Ang lagnat sa isang sanggol ay isa sa mga pinakanakakatakot na pangyayari sa buhay ng isang magulang, lalo na kung ang lagnat ay mataas o kung ang sanggol ay ilang linggo pa lamang.
Ano nga ba ang sanhi ng lagnat sa isang sanggol at ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang pababain ang lagnat ng kanilang anak?
Mga Sanhi ng Lagnat sa Sanggol
Ang lagnat ay hindi isang sakit – ito ay isang sintomas ng iba’t-ibang sakit. Nagkakaroon ng lagnat dahil nilalabanan ng katawan ang sakit at gumagana ang resistensya laban dito. Kung ang sanggol ay may lagnat, kadalasan, maaaring nahawaan ito ng sipon o iba pang sakit na dulot ng virus. Bagaman hindi karaniwan sa mga sanggol, maaari ring maging sanhi ng lagnat ang mga sumusunod na impeksyon: pulmonya, urinary tract infection (UTI), impeksyon sa tainga, o mga mas malalang impeksyon sa dugo o sa utak.
Bukod sa impeksyon, maaaring ring maging sanhi ng lagnat sa sanggol ang reaksyon sa bakuna o ang pag-init ng katawan dahil sa pagsusuot ng makakapal na damit o pagbibilad sa araw.
Paano Pababain ang Lagnat?
Ang mababang lagnat sa sanggol na tatlong buwan pataas ay maaaring hindi nangangailangan ng bisita sa doktor. Maaaring pababain ang lagnat sa bahay sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
- Paracetamol
Kung ang sanggol ay tatlong buwan pataas, maaaring bigyan ito ng gamot na Paracetamol. Ang dosis ay depende sa timbang ng bata. Mainam na makipag-ugnayan sa doktor para sa tamang dosis ng gamot at basahin ang mga tagubilin na nakasulat sa gamot.
Kung ang sanggol ay komportable at hindi naglilikot kahit nilalagnat, maaaring hindi na kailangang magbigay ng Paracetamol. Para sa mataas na lagnat o may kaakibat na sintomas na nagdudulot ng pagiging hindi komportable ng sanggol, ang pagbibigay ng gamot ay maaaring makapagbigay ng pansamantalang lunas sa mga sintomas na ito.
- Ayusin ang pananamit ng sanggol
Bihisan ang mga sanggol ng magaan at komportableng damit at gumamit ng manipis na kumot para komportable at presko. Ang sobrang pagbabalot sa bata ay maaaring makasagabal sa natural na paraan ng katawan ng pagpapababa ng temperatura.
- Ibaba ang temperatura sa bahay
Panatilihin na malamig ang bahay at ang kwarto ng sanggol. Makakatulong ito upang maiwasan ang lalong pag-init ng katawan ng bata.
- Paliguan ang sanggol sa maligamgam na tubig
Subukang punasan ang sanggol gamit ang maligamgam na tubig. (Ang temperatura ng tubig ay dapat mainit, ngunit hindi nakakapaso, kapag dumidikit sa braso.) Bantayan ng maigi ang sanggol habang naliligo upang masigurado na ligtas ito sa tubig.
Iwasang gumamit ng malamig na tubig, dahil maaaring magdulot ito ng panginginig, na maaaring magpataas ng temperatura ng sanggol. Punasan agad ang bata pagkatapos maligo at bihisan ito ng magaan na pananamit.
Hindi nirerekomenda ang paggamit ng alcohol na panligo o pamunas para pababain ang lagnat dahil maaaring makasama ito sa sanggol.
- Bigyan ng inumin ang sanggol
Ang dehydration ay isang posibleng komplikasyon ng lagnat. Regular na bigyan ng inumin ang sanggol, tulad ng breast milk, at siguraduhing may luha ito kapag umiiyak, basa ang bibig, at regular na umiihi sa diaper.
Paano I-Monitor ang Temperatura ng Sanggol?
Para makuha ang pinaka-eksaktong temperatura, gumamit ng thermometer na ipinapasok sa puwet ng bata. Ang temperatura mula sa puwet ay mas mataas sa temperatura na nakukuha sa ibang parte ng katawan.
Ito ang mga hakbang sa tamang pagkuha ng temperatura:
-Linisin ang thermometer gamit ang alcohol o sabon
-Lagyan ang dulo ng thermometer ng petroleum jelly o iba pang ligtas na lubricant
-Tanggalin ang anumang damit o diaper mula sa puwet ng sanggol
-Ihiga ang sanggol sa kanyang tiyan sa ligtas at komportableng lugar
-Hawakan ng dahan-dahan ang sanggol upang hindi ito gumalaw habang kinukunan ng temperatura
-Ipasok ang ½ hanggang 1 inch ng thermometer sa puwet at iwanan ito roon hanggang marinig ang tunog ng thermometer
-Dahan-dahang ilabas ang thermometer at basahin ang nakuhang temperatura
Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?
Pumunta sa klinik ng doktor o sa emergency room kung nakakaranas ng mga sumusunod:
-Ang bata ay hindi nagiging mas alerto o komportable habang bumababa ang lagnat
-Bumabalik na sintomas ng lagnat pagkatapos nitong mawala
-Hindi nababasa ang diaper ng sanggol o hindi pa umiihi sa loob ng nagdaang walong oras
Magpatingin din sa doktor kung ang sanggol ay:
-Tatlong buwan o pababa at may temperatura na 38 degrees Celsius o mas mataas
-Tatlo hanggang labindalawang buwan at may temperatura na 39 degrees Celsius o mas mataas
-Dalawang taong gulang pababa at may lagnat na tumatagal ng higit sa dalawang araw
-May lagnat na mas mataas sa 40.5 degrees Celsius, maliban kung bumababa ang temperatura sa gamutan at komportable ang bata
-Pabalik-balik na lagnat sa loob ng isang linggo, kahit hindi masyadong mataas ang temperatura
-May mga kaakibat na sintomas na nagpapahiwatig na maaaring may ibang sakit na kailangang gamutin, tulad ng namamagang lalamunan, masakit na tainga, pagtatae, pagsusuka, pagkahilo o ubo
-May malubhang karamdaman, tulad ng sakit sa puso, sickle cell anemia, diabetes, o cystic fibrosis
-Nagpabakuna kamakailan lamang
Dumiretso sa emergency room kung ang bata ay may lagnat at:
-Umiiyak at hindi mapakalma
-Hindi magising agad o hindi na nagigising
-Parang wala sa sarili
-Hindi makalakad
-Hirap huminga, kahit na walang bara sa ilong
-Kulay asul ang labi, dila o kuko
-May matinding sakit ng ulo
-May matigas at hindi maigalaw na leeg
-Ayaw igalaw ang kamay o paa
-Nagkokombulsyon
-May bagong rashes o pasa sa balat
References:
https://www.webmd.com/parenting/baby/fever-in-babies#1
https://www.healthline.com/health/parenting/how-to-bring-down-baby-fever#treatment
https://medlineplus.gov/ency/patientinstructions/000319.htm