Bawat babae ay nakakaranas ng menstruation o buwanang dalaw kapag dumating na siya sa tamang edad. Ang pagreregla ay normal na kondisyon ng katawan kung saan may buwanang pagbabago na nagyayari sa reproductive system ng isang babae. Ikinababahala lamang ito kung napapansin na hindi normal ang pagdating nito, dami, at mga epekto na maaaring kasama ng menstrual period.
Ano nga ba ang nagyayari sa reproductive system sa loob ng menstrual cycle?
Importante munang malaman ang iba’t ibang parte ng female reproductive system bago masagot ang mga katanungan tungkol sa pagreregla. Ang mga parte ng sistemang ito ay ang fallopian tubes, ovaries, uterus o matris, cervix, at vagina o ang mismong ari.
Ang lining ng uterus na tinatawag na endometrium ay magkakaroon ng mga pagbabago na dala ng mga epekto ng hormones na nanggagaling sa ovaries na tinatawag na progesterone at estrogen. Kung hindi buntis ang isang babae, ang lining na ito ng uterus ay tutulo bilang regal o menstrual blood.
Gaano katagal dapat ang menstrual cycle?
Walang standard na masasasabing normal na menstrual cycle dahil hindi Ito pare-pareho sa bawat babae. Ang kadalasang saklaw ng menstrual cycle ay mula 21 hanggang 35 days. Ang sinasabing interval o saklaw ng menstrual period ay nagsisimula mula sa araw na nagsimula ang huling regla hanggang sa simula ng regla sa susunod na buwan. Halimbawa, ang huling regla ay nagsimula noong September 1. Ang sunod na dalaw naman ay nagsimula nang October 3. Tinatayang nasa 33 days ang menstrual cycle.
May mga babae na maiksi ang menstrual cycle - umaabot lamang ito ng 21 hanggang 25 days. Ang iba naman ay umaabot muka 35 hanggang 40 days. Nagdedepende rin ito sa physical condition ng babae - kung healthy at normal ang kanyang timbang, balanse ang hormones sa katawan, at edad.
Ang paglabas naman ng menstrual period o ang mismong mga araw na nararanasan ito ay normal na nangyayari mula dalawa hanggang pitong araw. Kung ilang taon nang nasa ganitong bilang ng araw nararanasan ang menstrual period, matatawag na itong normal para sa isang babae.
Bakit importanteng malaman ang menstrual cycle ng isang babae?
Photo from Pixabay
Kailangang matukoy ang menstrual cycle ng isang babae lalo na kung nagpaplano na siyang magkaroon ng anak. Nakabase sa menstrual cycle ang ovulation calendar, o ang talaan ng mga araw na fertile o maaaring mabuntis ang isang babae. Bukod dito, ang kaalaman tungkol sa menstrual cycle ng isang babae ay isang factor para matukoy kung normal at healthy ang kanyang reproductive system. Nagiging hudyat ang irregular menstruation, dami ng regla, at tagal ng araw na nararanasan ang menstrual period para matukoy kung may abnormality ba na nangyayari sa reproductive system. Ilan sa mga nadidiskubre mula sa mga ito ang pagkakaroon ng:
- Polycystic ovary syndrome (PCOS) na dala ng hormonal imbalance;
- Myoma na isang uri ng bukol na kadalasang nakikita sa matris
- Ovarian cyst na isang uri ng sac na puno ng fluid; at
- Ovarian cancer.
Paano gumawa ng ovulation calendar mula sa menstrual cycle?
Masasabing fertile o maaaring mabuntis ang isang babae sa panahon na siya ay nag-oovulate. Kung halimbawang ang menstrual cycle ng babae ay 30 days, ang ovulation na tinatawag ay magsisimula 16 days matapos magsimula ng menstrual period. Sa panahon na ito pinaka-fertile ang isang babae, at maaaring mag-survive ang sperm ng lalaki hanggang limang araw – kung nagpaplanong mabuntis.
Sa tulong din ng ovulation calendar at menstrual cycle matutukoy kung kalian darating ang sunod na regla. Dahil dito, makakapaghanda ang babae sa mga posibleng epekto na dala ng buwanang dalaw at mga epekto nito sa kanyang schedule, pagta-travel, pagta-trabaho, at iba pa, lalo na kung ang PMS symptoms niya buwan-buwan ay malala.
Anu-anong sintomas na malapit nang dumating ang menstrual period?
Nakakaranas ang mga babae ng tinatawag na premenstrual syndrome o PMS. Bago dumating ang buwanang dalaw, may physical, emotional, at behavioral signs na mapapansin. Hindi lahat ng babae ay nagkakaroon ng mga sintomas sa lahat ng nasabing aspeto. May ilan na pisikal lang ang nae-experience na PMS symptoms, ang iba naman ay kombinasyon ng dalawa o tatlo. Heto ang ilan sa mga sintomas:
- Physical symptoms
- Pagsakit ng puson o dysmenorrhea;
- Pakiramdam na punong-puno ang tiyan o puson;
- Pagiging mabigat sa pakiramdam ng breasts o ang pagsakit ng mga ito;
- Migraine o sakit ng ulo;
- Pananakit ng katawan;
- Paglabas ng mga tigyawat; at
- Paghahanap ng ilang pagkain o food cravings.
Photo from Unsplash
- Emotional and behavioral symptoms
- Mood swings o mabilis na pagbabago ng mood gaya ng pagiging iritable at magagalitin;
- Anxiety o labis na pag-aalala;
- Pagiging iyakin o maramdamin; at
- Katamaran o kawalan ng gana gumawa ng kahit ano.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor tungkol sa menstrual period?
Kadalasan, kapag may labis o kawalan ng pagdurugo, idinudulog na ito sa OB-GYNE. Ang obstetrician-gynecologist ang isang doktor na espesyalista sa women’s health particular sa pagbubuntis, panganganak, at overall na kalusugan ng reproductive system.
Kailangan na rin ng opinyon ng OB-GYNE lalo na kung may kakaibang sakit na nararamdaman tuwing may dalaw o ‘di kaya naman ay kung masyadong matindi ang mga nagiging epekto ng PMS symptoms na nakakasagabal na sa araw-araw na pamumuhay gaya ng depression. Kung may kapansin-pansin din na pagbabago sa menstrual cycle, dami at tagal ng menstrual period, at iba pang concerns gaya ng delayed menstruation at menopause, huwag magdalawang-isip na magpatingin sa OB-GYNE.
Inirerekomenda rin ang annual check-up ng reproductive system para makasiguradong nasa maayos na kalagayan ang iba’t ibang parte nito. Nakakatulong din ang regular na pagpapatingin sa OB-GYNE para matugunan din ang ibang pangangailangan na maaaring hindi natutugunan sa sistemang ito ng katawan.
Hindi dapat ikumpara ang menstrual cycle ng isang babae sa iba dahil sa dami ng factors na nakapaligid dito. Ang mahalaga ay ang pagiging maalam at mapanuri ng lahat ng babae tungkol dito, lalong lalo na pagdating sa kabuuang kalusugan ng reproductive system.
Sources:
https://www.facebook.com/Interaksyon/videos/1817089674982553/
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/premenstrual-syndrome/symptoms-causes/syc-20376780
https://www.healthline.com/health/ovarian-cysts#types
https://www.healthline.com/health/what-is-an-ob-gyn#obgyn
https://www.mamanatural.com/ovulation-calculator/