May Asthma (Hika) si Baby! Ano Ang Gagawin Ko?

August 08, 2022

Kapag mukhang nahihirapan o mabilis ang paghinga ni baby, it ay nakakabahala. Isa pang sitwasyon tulad nito ay kapag mukhag dikit na ang balat ni baby sa ribs nya habang lumolobo ang ilong. Isa pa ay kapag ang paghinga niya ay  maingay o ay parang sumisipol. Ngayon, magtatanong tayo.
 

Asthma na ba ito?

Ang inilarawan sa taas ay maaaring asthma o hika sa bata o pediatric asthma. Ang asthma ay isang kondisyon ng baga kung saan ang mga daanan ng hangin ay nasa chronic inflammatory state — paulit–ulit o pangmatagalan na kondisyon kung saan namamaga ang daanan ng hangin. Paulit–ulit na episodes ng airflow obstruction o pagsikip ng daanan ng hangin, na dulot ng pamamaga, pagsikip ng mga daanan sa baga, at pagdami ng ginagawang sipon ng baga.

 

Ang mga nabanggit sa taas ay ilan sa mga senyales at sintomas ng hika. Muli, ito ay:

  • Mabilis na paghinga
  • Mukhang hirap sa paghinga
  • Paglobo ng ilong
  • Wheezing  na tunog o parang sipol
    • Importante na maintindihan na ang wheezing ay karaniwan na sintomas ng hika sa mga bata at matanda, subalit minsan may mga baby na may hika, pero walang ganitong senyales. Sa kabaligtaran naman, may mga bata na may wheezing, ngunit hindi nagpapatuloy na magkahika. Magkakaiba ang itsura ng hika para sa bawat pasyente.
  • Paggamit ng accessory muscles of breathing – na makikita bilang matinding pag taas-baba rin ng dibdib, na minsan halata na ang mga buto sa ilalim

Karagadagan dito ay:

  • Pagkahapo
  • Paninikip ng dibdib
  • Pag – ubo
  • Hirap sa pagkain o pagdede
  • Pagiging maputla o asul ng mukha, labi, o daliri


Ang mga sintomas ay paulit–ulit, at maaaring may identifiable na trigger, katulad ng:

  • Ehersisyo
  • Exposure sa mga allergen (usok ng sigarilyo, alikabok, mga balahibo galing sa mga alagang hayop sa bahay)
  • Mga piling pagkain
  • Upper Respiratory Tract Infection, o pangkaraniwang ubo at sipon

 

Anong kaibahan ng asthma sa matatanda at sa bata?

 

Mas maliliit ang daanan ng hangin ng mga bata, kung kaya naman kahit kaunting pamamaga lang dulot ng hika ay maaaring magdulot ng malalang paghinga.

 

Paano ko malalaman kung asthma nga ba ang mayroon si baby?

 

Maraming maaaring katulad na sakit ang hika sa bata, katulad ng:

  • Aspiration o pagkalunok ng bagay na bumabara sa daanan ng hangin
  • Pulmonya
  • Upper Respiratory Tract Infection
  • Acid Reflux
  • Croup o pamamaga sa lugar ng vocal cords

 

Mahirap madiagnose ang hika sa bata bilang hindi sila nakapagsasalita ng maigi, at di nila maikwento ang kanilang eksaktong pakiramdam. Ang mga toddler o preschooler ay maari rin napakaaktibo, kahit may paninikip na ng dibdib o hirap sa paghinga.

 

Ang pinakamainam na paraan ay kapag may pagdududa na may hika si baby ay dalhin siya sa isang pediatrician upang matingnan sa kanyang kabuuan.

 

Ano ang maaari kong gawin pansamantala?

 

Kung ang iyong baby ay namumutla na o nagiging asul ang mukha, labi, o bibig – agarang dalhin sa pinakamalapit na EMERGENCY DEPARTMENT. Kung siya rin ay halatang hirap na hirap na sa paghinga – katulad ng halimbawa sa taas – maigi rin dalhin siya sa EMERGENCY DEPARTMENT.

