Ang ENT o Ear, Nose, and Throat ay isang specialization ng doktor na tumitingin sa mga karaniwang kondisyon ng tenga, ilong, at lalamunan. Bilang ang mga parte na ito ay maliliit, tago at madilim, karaniwan ay gumagamit ang mga ENT ng instrumento na pansilip na may ilaw.
Ang ENT ay may iba’t ibang subspecialization tulad ng:
- Craniomaxillofacial Surgery - mga pasyente na may hiwa, o bali sa mukha, na inaayos sa pamamagitan ng bakal.
- Laryngo Bronchoesophagology - Pagtingin sa Vocal Cords at Lalamunan, mga concern sa boses, mga problema sa daanan ng hangin at paglunok.
- Otology - mga sakit sa tenga.
- Head and Neck Surgery - Mga bukol sa mukha at leeg, maaaring kanser o hindi, mga pasyente na may goiter.
- Pediatric Otolaryngology - para sa mga batang may ENT related concerns.
- Sleep Surgery - patungkol sa mga kondisyon na nakakaapekto sa pagtulog, mga pasyenteng may malaking tonsils o sleep apnea.
- Rhinology/Skull Base Surgery - Mga kondisyon at operasyon sa ilong, o ilalim ng utak.
Ang mga iba’t ibang instrumento na gamit ng isang ENT ay:
- Otoscope. Maliit na handheld na aparato na may ilaw sa dulo upang silipin ang iyong tenga.
- Nasal endoscope. Ito ay ipinapasok sa ilong, pagkatapos paluwangin, para sumilip ng pamamaga, bukol, pagdurugo, o naipasok na foreign body.
- Rigid laryngoscope. Ito ay pinapasok sa bibig, para silipin ang vocal cords, o ang gawaan ng boses.
- Flexible Laryngoscope. Katulad ng rigid laryngoscope, ito ay ginagamit para silipin ang lalamunan, ngunit dadaan ang scope sa ilong.
- Microscope. Bilang napakaliit nang mga parte sa ulo at leeg - tulad ng mga buto sa tenga, o ng vocal cords - kadalasan gumagamit ng microscope kapag kinakailangan mag opera sa mga bahaging ito.
- Towers. Ang tower ay mga “TV” kung saan napapakita ang mga imahe o bidyo galing sa mga endoscopes.
- Lasers. Ang laser ay ginagamit para sa pagtanggal ng mga kanser sa lalamunan, mga bukol sa vocal cords, o ilang mga piling operasyon sa tenga.
Napakarami pang instrumento ng mga ENT, ngunit ito lamang ang ilan sa mga pinaka karaniwan.
Ano ang mga karaniwang sakit na ginagamot ng isang ENT?
Ear – Impacted Cerumen (Nagbara na tutuli)
Ang cerumen o tutuli ay normal na ginagawa ng ating tenga. Ito ay nagpapanatili ng tamang kapaligiran ng tenga at nagkakalap rin ng dumi galing sa labas. Ang tenga ay may sariling paraan ng paglilinis – tinutulak niya ang tutuli palabas na para bang conveyor belt. Sa madaling salita, ang nakasanayan natin na gawain na paglilinis ng tenga gamit ang cotton buds ay hindi dapat gawin. Ang gawain na ito ang isa rin sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng baradong tutuli dahil naitutulak niya ang tutuli paloob sa ating tenga.
Ang sintomas ng baradong tutuli ay pagkabawas sa pandinig. Kapag naranasan ito mainam magpatingin sa isang ENT na doktor upang mabigyan ng pampalambot ng tutuli o tanggalin ito. Mahalaga ito dahil kapag nabasa at nag lumaki ay maaari rin maging sanhi ng sakit sa tenga. Malalaman lamang kung barado ang iyong tenga sa pamamagitan ng pagsilip nito sa proseso na tinatawag na otoscopy kung saan sisilipin ang iyong tenga gamit ang isang instrumento.
https://www.shutterstock.com/image-photo/this-woman-she-suffering-otitis-1802181946
Ear – Chronic Suppurative Otitis Media (CSOM)
Ang CSOM ay tumutukoy sa matagalan na impeksyon sa gitna ng tenga na lagpas tatlong buwan. Ang mga sintomas nito ay karaniwang pagluluga ng tenga na matubig o kulay dilaw at minsan mabaho. Karaniwang sumusunod ito kapag nagkaroon ng ubo at sipon ang pasyente.
Ang mga sintomas naman nito ay ang pabawas ng pandinig, pag ugong sa tenga, at minsan rin ay pagkahilo depende sa lala ng impeksyon. Ito ay kadalasang inooperahan para malinis ang tenga. Peligro sa buhay ang CSOM kapag napabayaan dahil maaari itong kumain ng buto, magdulot ng pangingiwi ng mukha, at pinaka malala ay umabot ang impeksyon sa utak.
