Karaniwang inirereseta ng mga doktor ang antibiotics kapag may bacterial infection, tulad ng ubo, pulmonya, o sore throat. Kasama sa reseta na ito ang mga direksyon para sa wastong pag-inom ng gamot. Mahalaga na sundin ang mga ito, para masigurado na tama ang epekto ng antibiotics sa ating katawan.
May ilang mga patnubay na dapat ninyong malaman tungkol sa tamang paraan ng pag-inom ng antibiotics. Alamin natin ang mga ito.
Kailan Kailangan ang Antibiotics?
Hindi lahat ng sakit ay kayang gamutin ng antibiotics. Katulad ng nabanggit sa itaas, kailangan lamang ito kung ang impeksyon ay dala ng bacteria. Dahil dito, dapat magpatingin muna sa doktor kung sa tingin niyo ay may impeksyon kayo, para masuri, at para matukoy nila kung dapat ba kayong resetahan ng mga antibiotic.
Paano ang Tamang Pag-inom ng Antibiotics?
Para matiyak ang proper effects of antibiotics on the body, tandaan at gawin ang mga bagay na ito:
- Habang kasama pa ang doktor, sabihin sa kanya kung may mga allergies na iniinda, para makapagbigay siya ng antibiotics na hindi magiging sanhi ng allergic reaction.
- Kung buntis, sabihan rin ang doktor para maayos niya ang gamot na ibibigay
- Kung umiinom naman ng contraceptives, sabihan rin ang doktor dahil may antibiotics na pwedeng magbago ng epekto ng mga contraceptives
- Sundin ang eksaktong reseta ng doktor, at siguraduhin na makumpleto ito ayon sa kanyang payo. Halimbawa, maari na sa reseta, nakalagay na kailangang inumin ang antibiotic ng tatlong beses sa isang araw, sa loob ng isang buong linggo. Tiyakin na masusunod ang schedule na ito. Kapag hindi ininom ang buong reseta, o kung tinapos ito ng mas maaga o mas huli sa payo ng doktor, maaring umulit ang impeksyon.
- ‘Wag uminom ng antibiotics na inireseta sa ibang tao
- ‘Wag uminom ng antibiotics na natira mula sa dating reseta
- Kahit na bumubuti na ang pakiramdam, tapusin pa rin ang reseta ninyo
- ‘Wag bumili ng antibiotics ng walang payo ng doktor – magpasuri muna para tama ang gamot na irereseta
- Dahil may pagkain na maaring makgaroon ng masamang reaction sa antibiotics, alamin mula sa doctor kung dapat bang inumin ang gamot kung mayroon o walang laman ang tiyan
- Habang umiinom ng antibiotics, maintain a healthy lifestyle – kumain ng balanced diet, uminom ng sapat na tubig, mag-ehersisyo, at magpahinga ng maayos.
- Itabi ang antibiotics sa tamang lugar. Madalas, room temperature lamang ang kailangan ng gamot, pero may ilan na dapat ilagay sa malamig na lugar katulad ng refrigerator.
Pag-iwas sa Antibiotic Resistance
Kung titingnan, marami sa mga tips na ibinigay ay may kinalaman sa tamang pagsunod sa reseta. Inuulit-ulit ang mga ito dahil napakahalaga nila sa pagtulong sa pag-iwas sa antibiotic resistance.
Ang antibiotic resistance ay ang abilidad ng bacteria na magbago at labanan ang mga epekto ng antibiotics. Ibig sabihin, tuloy-tuloy lang itong mabubuhay at dadami, na pwedeng maging sanhi ng paglala ng impeksyon sa katawan.
Isa ang antibiotic resistance sa mga pinaka-importanteng health issue ngayon. Dahil sa antibiotic resistance, nagiging mas mahirap patayin ang bacteria, kaya naman ang mga sakit na dating madaling gamutin ng antibiotics ay pwede na maging mas malubhang kondisyon.
Maiiwasan ang antibiotic resistance sa simpleng pag-inom ng antibiotics sa tamang paraan, ayon sa sinabi ng doktor. Kaya importante ang mahigpit na pagsunod sa resetang ibinigay, hindi lamang para makaiwas sa health concern na ito, kung hindi para na rin tuluyang gumaling ang impeksyon at sakit na nararamdaman.
References:
- https://www.cdc.gov/antibiotic-use/community/about/antibiotic-resistance-faqs.html
- https://www.cdc.gov/features/antibioticuse/index.html
- https://wa.kaiserpermanente.org/healthAndWellness?item=%2Fcommon%2FhealthAndWellness%2Fmedications%2FmanagingMedications%2Fantibiotics.html
- http://www.pharmacytimes.com/publications/issue/2004/2004-12/2004-12-4835