Mga Paraan Para Iwasan ang Colorectal Cancer

August 26, 2022

Ang colorectal cancer ay isang sakit kung saan nawawalan ng kontrol ang pagdami ng mga tisyu ng colon at rectum. Minsan, tinatawag din itong colon cancer. Ang colon ay ang bituka o large intestine na dinadaanan ng pagkain. Ang rectum naman ang nagdudugtong sa colon at sa butas ng puwet.

 

May mga pagkakataon na nagkakaroon ng mga abnormal na bukol sa colon o rectum na tinatawag na polyp. Habang tumatagal, may mga polyp na maaaring maging kanser.

Paano Maiwasan ang Pagkakaroon ng Colorectal Cancer?

May mga ilang maaaring gawing pagbabago sa pamumuhay ng tao upang maiwasan ang pagkakaroon ng colorectal cancer.

 

  1. Magbawas ng timbang.

 

Ang pagiging overweight o obese ay nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng colorectal cancer sa mga babae at lalaki, ngunit ang koneksyon na ito ay mas nakikita sa mga lalaki. Ang pagpapanatili ng tamang timbang ay isang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng kanser.

 

  1. Magkaroon ng regular na ehersisyo.

 

Ang regular na ehersisyo ay nakakapagpababa ng tyansa ng pagkakaroon ng polyps at colorectal cancer. Dagdagan ang mga aktibidad araw-araw at magkaroon ng regular na ehersisyo para makaiwas sa kanser.

 

  1. Kumain ng masustansyang pagkain at umiwas sa mga processed meat.

 

Ang diet na maraming gulay, prutas, whole grains, at kakaunti ang red at processed meats, ay  maaaring nakakapagpababa ng tyansa na magkaroon ng colorectal cancer. Pagdating sa pagkain, hindi pa klaro kung anong mga salik ang mahalaga sa pag-iwas sa kanser. Maraming mga pag-aaral ang nag-uugnay sa red meat (baka, baboy, at tupa), o processed meat (hotdog, sausage, at luncheon meat) sa pagkakaroon ng colorectal cancer. May ilang ebidensya rin na nagpapatunay na ang dyeta na mataas sa fiber ay nakakapagpababa ng tyansa na magkaroon ng cancer.

 

  1. Umiwas sa pag-inom ng alak.

 

May ilang pagsasaliksik na nag-uugnay sa pag-inom ng alak at colorectal cancer, lalo na sa mga lalaki. Mas mabuti ang umiwas sa pag-inom ng alak, o limitahan ang pag-inom sa isang inuman kada-araw sa mga babae, at dalawang inumin kada-araw sa mga lalaki.

 

  1. Huwag manigarilyo.

 

Ang matagal na paninigarilyo ay maaaring kaugnay ng maraming karamdaman, kabilang na ang colorectal cancer. Ang pagtigil sa paninigarilyo ay nagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng kanser at iba pang sakit.

 

  1. Uminom ng multivitamins.

 

May ilang mga pag-aaral ang nagrerekomenda ng pag-inom ng multivitamins na may folic acid o folate, vitamin D, magnesium, o calcium. Ang pagkakaroon ng mababang lebel ng mga vitamins at minerals na ito ay iniuugnay sa pagkakaroon ng colorectal cancer. Kailangan pa ng karagdagang datos upang matiyak ang epekto ng mga ito sa colorectal cancer.

 

  1. Sumailalim sa screening test para sa colorectal cancer.

 

Halos lahat ng colorectal cancer ay nagsisimula sa mga precancerous polyp sa colon o rectum. Ang mga polyp na ito ay maaaring makita ilang taon bago kumalat ang kanser. Maaaring walang sintomas na kaakibat ang mga bukol na ito, lalo na kung nagsisimula pa lamang ang kanilang paglaki. Mahalaga ang mga screening test upang maaga na ma-detect ang mga polyp at matanggal ang mga ito bago pa sila maging kanser. Nakakatulong din ang screening test para makita ang kanser sa maagang stage pa lamang, kung saan pinakamabisa ang gamutan.

