Ano ang Malaria?
Ang Malaria ay isang malubha at nakamamatay na sakit na dulot ng impeksyon ng ilang uri ng parasitikong Plasmodium. Ang mga parasitikong ito ay kadalasang naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Ito ay nananatili sa atay hanggang sa ito ay lumaki at saka aatake sa red blood cells ng dugo upang magparami. Pagkatapos magparami, ito ay maghihintay ng bagong kagat ng lamok upang sumama sa laway nito at makapang-hawa na naman sa ibang mga tao.
Ang sakit na ito ay maaaring magdulot ng iba't ibang mga kondisyon na nakakaapekto sa utak, sa daluyan ng paghinga, atay, lapay at bato. Maaari rin itong magdulot ng malalang kaso ng anemia at pagbagsak ng lebel ng asukal sa dugo.
Sino ba ang nanganganib na makakuha ng Malaria?
Ang mga taong naninirahan sa mga lugar na talamak ang sakit gaya ng mga bansang nasa rehiyong tropiko ang may pinakamataas na posibilidad na magkaroon ng Malaria.
Ang mga kabataan, mga dayuhang manlalakbay at mga inang nagbubuntis ay may tsansa ring makuha ang sakit na ito. Maaari ring mapataas ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito kapag mayroong kakulangan ng proper hygiene.
Ang mga Sintomas ng Malaria
Kadalasan ang tao ay makakaranas ng sintomas ng Malaria isang linggo matapos makagat ng apektadong lamok. Sila ay maaaring makaranas ng pabalik-balik at mataas na lagnat, matinding pagpapawis at panginginig ng kalamnan. Ito rin ay maaaring may kaakibat na pananakit ng ulo, pagsusuka, pagtatae, madaling pagkapagod, pamamaga ng lapay at pananakit ng kalamnan.
Importante na magpatingin agad sa isang doktor kapag nararanasan ng isang tao ang mga sintomas ng malaria.
Paraan Para Makaiwas sa Malaria
Kailangan nating umiwas na makagat ng lamok dahil ito ang kadalasang nagiging sanhi ng pagkalat ng Malaria at iba pang mga sakit, kagaya ng Zika, dengue o Chikungunya.
1. Gumamit ng mosquito repellant gaya ng katol.
2. Kung maaari, kapag ikaw ay lalabas ng iyong tahanan, magsuot ng damit na may mahahabang manggas at pantalon.
3. Panatilihing mahangin sa inyong lugar. Hindi gaano magaling lumipad ang mga lamok at madali silang mapapalayo gamit ang bentilador.
4. Dahil kadalasang mas aktibo ang lamok kapag gabi, magandang ideya na takpan ang mga parte ng katawan na makakagat ng lamok bago matulog. Magandang ideya rin na gumamit ng kulambo.
5. Pigilan ang pagdami ng lamok sa inyong lugar. Ang mga lamok ay tumitira at nanganganak sa mga lugar na may naiipong tubig. Siguraduhing natatakpan ang mga lalagyan ng tubig sa inyong bahay. Pagkatapos gamitin ang mga balde, palangana o tabo, siguraduhing walang matitirang tubig dito. Linisin o alisin ang tubig na maaaring naiipon sa paligid ng inyong tahanan gaya ng estero, gulong o lata. Kapag may natagpuang tubig na tinitirahan ng lamok, agad itong itapon.
Ang pinakamagandang pangontra sa iba't ibang uri ng sakit ay kaalaman. Sapagkat paano tayo iiwas sa sakit kung hindi natin alam ang sanhi nito? Hangga’t maaari, lumapit sa isang doktor o sa mga autoridad upang makakuha ng mas marami pang impormasyon.
Sources: