Tamang Pag-inom ng Gamot | RiteMED

Tamang Pag-inom ng Gamot

October 11, 2016

Tamang Pag-inom ng Gamot

Sa tuwing tayo ay nagkakasakit, nais lamang natin ay ang agarang paggaling. Ngunit may mga bagay na dapat tayong isaalang – alang upang bumuti ang ating kalagayan. Ito ay tulad na lamang ng tamang pagkonsumo ng gamot. Mahalaga ang bahaging ito ng ating medikasyon dahil dito nakasalalay kung tayo nga ba ay papunta sa paggaling o sa karagdagang sakit ng pangangatawan.

 

Iwasang magkamali at basahin ang ilan sa mga pangunahing hakbang sa tamang pag-inom ng gamot:

 

1.Unawain ang reseta ng doktor

 

Sa sandaling ibigay ng doktor ang reseta ng gamot, basahin ito at tiyaking nauunawaan ang lahat ng nakasulat dito. Mahalaga ang patient adherence sa tuwing magrereseta ng gamot ang doktor, ngunit siguraduhing naiintindihan ang bawat nilalaman ng reseta. Magtanong sa doktor ng mga bagay na hindi nakasulat sa reseta katulad ng kung kailangan bang ubusin ang lahat ng iniresetang gamot o kung maaari na itong itigil sa sandaling bumuti na ang pakiramdam ng pasyente.

 

Kung mahigit sa isa ang iniresetang gamot, alamin kung para saan ang bawat isa rito. Sa mga pagkakataong gipit sa salapi, makatutulong ito upang malaman kung ano dapat ang unahin o i-prioritize na inuming gamot base sa karamdaman ng pasyente.

 

Ipagbigay alam din sa doktor ang iyong preferences sa uri nga gamot. Marami sa mga gamot ngayon ang generic na mas mura, ngunit kasing bisa lang din ng branded na gamot.

 

2. Pansinin ang side effects ng gamot

 

Tiyaking komunsulta sa doktor kapag may naramdamang side effect sa gamot na ininom. Alamin kung may iba pang gamot na maaaring inumin upang maiwasan ito, o di kaya nama’y ibahin na lamang ang oras kung kailan ito dapat iinumin.

 

Kung sakaling aware na sa gamot na nakapagdudulot sa iyo ng allergy, isangguni na agad ito sa doktor upang maresetahan ng bagong uri ng gamot para sa iyong karamdaman.

 

image555.jpg

 

3. Mag-set ng schedule para sa pag-inom ng gamot

 

Sa dami ng ating ginagawa sa araw-araw, may mga pagkakataon na nakakalimutan natin ang oras ng pag-inom natin ng gamot. Upang maiwasan ito, siguraduhing magkaroon ng medication schedule. Maaaring nakapaskil ang schedule sa bahagi ng bahay kung saan madali itong makikita o kaya nama’y gamitin ang alarm ng relos o cellphone upang magpaalala sa iyo.

 

Upang makasigurado, sa una pa lang ay tanungin na ang doktor sa maaaring gawin kung sakaling malimutan ang pag-inom ng gamot, gaya ng kung maaari bang bawiin ang pag-inom nito sa susunod na mga oras.

 

Kung ikaw naman ay kaanak ng pasyente, siguraduhing naipapaalala mo sa kanila ang oras ng kanilang pag-inom. May ilan na tinitipid ang pag konsumo ng gamot upang hindi ito maubos agad dala ng mahal ng presyo nito.

 

4. Isaalang-alang ang paglalagyan ng gamot

 

Tiyaking naka-store ang gamot kung saan ito madaling makikita at maaalala. Maaari itong ilagay sa hapag kainan, itaas ng refrigerator, o sa tabi ng telebisyon. Maaari ring magkaroon ng isang pill box kung saan nakasulat na rin ang schedule kung kailan ito iinumin.

 

 

Upang mas makatiyak na hindi malilimutan ang gamot, mas makabubuting may reserba sa bag o sa opisina, kung sakaling makalimutan ang gamot.

 

Bagama’t ang mga nakalahad sa itaas ay pawang mga gabay lamang sa tamang pag-konsumo ng gamot, mahalagang atin itong isaisip. Siguraduhing magtanong kung kinakailangan at huwag basta-bastang uminom agad ng gamot. Bagama’t mahalaga ang patient adherence, tiyakin munang nauunawaan ang lahat ng nasa reseta. At habang nasa proseso ng gamutan, huwag kalimutan ang mga detalyeng nakapaloob dito.

 

Sources:

 

http://www.philstar.com/punto-mo/2014/04/20/1313945/payo-sa-pag-inom-ng-gamot

http://www.dokbru.endocrine-witch.net/2015/07/26/iniinom-mo-ba-ang-gamot-ayon-sa-reseta-ng-doktor/

http://www.dokbru.endocrine-witch.net/2015/08/24/magtanong-tungkol-sa-gamot/

Images from Pixabay



What do you think of this article?