 

Kung hindi naman ganito ang itsura ng iyong anak, ngunit sa tingin mo siya ay may hika – dalhin pa rin siya sa isang pediatrician, kahit bilang isang outpatient consult.

Bilang mahirap matukoy kung hika ang mayroon ang bata, mas importante para sa magulang at doktor na MATUKOY kung ASTHMA nga ba ito – dahil ang gamutan ay nakadepende sa TAMANG DIAGNOSIS. Mainam na iwasan mag self–medicate para sa iyong baby.

Ang ilan pa sa maaaring gawin ng isang magulang ay:

  • Iiwas si baby sa identifiable na triggers (alikabok, usok ng sigarilyo, balahibo mula sa alagang hayop, mga piling pagkain)
  • Magplano para makatanggap si baby ng annual flu vaccine – maaring magdulot ng atake ng asthma ang flu
  • Maging pamilyar sa senyales at sintomas ng atake ng asthma ng anak
  • Kung nagkapagpakonsulta na, sundin ang action plan na napag–usapan kasama ang inyong doktor

 

Para makatulong sa iyong doktor, ito ang iyong mga maaaring bantayan, alamin at itala, bago magpakonsulta:

 

  • Mga trigger ng sintomas ng iyong anak
  • Mga kamag–anak na may history ng hika o allergies
  • Pang–araw–araw na ugali o epekto ng sintomas sa bata
  • Pattern ng kanyang paghinga (kung mas malala ba sa gabi o umaga, kapag nakaupo lamang o pagkatapos ng paglalaro o pagiging aktibo, mga gamot na nasubukan na dati, mga dating konsulta, kung mas mahirap ba huminga paloob o mas mahirap palabas)

 

Ano ba ang gamot sa pediatric asthma?

Ang asthma ay karaniwan ginagamot sa pamamagitan ng mga gamot na kailangan higupin o singhutin – sa pamamagitan ng mga nebulizer o inhaler. May mga gamot rin na rescue o reliever medicine – para sa mga sintomas na biglaan, at controller na gamot, para mapanatiling mahinahon ang sintomas ng asthma ng pangmatagalan. Ang timpla, klase, at dalas ng mga gamot na ito ay isang joint effort sa pagitan ng magulang at nang kanilang doktor.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/girl-using-treatment-spray-deal-asthma-1073694881

 

Mawawala pa ba ang Asthma ng Baby?

 

Kapag ang isang tao ay may hika mula sa pagkabata, maaaring panghabang buhay na ito. Maaaring magbago lamang ang mga sintomas ng asthma, o kaya naman ay hindi na ganoon kalala. Ilan sa mga bata na ito ay makakakuha muli ng hika pag–apak ng 30’s or 40’s nila. Hindi talaga malalaman kung sinong mga bata ang maaaring magkaroon ng hika muli sa pagtanda. Maaari lamang maging mas malumanay ang mga sintomas ng hika habang tumatanda.

 

Take - Home Points:

Importante tandaan:

  • Maging pamilyar sa sintomas at senyales ng asthma, lalo na kung ito ay mukhang life–threatening medical emergency na. Dalhin sa emergency room ang inyong anak sa mga ganitong panahon.
  • Huwag mag self–medicate.
  • Magpakonsulta sa pediatrician kapag sa tingin mo ay may hika ang iyong anak.

 

Napakaraming bata at matanda ang may hika, at ang mga sintomas nito ay napakalaki ng epekto sa quality of life. Ngunit sa tamang gamutan at edukasyon,  ang mga sintomas ay naagapan at namumuhay at lumalaki ang ating mga anak ng maayos at masaya. 

 

 

REFERENCES:

 

https://www.yalemedicine.org/conditions/pediatric-asthma

 

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK551631/          

https://www.healthline.com/health/asthma-in-babies#takeaway

https://www.healthline.com/health/asthma/can-asthma-go-away