroon na dati ng malalang reaksyon sa pagkain, magsuot ng medical bracelet na pinapaalam sa iba ang tungkol sa food allergy kung sakaling magkaroon ng reaksyon at hindi kayang makipag-usap.
-Makipag-usap sa doktor tungkol sa pagrereseta ng epinephrine para sa mga emergency. Maaaring kailanganing magdala ng epinephrine na tinuturok kung may panganib na magkaroon ng malalang allergic reaction.
-Mag-ingat sa pagkain sa mga restawran. Siguraduhin na alam ng serbidor at ng taga-luto ang tungkol sa sanhi ng food allergy upang siguraduhin na ang ihahandang pagkain ay wala nito. Tiyakin din na ang pinaglutuan o pinaghandaan ng pagkain ay hindi nadikitan ng pagkaing sanhi ng food allergy. Huwag mahiyang magsabi at makiusap sa mga tauhan ng restawran.
Mga Gamot para sa ng Food Allergy
May mga pagkakataon na kahit umiwas sa mga pagkaing nagdudulot ng allergic reaction, maaaring magkaroon pa rin ng exposure nang hindi namamalayan.
Para sa mga hindi malubha na reaksyon, maaaring uminom ng antihistamine upang mabawasan ang sintomas ng allergy. Maaaring uminom ng gamot matapos ma-expose sa pagkain na sanhi ng allergy upang maibsan ang pangangati o pagpapantal. Gayunpaman, hindi makakapagbigay-lunas ang antihistamine sa mga malubhang allergic reaction.
Para sa seryosong reaksyon sa pagkain, kailangang magpunta agad sa emergency room para maturukan ng epinephrine. Madami sa mga may food allergy ang nagdadala ng epinephrine autoinjector. Isa itong aparato na may karayom at hiringgilya na kusang nagtuturok ng gamot kapag idiniin sa hita.
References:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/food-allergy/symptoms-causes/syc-20355095
https://www.medicalnewstoday.com/articles/14384#symptoms