Ang impeksyon sa tainga o ear infection ay ang pagkakaroon ng pamamaga sa middle ear, na kadalasan dulot ng bacteria, na resulta ng naipon na tubig sa likod ng eardrum. Kahit sino ay maaaring magkaroon ng ear infection, ngunit mas madalas na magkaroon ang mga bata kaysa sa matatanda. Lima sa anim na mga bata ang maaaring magkaroon ng isang impeksyon sa tainga bago ang kanilang ikatlong kaarawan. Sa katunayan, ang impeksyon sa tainga ang pinakamadalas na dahilan kung bakit dinadala ng magulang ang kanilang anak sa doktor.[1] Ang scientific name para sa impeksyon sa tainga ay otitis media (OM).
Bakit Nagkakaroon ng Ear Infection?
Ang virus o bacteria ang mga sanhi ng ear infection. Ang virus o bacteria ay pwedeng lumakbay mula sa lalamunan kapag ang eustachian tube ay namamaga dahil sa sipon, na nagiging sanhi ng impeksyon ng middle ear. Ang eustachian tube ang nagdurugtong sa middle ear sa likod ng lalamunan.
Mga Klase ng Ear Infection[2]
May tatlong pangunahing klase ng impeksyon sa tainga. Ang bawat isa ay may iba’t ibang kombinasyon ng sintomas.
- Acute otitis media (AOM)
Ito ang karaniwang impeksyon sa tainga. Ang mga parte ng middle ear ay namamaga, at naiipon ang tubig sa likod ng eardrum. Nagdudulot ito ng pagkirot ng tainga. Maaari ring magkaroon ng lagnat ang bata.
- Otitis media with effusion (OME)
Ang OME ay maaaring makita pagkatapos ng impeksyon sa tainga, ngunit may naiiwan na tubig sa likod ng eardrum. Ang batang may OME ay maaaring walang sintomas, ngunit makikita ng doktor sa pamamagitan ng eksaminasyon sa tainga na may naiwang tubig sa middle ear.
- Chronic otitis media with effusion (COME)
Ang COME ay nangyayari kapag may tubig na naiiwan sa middle ear sa matagal na panahon o bumabalik nang paulit-ulit, kahit walang impeksyon. Dahil sa COME, mas mahirap para sa mga bata ang labanan ang mga bagong impeksyon at maaari rin itong makaapekto sa kanilang pandinig.
Mga Sintomas ng Ear Infection
Ang sintomas ng impeksyon sa tainga ay kadalasang mabilis na lumalabas at kabilang dito ang mga sumusunod:
-Kirot sa loob ng tainga
-Mataas na lagnat
-Kawalan ng enerhiya[3]
-Hirap sa pandinig
-Luga mula sa tainga
-Pakiramdam na barado o puno ang tainga
-Pangangati o pamumula sa loob at paligid ng tainga
-Makaliskis na balat sa loob at paligid ng tainga
Ang mga maliliit na bata na may impeksyon sa tainga ay maaari ring makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
-Pagkuskos o paghila ng kanilang tainga
-Hindi pagpansin sa ilang mga tunog
-Pagiging iritable o malikot
-Pagkawala ng gana kumain
-Nawawalan ng balanse
-Hirap makatulog
Bakit Mas Madalas Magkaroon ng Impeksyon ang Bata?
May ilang dahilan kung bakit mas madalas na nakakakita ng impeksyon sa tainga sa mga bata kaysa sa matatanda.
Ang eustachian tube ng mga bata ay mas maliit at mas pahiga kumpara sa mga matatanda. Dahil dito, mas mahirap na makalabas ang tubig mula sa tainga, kahit sa normal na mga kondisyon. Kapag namaga o nagbara ang eustachian tube dahil sa sipon o iba pang sakit sa baga, ang tubig mula sa tainga ay hindi makakadaloy.
Ang resistensya ng bata ay hindi pa kasing lakas ng sa matatanda. Dahil dito, mas mahirap labanan ng katawan ng bata ang mga impeksyon.
Bilang parte ng immune system, ang mga kulani ay rumerespunde sa mga bacteria na dumadaan sa ilong at bibig. Minsan, naiipon ang bacteria dito na nagiging sanhi ng impeksyon na maaaring kumalat sa eustachian tube at middle ear.
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-child-has-ear-check-by-627741515
Ano ang Gamot sa Ear Infection?
Maaaring magbigay ng antibiotics ang doktor kung:
-Ang bata ay may malubhang karamdaman kaakibat ng mataas na lagnat (higit sa 39C)
-Ang bata ay nakakaranas ng matinding kirot
-Hindi gumagaan ang pakiramdam ng bata sa loob ng dalawang araw
-May panibagong tubig sa ear canal
Maaari ring magbigay ng acetaminophen o ibuprofen upang mabawasan ang kirot na nararamdaman ng bata. Magbigay lamang ng pain reliever kung ang bata ay nakakainom nang maayos. Huwag magbibigay ng pain reliever sa mga sanggol na anim na buwan pababa nang hindi nagpapakonsulta sa doktor.
Huwag magbibigay ng over-the-counter na mga gamot (gamot na nabibili ng walang reseta) sa mga sanggol at bata na edad anim na taon pababa nang hindi nagpapakonsulta sa doktor. Ang mga eksepsyon ay ang mga gamot na para sa lagnat, tulad ng ibuprofen at acetaminophen.
Ang mga bata ay kadalasang nakakaramdam ng ginhawa simula unang araw ng pag-inom ng antibiotic, ngunit siguraduhin na matapos ang pag-inom nito depende sa reseta ng doktor. Maaaring pabalikin ang bata para sa follow-up check-up upang masigurado na tuluyan nang gumaling ang impeksyon. Ang tubig sa tainga ay maaaring manatili sa middle ear kahit walang pamamaga at tumagal ng ilang linggo.
Paano Maiiwasan ang Ear Infection sa Bata?
-Hugasan ang kamay ng bata at ang sariling kamay upang matanggal ang mga germs.
-Kung maaari, i-breastfeed ang sanggol.
-Iwasang painumin sa bote ang sanggol habang nakahiga. Huwag papatulugin ang bata habang may iniinom sa bote.
-Mula sa pag-inom mula sa bote, sanayin ang bata na uminom sa baso simula isang taong gulang.
-Huwag manigarilyo, at ilayo ang bata sa secondhand smoke. Ang pagkakaroon ng exposure sa sigarilyo ay nagpapataas ng tyansa na magkaroon ng impeksyon sa tainga.
-Siguraduhing maturukan ang bata ng pneumococcal vaccine.
-Siguraduhing natuturukan ang bata ng flu vaccine kada-taon.
-Kung ang bata ay nakailang ulit nang nagkaroon ng impeksyon sa tainga, subukang bawasan ang paggamit ng pacifier. Ang paggamit ng pacifier ay maaaring magpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng paulit-ulit na impeksyon sa tainga.
References:
https://www.nidcd.nih.gov/health/ear-infections-children
https://caringforkids.cps.ca/handouts/health-conditions-and-treatments/ear_infections
https://www.nhs.uk/conditions/ear-infections/