Ang kanser ay isang sakit kung saan hindi makontrol ang pagdami ng mga cells sa katawan. Kapag nagsimula ang kanser sa baga, tinatawag itong lung cancer.
Ayon sa Global Cancer Statistics 2020, ang lung cancer ang pinaka - karaniwang kanser sa buong mundo na nakaapekto sa 2.2 milyong katao noong 20203. Sa Pilipinas, ang kanser sa baga ang pumapangalawa sa pinaka - karaniwang kanser at ang pangunahing dahilan ng pagkamatay mula sa kanser. 1
Mga Sanhi ng Lung Cancer
Ilan sa mga napatunayang sanhi o mga salik na nagpapataas ng risk ng pagkakaroon ng kanser sa baga ay ang mga sumusunod:
Paninigarilyo
Ang paninigarilyo ay ang pangunahing sanhi ng lung cancer. Ayon sa CDC, 80 to 90% ng mga namamatay dahil sa kanser sa baga ay may kaugnayan sa paninigarilyo 2
Ang usok mula sa sigarilyo ay naglalaman ng higit sa 7,000 na kemikal na ang karamihan ay nakakalason. Sa mga kemikal na ito, hindi bababa sa 70 ang dami ng kemikal na napatunayang sanhi ng kanser sa hayop o tao bukod pa sa kanser sa baga2.
Iba iba rin ang maaaring maranasang sintomas. Mayroong makakaranas ng sintomas na may kaugnayan sa baga at daluyan ng hangin at mayroon ding makakaranas ng sintomas na may kaugnayan sa parte ng katawan kung saan kumalat na ang kanser.
Habang dumadami ang bilang ng stick at taon ng paninigarilyo, mas tumataas ang tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa baga.
Secondhand smoke
Ang mga taong hindi naninigarilyo ay nakahantad sa usok mula sa isang taong naninigarilyo sa pamamagitan ng paglanghap ng hanging may usok ng sigarilyo. Ito ay tinatawag na secondhand smoke. Ang paglanghap ng secondhand smoke ay may masamang epekto rin sa kalusugan na tulad rin ng paninigarilyo.
Polusyon
Ang paglanghap ng mga kemikal sa hangin tulad ng diesel mula sa mga sasakyan ay isa pang dahilan ng pagkakaroon ng kanser sa baga. Maaari ring ma-expose sa radon, asbestos, arsenica, silica at chromium sa trabaho o sa bahay2.
Pagkakaroon ng Personal o Family History ng Kanser sa Baga
Kung ang isang tao ay isang lung cancer survivor, may tyansa na magkaroon ulit siya ng panibagong lung cancer, lalo na kung siya ay naninigarilyo. Mas mataas din ang tyansa ng pagkakaroon ng lung cancer kung may magulang, kapatid, o anak na nagkaroon ng lung cancer. Maaaring dahil ito sa paninigarilyo, paglanghap ng secondhand smoke, o paninirahan o pagtatrabaho sa lugar na may mga kemikal na nagdudulot ng kanser sa baga. 2
Radiation Therapy sa Dibdib
Ang mga cancer survivor na sumailalim sa radiation therapy sa dibdib ay may mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa baga.2
Diet
Marami pang kailangang alamin tungkol sa kaugnayan ng pagkain at dietary supplements sa lung cancer at ito ay kasalukuyang pinag-aaralan ng mga dalubhasa. Isa sa mga napatunayan ay ang pagtaas ng tyansang magkaroon ng kanser sa baga ang mga taong naninigarilyo at umiinom din ng beta-carotene supplements1.
Ang pag-inom ng tubig na nahaluan ng arsenic o radon, lalo na ang mga tubig mula sa balon, ay maaaring makapagpataas din ng tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa baga..2
Mga Sintomas ng Lung Cancer3
Kadalasan, walang sintomas ang kanser sa baga sa mga unang stage nito. Karamihan sa mga taong may kanser sa baga ay nakararanas lamang ng sintomas kapag malala o kumalat na ito.
