Ang mga tao daw ay social animals. Kailangan natin ng makakasama at makakausap. Interaksyon ang nagpapaikot sa ating mundo. Pero paano naman kung mawala ito?
Tulad na lamang ngayong may COVID pandemic, hindi na katulad dati na anumang oras ay puwedeng dalawin ang mga kapamilya o kaibigan, puwedeng pumasok sa school o sa trabaho, at puwede ring lumabas para lang mamasyal o makapaglibang. Ngayon, bawal na ang maraming bagay dahil kailangan ang social distancing.
Cabin Fever
Ang cabin fever ay nararanasan ng mga taong nakakulong o stuck sa isang lugar sa loob ng mahabang panahon. Mag-isa man o may iilang kasama, ang sinumang nakaranas na ng cabin fever ay magsasabing hindi ito maganda para sa isip at kalusugan.
Kung noon ay malayong maranasan mo ang cabin fever dahil madali lang namang umalis ng bahay o kung saan ka man naroroon, ngayon ay nararanasan ito ng mas nakararami lalo na ang mga kabataan. Dahil sa epekto ng world pandemic dala ng COVID-19, bawal lumabas kung hindi naman talaga kailangan, at ang mga edad 20 anyos pababa at mga 59 anyos pataas ay maaaring pag bawalang lumabas nang lubusan kung under quarantine ang lugar kung saan sila nakatira.
Epekto ng Pag-Iisa
May mga taong kung tawagin ay introvert. Mas madalas silang mag-isa at hindi mahilig makisalamuha sa ibang tao. Kung meron man silang laging kasama, malamang ay kapwa introvert din ito. Pero kahit mahiyain at umiiwas sa ibang tao ang isang introvert, hindi rin naman niya maiiwasan na kailanganin ang ibang tao sa kanyang paligid.
Kakaiba naman kapag napag-iisa ka sa loob ng matagal na panahon, lalo na kung hindi ka naman likas na introvert. Ang social isolation ay may mga masasamang epekto, ayon sa mga dalubhasa. Narito ang ilan sa mga ito:
- Ang mga taong madalas mag-isa ay sila ring madalas na may high blood pressure o hypertension.
- Karaniwan ding mataas ang kanilang cholesterol sa katawan.
- Ang mga taong madalas na walang kasama ay karaniwang natututong manigarilyo, o kaya nama’y mas lumalakas ang kanilang bisyo.
- Kung may sakit sa puso, mas malaki ang posibilidad na ikamatay ito kung walang nakakausap o nakakasama.
- Nauuwi sa depression ang madalas na pag-iisa.
Benefits of Talking
Alam mo ba na ang pakikipag-usap ay maganda sa kalusugan? Sa totoo lang, ang pakikipag-usap ay kailangan ng tao, at isa itong uri ng therapy.
Ang masayang conversation ay parte ng buhay ng maraming tao at nakakatulong ito upang makaiwas sa sakit, depression, at anxiety. Kaya nga madalas na sinasabi natin kapag napansin nating malungkot ang isang kaibigan, “Gusto mo bang pag-usapan?” o di-kaya’y “Do you want to talk about it?”
Hindi lamang dahil polite sabihin ang mga katagang ito. Kung minsan, hindi man natin alam, ito ang talagang kailangan ng isang kaibigan.
Narito ang ilang benefits ng pakikipag-usap tungkol sa nararamdaman:
- Nakakatulong ito upang makahanap ng solusyon sa problema.
- Maaari mong makita nang mas malinaw ang isang sitwasyon o suliranin kung sasabihin mo ito sa iba.
- Nagkakaroon ng panibagong perspekto tungkol sa problema.
- Nakakatulong ito upang mabawasan ang tensyon na nararamdaman, na maaaring makapagbigay ng kalinawan sa problema.
- Maaaring magkaroon ng iba’t-ibang aspeto at solusyon ang problema na hindi mo nakikita noon.
- Nakakaramdam ng ginhawa dahil alam mong hindi ka nag-iisa. Maaari mo ring malaman na hindi lang pala ikaw ang ganyan ang nararamdaman.
- Nakakaramdam ng koneksyon sa mundong ginagalawan.
Ang tinatawag na catharsis ay ang pagpapakawala ng mga saloobin upang makaramdam ng ginhawa. Ito ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit ang simpleng pagsasabi sa isang kapamilya, kaibigan, o therapist ng nararamdaman o ng kinakaharap na suliranin ay nakakatulong.