Nose – Nasal Polyps
Ang nasal polyps, na kadalasan kasabay ng chronic rhinosinusitis o pamamaga ng lining ng ilong na lampas ng 12 linggo, ay kondisyon kung saan ang ilong ay nagkakaroon ng mga bukol na nagdudulot ng pagbabara, sipon, at sakit sa ulo. Karaniwan may makikitang mga bukol sa magkabilang ilong na ang itsura ay parang nabalatan na mga ubas. Pwedeng gamutin ang karaniwang kaso gamit ang steroids na winiwisk-wisik sa ilong. Kailangan ng endoscopic sinus surgery sa mga malalang kaso kung saan magpapasok ng maliit telescope sa ilong at kakayurin o tatanggalin ang polyps.
https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-cold-blowing-her-runny-nose-774306541
Nose – Epistaxis
Ang pagdurugo ng ilong o epistaxis ay maaaring dulot ng iba’t ibang kondisyon tulad ng bukol sa ilong, pagka gasgas ng lining ng ilong, at problema sa pampaampat ng dugo. Ang unang prayoridad aymapatigil agad ang pagdurugo. Pagkatapos, kailangan malaman ang dahilan ng pagdurugo. Para sa pangunang lunas maaaring gawin ang mga sumusunod
- Pisilin ang harap ng ilong, ang malambot na parte (at hindi ang buto) upang maipit ang mga blood vessels na nagdurugo
- Tumingin pababa upang hindi mahulog sa lalamunan ang dugo
- Maglagay ng yelo sa ilong at maaari rin na ngumuya nito
Pagkatapos pigilan ang pagdurugo, maigi na pumunta sa emergency room upang matukoy ang sanhi nito.
Throat/Neck – Goiter
Ang goiter ay isang kondisyon kung saan ang thyroid gland ay lumalaki. Nasa harap ng leeg ang thyroid gland at ito ay namamhala sa mga hormones para sa metabolismo. Ang paglaki ay maaaring dulot ng hyperthyroidism, o kondisyon kung saan maraming ginagawang thyroid hormones, o kaya naman hypothyroidism, kung saan kaunti ang ginagawang thyroid hormones.
Tignan natin ang mga sintomas ng dalawang kondisyon:
HYPERTHYROIDISM
- pagkabog ng dibdib
- madalas at mas madaling mamawis
- mas madaling mataranta
- pagbabago sa pagdumi
- paglagas ng buhok
- mas madaling mapagod
- pagbawas ng timbang
HYPOTHYROIDISM
- pagdagdag ng timbang
- mabagal na paggalaw o pagsalita
- madaling antukin
- madaling lamigin
- pagkapal ng balat
- hirap sa paglunok
- hirap sa pagkain
- hirap sa paghinga
Maaaring mamaos, mahirapan huminga, at lumunok kapag lumaki ng masyado ang thyroid.
Sa isang taong may goiter, karaniwan kailangan magpagawa ng :
- Thyroid Function Test. Ito ay blood test na tumutukoy sa lebel ng thyroid hormones sa iyong katawan.
- Ultrasound ng leeg. Ito ay upang mailarawan ang sukat ng goiter, pati na rin ang bilang, sukat at itsura ng mga indibidwal na maliliit na bukol sa loob pa nito, kung meron.
- Biopsy ng thyroid. Tinutusok ang thyroid gland gamit ang maliit na karayom upang mangolekta ng specimen na babasahin sa ilalim ng microscope. Matutukoy dito kung ang thyroid ay kanser o hindi, at kung kanser man, ay kung anong klaseng kanser.
Ang madalas na gamutan para sa goiter ay operasyon kung saan pwedeng bahagi lang o buong thyroid ang kailangan tanggalin.
Throat/Neck – Vocal Cord Nodule
Ito ay bukol sa vocal cords na maaaring dulot ng paulit – ulit na paggamit ng boses. Karaniwan ito sa mga taong na malaking parte ng kanilang trabaho ay pagsasalita tulad ng mga guro, sales representative, at mang-aawit. Maaaring gumana ang pag inom ng tubig at ang dagdag na pag aalaga ng boses sa karamihan ng kaso. Sa mga malalang kaso, maaaring mangailangan ng operasyon upang matanggal ang bukol.
Ang ating tenga, ilong, at lalamunan ay importante para sa pang araw-araw na gawain ng katawan at hindi dapat sila balewalain. Ngunit kahit kaunting problema lamang sa isa sa mga ito ay magdudulot ng napakalaking epekto sa kalidad ng ating buhay. Mas mahirap magkipagusap sa mga tao kapag nabara o nabutas ang tenga. Nahihirapan tayong huminga kapag barado ang ilong. Namamaos tayo at pwede rin ikamatay ang mga bara o sakit sa lalamunan. Kaya dapat nating alagaan ang ating tenga, ilong, at lalamunan.
Maigi magpatingin sa isang ENT (Ear, Nose, Throat) o ORL – HNS (Otolaryngology – Head and Neck Surgery) na doktor para sa mga ganitong kalagayan.
REFERENCES:
https://www.bmj.com/careers/article/the-complete-guide-to-becoming-an-ent-surgeon-otolaryngologist