Ilan sa mga sintomas na maaaring maranasan ay ang mga sumusunod:
-Ubong lumalala o hindi nawawala ;
-Plemang may halong dugo. ;
-Pabalik balik na impeksyon sa baga at daluyan ng hangin, tulad ng bronchitis at pulmonya ;
-Kinakapos sa paghinga ;
-Patuloy na pagsakit/paninikip ng dibdib;
-Pagkapaos;
-Pamamaga ng leeg at mukha;
-Kirot at panghihina ng balikat, braso, o kamay;
-Panghihina, pagkapagod, pagbagsak ng timbang, kawalan ng gana sa pagkain, lagnat na pabalik-balik, matinding sakit ng ulo at pagkirot ng katawan;
-Hirap sa paglunok
Ang mga sintomas na ito ay maaaring makita rin sa ibang sakit. Kung nakakaranas ng ilan sa mga sintomas na ito, kumunsulta sa doktor upang malaman ang sanhi ng mga nararamdaman.
https://www.shutterstock.com/image-photo/november-lung-cancer-awareness-month-man-1831251409
Sino ang Dapat Sumailalim sa Screening para sa Lung Cancer?
Ang screening ay isang pagsusuri na para lamang sa mga taong walang sintomas ngunit may mataas na tyansa ng pagkakaroon ng lung cancer. Mahalaga ang screening test upang matuklasan nang maaga ang sakit, kung kailan mas epektibo ang gamutan1.
Ang natatanging inirerekomenda na screening test para sa kanser sa baga ay ang low-dose computed tomography (CT scan)1.
Ang taunang screening test para sa lung cancer ay inirerekomenda para sa mga taong1:
- May history ng paninigarilyo ng 20 pack-years o higit pa (Ang isang pack-year ay ang paninigarilyo ng isang pakete kada-araw sa isang taon) AT
-Kasalukuyang naninigarilyo o tumigil sa paninigarilyo sa nakaraang 15 taon AT
-Nasa 50 hanggang 80 na taong gulang
Kung interesadong sumailalim sa screening, mainam na makipag-ugnayan sa doktor upang ma-check up at mabigyan ng tamang advice ukol dito.
Ang pinakamainam na paraan upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa baga ay ang hindi paninigarilyo at ang pag-iwas sa secondhand smoke. Hindi mapapalitan ng screening para sa kanser sa baga ang benepisyong naibibigay ng pagtigil ng paninigarilyo.
Lung Cancer Awareness Month
Ang National Lung Cancer Awareness Month ay ipinagdiriwang tuwing Nobyembre. Kabilang sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kanser sa baga ay ang paghihikayat ng Department of Health (DOH) na itigil ang paninigarilyo. Ito ay dahil sa malakas na ebidensya mula sa mga pananaliksik na ang paninigarilyo at secondhand smoke ay nananatiling mga pangunahing sanhi ng kanser sa baga.
Bukod sa kanser sa baga na nakukuha dahil sa paninigarilyo, pinapahina rin ng paninigarilyo ang resistensya na isa sa importanteng salik sa survival ng isang taong nagkaroon ng COVID-19 infection. Mas mataas rin ang risk na magkaroon ng COVID infection para sa isang tao na naninigarilyo. 6
Sa pangunguna ng DOH, katulong ang World Health Organization at iba pang mga partner organizations, ipinagdiriwang ang Lung Cancer Awareness Month sa buong bansa upang isulong ang United Nations Sustainable Development Goal na naglalayong pababain ng 30% ang bilang ng mga maagang namamatay dahil sa kanser bago ang taong 20304.
References:
- https://doh.gov.ph/press-release/DOH-LEADS-NATIONAL-LUNG-CANCER-AWARENESS-MONTH-FREE-MEDICINES-AVAILABLE-NATIONWIDE
- https://www.cdc.gov/cancer/lung/basic_info/index.htm#:~:text=Cigarette%20smoking%20is%20the%20 number,family%20history%20of%20lung%20cancer.
- https://www.cancer.org/cancer/lung-cancer/detection-diagnosis-staging/signs-symptoms.html
- https://caro.doh.gov.ph/lung-cancer/
- https://www.cancer.org/content/dam/cancer-org/cancer-control/tl/booklets-flyers/tobacco-what-is-it-costing-you-tagalog.pdf
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC8214602/