Paano Labanan ang Pag-Iisa
Ngayong panahon ng COVID-19, mas madaling mapag-isa kaysa maki-salamuha o makipag-usap sa mga mahal sa buhay na hindi mo kasama sa tahanan. Kung ikaw ay nabubuhay mag-isa, mas mahirap pa ito para sa iyo. Alam mong kailangan mo ng kausap, pero paano mo malalabanan ang ganitong sitwasyon?
Narito ang ilang mga mungkahi:
- Mag-isip ng mga taong lubusan mong pinagkakatiwalaan. Maaaring isang kaibigan o grupo ng mga kaibigan. Puwede rin namang mga kapamilya tulad ng iyong magulang, kapatid, asawa, o partner.
- Kung sa tingin mo ay busy ang mga taong gusto mong makausap, maaari ka namang magtanong kung may kaunting oras sila upang makinig sa iyong sasabihin. Kadalasan, kapag sinabi mo ito sa isang kaibigan o mahal sa buhay, o kaya nama’y nakita nilang may kinakaharap kang suliranin, ay magpupursige silang mapakinggan ka.
- Kung ang iyong sasabihin ay mahaba o marami, puwede mo namang sabihin ito sa iba’t-ibang tao. Ito ay magandang solusyon lalo na kung iba-iba rin ang iyong problema.
- Maaaring lumapit sa isang therapist kung walang ibang makausap. Kadalasan ay iniisip ng mga tao na ang mga therapist o psychiatrist ay nilalapitan lamang kapag may malalang problema o di-kaya’y mental disorder, pero ang mga ito ay trained upang makinig sa mga suliranin at nararamdaman ng iba, gaano man kalaki o kaliit ang problema.
Kung ang problema naman ay ang pagkainip, huwag mong isiping mababaw lamang ito. Normal ang makaramdam ng inip paminsan-minsan, pero kung nasa level na ng cabin fever ang iyon inip, maaaring mauwi ito sa ibang bagay, tulad na lamang ng depression o anxiety.
Nariyan naman ang cellphone kaya mas madaling makatawag sa mga kaibigan at kapamilya. Hindi naman mahalaga kung ano ang pag-uusapan. Ang mahalaga, may nakakausap ka kahit paminsan-minsan lang.
Marami namang puwedeng maging topic for conversation. Kung wala ka namang problema, maaaring pag-usapan ang ibang bagay kung saan kayo nagkakaintindihan ng iyong kausap. Halimbawa, kung kaibigan mo ito, puwedeng pag-usapan ninyo ang inyong mga interes na naging dahilan upang kayo ay maging magkaibigan. Kung ang kausap mo ay ang iyong asawa, puwede kayong mag-reminisce tungkol sa kung paano kayo nagkakilala at nagsimulang umibig sa isa’t-isa. Madali lang namang makaisip ng topics to talk about kung bibigyan mo ito ng panahon.
Mas malalabanan mo ang mga challenges ng pag-iisa kung ikaw ay busy. Kahit nasa bahay ka lamang, mag-isip ng mga puwedeng gawin sa maghapon, tulad na lamang ng pagluluto at iba pang mga gawaing-bahay, pagbabasa, panonood ng TV, page-ehersisyo, at siyempre naman, ang pagtawag sa mga kaibigan at kamag-anak upang magkumustahan.
Upang mapalakas ang iyong immune system at maiwasan ang sakit, lalo na ngayong palagi kang mag-isa, uminom ng vitamin supplements at kumain ng tama. Huwag maniwala sa mga fast talk at fake news na kumakalat upang maiwasan ang anxiety na maaaring mag pahina sa iyong katawan. Sa halip ay magsiyasat gamit ang internet, at manood, makinig, o magbasa ng mga pinagkakatiwalaang sources ng balita.
Resources:
https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/HealthyLiving/talking-through-problems
https://www.businessinsider.com/why-loneliness-bad-brain-body-what-to-do-2018-5
https://www.nytimes.com/2020/04/03/smarter-living/talking-out-problems.html?auth=login-google1tap&login=google1tap
http://www.valueoptions.com/solutions/2011/11-November/story5.htm#:~:text=There%20is%20a%20word%20that,pain%20and%20this%20brings%20relief.
https://www.psychologytoday.com/us/blog/your-personal-renaissance/201906/why-talking-about-our-problems-makes-us-feel-better
https://medium.com/@tarablairball/why-talking-out-our-problems-helps-so-much-and-how-to-do-it-228a242906cb
https://www.nytimes.com/2020/04/03/smarter-living/talking-out-problems.html