Malaria 101: Sanhi, Sintomas, at Lunas sa Sakit

November 30, 2020

May ilang artikulo sa internet na nagsasabing maaaring malaria ang sanhi ng pagkamatay ng halos kalahati ng populasyon ng tao na nabuhay sa kasaysayan ng mundo. Hindi man sinasang-ayunan ng maraming eksperto at siyentista ang malaking spekulasyon na ito dahil sa hindi matukoy ang pinagmulan ng datos nito, hindi rin naman nila itinatanggi na isa ito sa pinakamalaking problema sa kalusugan ng mga naunang sibilisasyon at maging ng mundo sa ngayon.

 

Pagkilala sa Kalaban

Tulad ng dengue, mga mosquitoes o lamok din ang carrier ng malubhang sakit na ito.

Ayon sa World Health Organization (WHO), nasa 228 milyong tao ang na-record na nagkaroon ng malaria noong 2018. Nasa 405,000 na tao ang nangamatay at karamihan sa mga ito ay mga batang mula sa pinakamahihirap na lugar sa Africa.

Bukod sa hirap na ang mga mahihirap na bansa na labanan ang malaria, marami sa kanila ang nagdurusa rin dahil sa kakulangan ng budget pang-medikal para tugunan ang paglaganap ng sakit na ito. At dahil nga rito, hindi maagapan o mahinto ang pagkalat at pagputol sa siklo ng kahirapan at kamatayan.

Ang malaria ay isang malubhang sakit na maaaring humantong sa kasawian ng nag-contract nito. Isang parasite ang sanhi ng pagiging carrier ng isang lamok ng nasabing sakit. Ilan sa pangkaraniwang malaria symptoms ay mataas na lagnat, panginginig ng katawan, at mala-trangkasong pakiramdam sa katawan.

May apat na uri ng malaria parasites na nanghahawa sa mga tao: Plasmodium falciparum, P. vivax, P. ovale, at P. malariae. Dito sa Pilipinas at ibang bansa sa Southeast Asia, may P. knowlesi rin na uri ng malaria na hinahawahan ang ilang macaques (isang uri ng primate) na kayang makapanghawa ng tao (zoonotic malaria).

Sa mga nabanggit na uri ng malaria, ang P. falciparum ang madalas na nagdudulot ng malalang infection na humahantong sa kasawian kapag hindi naagapan at nagamot nang maaga.  

Malala at nakamamatay na sakit ang malaria, pero ang pagkakaroon nito at kamatayan dulot nito ay maaaring maagapan.

Pagkalat

Nagkakaroon ng malaria ang isang tao dahil sa mosquito bites mula sa isang infected female na lamok o Anopheles mosquito. Tanging ang nabanggit na lamok na ito ang maaaring mag-transmit ng malaria. Nagagawa nila ito matapos makasipsip ng dugo mula sa isa pang tao o hayop na infected na ng malaria.

Pagkagat ng lamok sa isang taong mayroong malaria, may maliit na bahagi ng dugo ang nakukuha na mayroong malaria parasites. Matapos nga ng isang linggo, sa susunod na pagsipsip ng lamok ng dugo sa ibang tao, hahalo ang mga parasite na ito sa lawak ng lamok at mai-inject sa susunod nitong makakagat.

Dahil makikita ang malaria parasites sa red blood cells ng isang taong mayroon nang malaria, maaari ring malipat ang malaria sa pamamagitan ng blood transfusion, organ transplant, o unhygienic na paggamit sa mga karayom at syringes na ginamit.

Maaari ring malipat ang malaria mula sa isang nagbubuntis tungo sa pinagbubuntis nito bago o habang nanganganak. Ito lang ang tanging mga paraan upang magkaroon ng malaria. Hindi ito tulad ng sipon o trangkaso na maaaring makahawa. Hindi rin ito nalilipat sa pagtatalik.

Diagnosis

Karamihan ng nagkakasakit ng malaria ay makararamdamam ng mataas na lagnat, pagpapawis pero panlalamig, pananakit ng mga masel, pagkahilo, at pagsusuka. Mabilis lumala ang malaria at maaari nga itong humantong sa kamatayan. Ang pinakamainam na solusyon upang malaman kung may malaria ang isang tao ay pagsangguni sa medical experts at pagkuha ng diagnostic test kung saan kukuha ng sampol ng dugo mula sa pasyente.

Para sa marami, nagsisimulang lumabas ang mga sintomas sampung araw o isang buwan pagkatapos ng infection. May ilang pagkakataon ding isang linggo pa lang ay mayroon nang sintomas. May kaunting pagkakataon ding halos isang taon ang inaabot bago lumabas ang malalalang sintomas.

Ang malaria na dulot ng P. vivax at P. ovale ay may malaking tiyansa na mag-relapse sa isang gumaling na pasyente. Kaya kasi ng mga parasite na ito na maging dormant sa loob ng atay ng isang pasyente sa loob ng maraming buwan o maraming taon. Kapag bumalik sa aksyon ang mga parasite na ito at inatake ang red blood cells muli ng pasyente, saka magkakaroon ng relapse.

Kapag nakaramdam ng sintomas ng malaria o may hinala na nagkaroon nito, mainam kung makapagpapa-test agad upang maagapan ang paglala ng sakit.

undefined

Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/dad-son-use-mosquito-spray-insect-1081091330

Pag-iingat

Maraming gamot na ang available para maagapan ang pagkakaroon ng malaria. Bukod dito, inilista na rin ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang mga bansang may matataas na kaso ng malaria transmission at mga epektibong gamot para sa bawat lugar na nandoon.

Para magkaroon ng access sa mga gamot na ito, mabuti kung makabibisita sa ilang health-care provider apat hanggang anim na linggo bago ang pagpunta sa mga lugar na may mga kaso ng malaria. Magkakaiba kasi ang gamot at kailangang dosage base sa edad ng iinom nito.

Hindi rin masama kung dadagdagan ang pag-iingat sa pamamagitan ng mga kagamitang makapagtataas ng tiyansa sa pagpapalayo ng mga lamok. Bukod sa paggamit ng mosquito repellant, maaari ring uminom ng medikasyon na makapapatay sa mga parasite at makapagpe-prevent na magkaroon ng sakit. Makatutulong din ang pagtulog sa insecticide-treated na mga higaan kung nasa labas at pagsusuot ng mga damit na may mahabang manggas, at ng pantalon at medyas imbis na shorts.

Kung nasa bahay lang naman at nais makaiwas sa malaria at sa mga lamok at mga bitbit nitong sakit, mainam ding makapagtanim o magkaroon ng access sa mga halaman o prutas na may citronella dahil ayaw ito ng mga lamok.

Sa ngayon, wala pa ring available na malaria vaccine. Dahil komplikado ang malaria life cycle, nahihirapan ang mga ekspertong makalikha ng epektibong bakunang makasisigurado ng kaligtasan ng gagamit nito.

Gayunman, tuloy pa rin ang clinical trials para makapaglabas ng bakuna kontra sa malaria.

Source: https://www.cdc.gov/malaria/about/faqs.html?fbclid=IwAR2Bcmjwtsh1BJVjCf2KSikRicWkOIH7vXr-5ZYGn63E1GUa2YKmW-y_G4k