Kailangan ng katawan ang iba’t-ibang uri ng vitamins upang manatiling malakas at matibay. Ang kakulangan sa mga vitamins ay sanhi ng iba’t-ibang uri ng sakit. Mula sa lakas ng pangangatawan hanggang sa kalusugan ng pag-iisip, ang mga bitamina ay sumusuporta upang mabuhay nang masaya, malusog, at malayo sa mga karamdaman at maagang pagtanda.
Iba’t-ibang grupo ng bitamina ang labis na kailangan ng tao upang maging malusog. Kasama na rito ang B complex vitamins.
Ang B complex vitamins ay grupo ng 8 nutrients. Ang mga nutrients na ito ay may mga ginagampanang sariling papel upang maging malusog ang katawan. May vitamin B complex benefits sa mga blood cells, sa energy, at iba pa.
Narito ang walong uri ng B complex vitamins:
- B-1 (thiamine)
- B-2 (riboflavin)
- B-3 (niacin)
- B-5 (pantothenic acid)
- B-6 (pyridoxine)
- B-7 (biotin)
- B-9 (folic acid)
- B-12 (cobalamin)
Benefits of Vitamin B
May iba’t-ibang vitamin B benefits na nakukuha sa mga pagkain at vitamin supplements. Narito ang ilan sa mga ito:
- Pagbibigay proteksyon sa katawan laban sa mga impeksyon
- Pinapalusog ang cells ng katawan
- Pinapataas ang energy
- Pinapalinaw ang mga mata
- Pinapaganda ang digestion
- Pampaganang kumain
- Nagbibigay ng maayos na nerve function
- Nakakatulong palusugin ang puso
- Pinapalakas ang mga muscles
- Nakakatulong sa katawan upang lumikha ng good cholesterol at hormones
- Nakakatulong sa kalusugan ng utak
Mainam din ang mga B vitamin supplements at mga foods rich in vitamin B para sa mga buntis upang makatulong sa pagpapanatili ng energy. Maaaring makatulong din ito upang mabawasan ang pagkahilo at maiwasan ang preeclampsia.
Kapag nagkaroon ng preeclampsia ang buntis, tumataas ang presyon at maaari ding maglabas ng protein sa kanyang ihi habang buntis o matapos manganak. Mabagal din ang paghilom ng sugat dahil sa mababang level ng platelets sa dugo o kaya nama’y dahil sa liver o kidney problems.
Nakakatulong din ang B vitamins upang maiwasan ang mga birth defects, at napapaganda nito ang fetal brain development. Mahalagang may tamang supply ng B vitamins ang ina na nagpapasuso upang mapalakas ang kanyang sanggol.
Benefits to Mental Health
Habang tumatanda ang tao ay nagsisimula na ring lumiit ang utak (brain atrophy). Dito kadalasang nagsisimula ang pag-decline ng memory sa matatanda. Ito ang tinatawag na mild cognitive impairment.
Ang mayroong mild cognitive impairment ay nakakaranas ng mga problema sa memorya, pagsasalita, at iba pang mental functions. Hindi man malaki ang diprensyang dulot nito sa araw-araw na pamumuhay, sa loob lamang ng ilang taon ay marami sa mga matatandang nakakaranas nito ay magkakaroon ng Alzheimer’s disease o kaya’y dementia.
Sa pagsisiyasat ng University of Oxford, napag-alamang maaaring mapabagal ang brain atrophy sa matatanda kung iinom ng B vitamin tablets araw-araw. Nakakalahati ng pag-inom nito ang development at progression ng mild cognitive impairment sa mga seniors, isang malaking bagay para sa elderly care.
Paano Nakakatulong sa Brain ang B Vitamins?
Ang ating dugo ay may sangkap na amino acids. Isang uri nito ang homocysteine. Sa pagtanda ng tao ay tumataas ang levels ng amino acid na homocysteine sa dugo. Hindi ito nakakabuti dahil ang mataas na level nito, ayon sa mga dalubhasa, ay maaaring kaakibat ng pagkakaroon ng Alzheimer’s disease.
Upang mapigilan ang pagdami ng amino acid na homocysteine sa dugo ng mga seniors, kailangang taasan din ang vitamins B6, B9, at B12. Ang mga bitaminang ito ay nagpapabagal ng pagdami ng homocysteine sa dugo, dahilan upang mapaliit din ang posibilidad na magkaroon ng Alzheimer’s ang isang senior.
Sa study na isinagawa ng University of Oxford, mataas ang dosage ng vitamin B12 at iba pang B vitamins na ipinainom sa mga elderly na nakaranas ng improvement sa pagpapabagal ng brain atrophy. Maituturing man na tagumpay ang pagsisiyasat nila, iminumungkahi pa rin ng mga dalubhasa sa likod nito na maging maingat sa paggamit ng mga vitamin supplements para sa pagpapabagal o pag-iwas sa brain atrophy. Kailangang sumangguni pa rin sa doktor upang makasigurong safe ito at hindi kontra sa karamdaman o sa gamot na iniinom.
Gayumpaman, matagal nang pinag-aaralan ang magagandang epekto ng B vitamins lalo na sa short term memory loss at iba pang problema sa memory. Kailangan lamang na may nakaantabay na propesyunal sa treatment na kasama ang B vitamins.
Mga Pagkaing May B Vitamins
Kung nais mong makuha ang B complex vitamins mula sa pagkain, subukan ang mga nakalista rito:
- Whole grains tulad ng brown rice
- Red meat
- Chicken at iba pang poultry
- Iba’t-ibang uri ng isda
- Itlog
- Gatas, keso, at iba pang dairy products
- Legumes tulad ng beans
- Almonds at iba pang nuts
- Sunflower seeds at iba pang seeds
- Broccoli, spinach, at iba pang dark green, leafy vegetables
- Mga prutas tulad ng saging, avocado, at mga citrus fruits
Vitamin B Deficiency
Kung ikaw ay may kakulangan sa B vitamins, maaaring makaranas ng mga sintomas tulad ng mga ito:
- Anemia
- Singaw sa bibig
- Pagkabalisa o pagkalito
- Pangangalay o pagkamanhid ng paa o kamay
- Pakiramdam na parang tinutusok ang mga kamay o paa
- Seborrheic dermatitis (makapal na balakubak)
- Depression
- Mainitin ang ulo
- Makakalimutin
- Mahina ang muscle coordination
- Hirap tumayo ng maayos
Dahil hindi lamang vitamin B deficiency ang maaaring magdulot ng mga sintomas na ito, mas makabubuting lumapit sa doktor upang malaman ang sanhi ng iyong karamdaman. Kung vitamin B deficiency man ang problema, magtanong sa doktor ng tamang treatment.
Resources:
https://www.healthline.com/health/preeclampsia#causes
https://www.healthline.com/health/food-nutrition/vitamin-b-complex#recommended-daily-intake
https://www.webmd.com/brain/news/20100909/vitamin-b-may-help-preventmental-decline-elderly#1
https://www.psychologytoday.com/us/blog/integrative-mental-health-care/201709/b-vitamins-play-important-roles-in-mental-health-care#:~:text=Emerging%20research%20findings%20show%20that,cognitive%20impairment%20in%20some%20cases.