Normal na proseso para sa katawan ng mga babae ang pagreregla at madalas na mayroon itong karaniwang iskedyul. Ngunit may mga babaeng nakakaranas ng delayed o hindi pagkakaroon ng regla sa inaasahang panahon. Babalikan natin kung paano nga ba nagkakaroon ng regla at tatalakayin natin ang mga posibleng dahilan bakit nagiging delayed ang regla.
Paano nagkakaroon ng regla?
Ang mga babae ay mayroong menstrual cycle kung saan may buwanang pagbabago sa katawan bilang paghahanda para sa pagbubuntis. Kada buwan, ang babae ay nakakaranas ng ovulation kung kailan siya nagiging fertile at sa panahong ito kumakapal ang lining ng matris o uterus. Ang pagkalagas ng lining ng matris ay ang nakikita at nararamdaman ng babae na pagdurugo kapag sila ay nireregla. Ito ang tinatawag na period at karaniwang tumatagal ito ng mula 2 – 7 na araw.1,2
Ano ang karaniwang tagal ng menstrual cycle?
28 araw ang karaniwan na tagal ng cycle, ngunit maaari itong kasing ikli ng 21 na araw, o kasing tagal ng 35 na araw hanggang 40 na araw.3 Sa dulo ng iyong cycle, malalagas ang lining ng iyong matris at ito ang nakikitang dugo sa napkin. Sa pagtatapos ng pagreregla, uulit ang menstrual cycle - kakapal muli ang lining ng matris, mag-o-ovulate sa pamamagitan ng paglabas ng obaryo ng itlog at hihintaying ma-fertilize ng sperm ng lalaki. Kung hindi nabuntis sa panahong ito o di kaya ay walang pagtatalik na naganap, ang lining ng matris ay muling malalagas at ninipis at magsisimula muli ang panibagong menstrual cycle. Kung ang pagtatalik ay nagresulta sa pagbubuntis, hindi malalagas ang lining ng matris at hindi magreregla ang babae
https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-reproductive-system-vagina-uterus-gynecology-2009313161
Mga Dahilan ng Delayed Periods o Regla
May 2 panahon kung kailan inaasahang hindi pa regular ang period. Ito ay ang pagsisimula ng pagreregla ng isang batang babae at ang pagdating niya sa edad ng pagme-menopause. Ang pagreregla sa 2 panahong ito ay maaaring hindi regular - lalampas sa normal na bilang na 21 to 40 days.
Bukod sa 2 panahong ito, may ilang pang dahilan kung bakit maaaring madelay ang regla:3,4
- Polycystic Ovarian Syndrome. Kapag may PCOS, nagkakaroon ng hormonal imbalance na nagdudulot ng pagkakaroon ng irregular na pagreregla. Para malaman kung mayroon kang PCOS, magpapagawa ng ultrasound ang doktor para makita ang iyong obaryo at ibabase rin sa nararamdamang sintomas.
- Obesity. Kapag labis sa normal ang timbang, maaaring tumaas ang lebel ng estrogen na isang reproductive hormone. Dahil dito, maaaring maging irregular o huminto pansamantala ang pagre-regla.
- Mababang timbang. Ang mga tao na matindi naman ang ipinayat o kulang sa timbang ay maaaring magkaroon rin ng irregular na period dulot ng pagtigil ng ovulation.
- Stress. Ang stress ay maaaring magdulot ng pagbabago sa mga hormones na may kinalaman sa menstrual cycle. Pansinin kung may mga pangyayari sa iyong buhay na maaaring dulot ng stress.
- Birth Control. Maaaring makaramdam ng pagbabago sa menstrual cycle kung kakatigil lamang sa pag-inom ng birth control pills o paggamit ng injected o implanted device. Maaaring umabot hanggang tatlong buwan ang pagkawala o pagiging irregular ng regla pagkatapos gumamit ng mga ito.
- Diabetes. Maaaring makaapekto ang pagbabago ng blood sugar sa mga hormones ng ating katawan.
- Problema sa Thyroid gland. Ang thyroid gland ay responsable sa mga hormones at metabolismo natin. Kapag mababa ang thyroid hormones sa ating katawan - isang kondisyon na tinatawag na hypothyroidism - may mga kasunod na pagbabago sa lebel ng mga hormones na may kinalaman sa pag-regulate ng menstrual cycle at ang mga pagbabagong ito ay maaaring magresulta sa delayed period o menstrual irregularities.
- Primary Ovarian Insufficiency. (POI) Maaaring tumigil ang paggana ng obaryo bago tumuntong ang isang tao sa edad na 40. Hindi pa alam kung ano ang nagdudulot nito, ngunit pinapaniwalaan na ito ay maaaring dahil sa abnormal na function ng mga follicles sa obaryo kung saan nagma-mature ang mga eggs.
- Gamot. May mga gamot tulad ng antidepressant, antipsychotic, thyroid medication, anticonsulvant, at chemotherapy na maaaring magdulot ng delayed na period.
- Perimenopause/Menopause. Ang perimenopause ay panahon ng transisyon mula sa edad na kaya pang magbuntis patungo sa edad na hindi na kayang magbuntis. Ang menopause naman ay ang panahon kung saan hindi na kayang mag ovulate o regla ang isang babae.
- Pagbabago ng iskedyul. Kung may pagbabago sa iyong iskedyul sa trabaho o pang – araw – araw na gawain – halimbawa ay magpapalit ng shift papunta sa night shift mula sa day shift.
- Breastfeeding. Maaaring maging kaunti, mas madalang, o tuluyang mawala ang iyong menstruation habang nagpapasuso ng iyong sanggol – lalo na kung ito ang nagbibigay ng karamihan ng calories sa iyong sanggol.
- Pituitary Tumor. Ang pituitary gland ay isang gland sa ilalim lamang ng iyong utak na nagkokontrol sa mga hormones sa katawan. Kapag may bukol o tumor dito, madalas na may ilang sintomas na kaakibat tulad ng pagbabago sa menstrual cycle.
- Pagbubuntis. Natural lamang na tumigil ang pagreregla kapag nabubuntis.
https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-holding-calender-marked-missed-period-1562658157
Kailangan ko na bang magpatingin sa doktor kung delayed ang aking period?
Ang delayed na period ay kadalasang nangyayari dahil sa hormonal imbalances na dulot ng mga nabanggit na salik. Kung delayed ang iyong period ng tatlong menstrual cycle na, o kung hindi ka pa nireregla pagtuntong mo ng edad na 15 taon at pataas maiging magpatingin na sa doktor. Mabuting kumunsulta sa:
- OB – Gynecologist
- Endocrinologist
Nakakabahala para sa mga babae ang simpleng kawalan o pagkabawas ng regla. Importante na huwag ito balewalain at kumunsulta na sa doktor upang maibsan ang pangangamba at upang matukoy ang dahilan at mabigyan ng tamang lunas o paliwanag ang delayed period
References:
- https://www.mountsinai.org/health-library/report/menstrual-disorders
- https://www.thewomens.org.au/health-information/periods/periods-overview/about-periods
- https://www.healthline.com/health/womens-health/why-is-my-period-late#How-much-of-a-delay-is-normal-in-periods?
- https://www.verywellhealth.com/reasons-you-missed-your-period-2757503#toc-primary-ovarian-insufficiency