 

Sa pangkalahatan, ang pinakaepektibong paraan upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng colorectal cancer ay ang pagsailalim sa regular na screening simula sa edad na 45 na taong gulang.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/endoscopy-hospital-doctor-holding-endoscope-before-1048698323

 

Sino ang Dapat Sumailalim sa Colorectal Cancer Screening?

Ang colorectal cancer screening sa pamamagitan ng colonoscopy ay karaniwang ginagawa kada-sampung taon, simula 45 na taong gulang. Ngunit, maaaring ipayo ng doktor na gawin ito ng mas maaga, lalo na sa mga taong high risk na magkaroon ng colorectal cancer.

Ang mga sumusunod na salik (o risk factors) ay maaaring magpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng colorectal cancer:

  1. Edad. Karamihan ng colorectal cancer ay nakikita sa mga taong edad 50 na taong gulang pataas.
  2. Lahi. Ang mga African o African-American ang mayroong pinakamataas na kaso ng colorectal cancer na hindi namamana sa United States. Ang colorectal cancer din ang pangunahing dahilan na pagkamatay mula sa kanser sa mga African at African-American. Hindi pa tiyak kung ano ang dahilan nito. Sa Asya, ang pagiging Tsino, Koryano, o Hapon ay maaaring magbigay ng mas mataas na tsana na magkaroon ng colorectal cancer. Ang pagiging Pilipino, sa kasalukuyang panahon, ay wala pang malakas na ebidensya na nagpapataas ng tsansa sa pagkakaroon ng colorectal cancer, ngunit may pag - aaral na sa mga Filipino - Americans, ang pagiging isang lalaking Filipino ay may 3.9 x na risk na magkaroon ng colorectal kanser kung ikukumpara sa isang non - Filipino na lalake. Ang depinisyon ng Filipino - American sa pag - aaral na ito ay mga taong ipinanganak sa Pilipinas at nakatira sa United states.
  3. Kasarian. Ang mga lalaki ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng colorectal cancer kumpara sa mga babae.
  4. Kamag-anak na may colorectal cancer. Maaaring mamana ang pagkakaroon ng kanser, lalo na kung ang kamag-anak ay na-diagnose bago umabot sa edad na 60 na taong gulang.
  5. Inflammatory bowel disease (IBD). Ang mga taong may IBD ay nakakaranas ng matagal na pamamaga sa bituka na maaaring maging sanhi ng colorectal cancer.
  6. Adenomatous polyp (adenoma). Ang ilang klase ng polyp na tinatawag na adenoma ay maaaring maging colorectal cancer kapag tumagal.
  7. Pagkakaroon ng kanser. Ang mga taong na-diagnose na ng colorectal cancer dati, o ovarian o uterine cancer, ay maaaring magkaroon din ng colorectal cancer.
  8. Kakulangan sa ehersisyo at pagiging obese.
  9. Diyeta na maraming red at processed meat.
  10. Paninigarilyo.

 

Ang pag-iwas sa mga risk factors, kung maaari,  at ang pagdaragdag ng proteksyon sa sarili laban sa colorectal cancer ay maaaring makatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit. Umiwas sa mga risk factor tulad na paninigarilyo, pagkakaroon ng labis na timbang, at kakulangan sa ehersisyo. Dagdagan ang proteksyon sa pamamagitan ng tamang dyeta at pagpapalakas ng resistensya mula sa multivitamins. Makipag-usap sa doktor upang malaman kung paano mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng colorectal cancer.

 

References:

 

https://www.cdc.gov/cancer/colorectal/basic_info/what-is-colorectal-cancer.htm

https://www.cancer.org/cancer/colon-rectal-cancer/causes-risks-prevention/prevention.html

https://www.cancer.org/latest-news/six-ways-to-lower-your-risk-for-colon-cancer.html

https://www.cancer.gov/types/colorectal/patient/colorectal-prevention-pdq

https://journals.lww.com/ajg/Fulltext/2011/10002/Colorectal_Cancer_Risks_are_Increased_in.1520.aspx

https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/17531636/