Maintenance Medicine: Nagdadala nga ba ng Nutrient Deficiency?

September 11, 2018

Kung mayroong chronic disease na ginagamot, importante ang pag-inom ng maintenance medicine. Maaaring ang pag-inom ng maintenance na gamot ay para maibsan ang mga sintomas at epekto ng sakit. Pwede rin naman na inireseta ang mga ito para hindi na lumubha pa ang kondisyon bagama’t hindi na ito mawawala. Importante na makumpleto ang pag-inom ng maintenance medicine para maiwasan ang mga pag-atake ng chronic diseases na maaaring mauwi pa sa ibang komplikasyon at maging sa kamatayan.

 

Laging ipinapayo ng doktor na samahan ang pag-take ng maintenance na gamot ng active lifestyle at masustansyang diet. Ang pag-inom ng medicines na ito ay hindi lang ang natatanging solusyon sa pagma-manage ng mga sintomas ng chronic diseases. Gayunpaman, may mga pag-aaral na nagsasabing nakakaapekto sa kalidad ng nutrisyon na nakukuha ng katawan ang mga gamot na para sa mga malulubhang sakit.

 

Dahil mahalaga sa paggaling at pag-iwas sa iba pang sakit ang pagkakaroon ng tamang nutrisyon, kailangang maintindihan ng mga umiinom ng maintenance medicine ang implikasyon ng mga ito sa kanilang kalusugan. Pero paano nga ba nakakaapekto ang mga ito sa mga nutrient na nakukuha dapat ng katawan? Alamin kung nakakapagdala ng deficiency ang mga gamot na iniinom mo.

 

Ano ang Nutrient Deficiency?

 

Ang isang tao ay nagkakaroon ng tinatawag na deficiency sa dami ng mga nutrient na ina-absorb ng katawan kapag hindi sapat ang nakukuhang mga vitamin at mineral sa kinakain. Ang tawag sa dalawang ito ay micronutrients. Dahil hindi sila napo-produce ng katawan sa natural na paraan, kailangan itong makuha mula sa sustansya ng mga kinakain.  

 

Nakabatay ang inirerekomendang daily intake ng mga nutrient sa edad, timbang, tangkad, family history, at health condition ng isang pasyente. Hindi pare-pareho ang iminumungkahing diet para sa mga may diabetes dahil sa pagkakaiba-iba ng pangangailangan ng katawan ng mga nakakaranas nito.

 

Isa sa mga resulta ng nutrient deficiency ang pagbaba ng depensa ng immune system ng katawan, sanhi para dapuan ng iba pang mga diseases ang isang tao. Kasama rin dito ang pagkapagod, problema sa panunaw, pagiging defective ng mga buto, dementia, at pagsisimulang dumagdag ng iba pang komplikasyon sa taglay na health condition.

 

undefined

Photo from Pixabay

 

 

Bagama’t kahit kinokonsumo ang inirerekomendang dami ng micronutrients araw-araw, napansin ng mga eksperto na tila hindi pa rin ma-absorb ng katawan ang sapat na kalidad at dami nito dahil sa ilang maintenance medicines. Hindi ito nangangahulugan na ipinapayong itigil ang pag-inom ng mga gamot na ito. Ang isinusulong lang ng mga doktor ay ang pagsuporta sa maintenance medicines gamit ang mga vitamin at supplements para mapunan ang pangangailangan ng katawan.

 

Narito ang ilan sa mga kombinasyon ng maintenance na gamot at mga vitamin o mineral na kailangang inumin kasama ng mga ito.

 

Paalala: Bago subukang idagdag ito sa inyong daily intake, siguraduhin na kumonsulta muna sa inyong doktor para makasigurado na compatible ang inyong pipiliing supplements o vitamins para sa inyong maintenance medicines.

 

 

  1. Metformin + Vitamin B-Complex

 

Ang metformin ay isa sa mga maintenance medicine na iniereseta sa mga mayroong Type 2 Diabetes. Kilala ito bilang tulong sa pagpapababa ng glucose - ang produkto ng labis na carbohydrates sa katawan na nagpapataas ng blood sugar. Madalas itong sinasamahan ng iba pang oral antidiabetic agents o ng insulin.  

 

Ayon sa pag-aaral, kinakakitaan ng deficiency sa Vitamin B12 o Cobalamin ang mga pasyenteng umiinom ng metformin. Ang bitaminang ito ay responsable sa pagpapanatili ng maayos na nerve health, hindi lang para sa physical activities kundi para sa overall function ng nervous system ng katawan. Tumataas din ang risk ng mga pasyente sa pagkakaroon ng anemia, isang epekto ng pag-inom ng nasabing maintenance drug. Epektibo ang metformin sa pagpapababa ng blood sugar, pero dahil sa mga risk na ito, inirerekomenda ng mga eksperto ang pag-inom ng Vitamin B-Complex - para maprotektahan ang pasyente sa neuropathy – at ng ferrous sulfate o folic acid para makaiwas sa anemia. Bukod sa Vitamin B12, may kasama na rin itong B1 at B6 na sumusuporta sa functions ng metformin.

 

undefined

  1. Losartan + Vitamins na may Magnesium, Potassium, at Calcium

 

Ang maintenance medicine na ito, gaya ng ibang diuretic, ay tumutulong sa pagpapababa at pagno-normalize ng blood pressure na dala ng labis na pagkonsumo ng matataba at maaalat na pagkain, pati na rin ng pagbibisyo.

 

Napapansin sa mga pasyenteng may hypertension o iba pang sakit sa puso ang pagkakaroon ng deficiency sa magnesium, potassium, at calcium na kailangan ng katawan para sa healthy heart. Nare-regulate ng magnesium ang blood pressure at napapa-relax ang blood vessels.  Ang potassium naman ang nag-iingat sa pagkakaroon ng irregular na heartbeat ng puso dahil sa kakulangan ng electrical signals sa nervous system. Kailangan naman ang calcium para mapanatiling normal ang pagsikip at pagluwag ng blood vessels para sa normal na pagdaloy ng dugo.

 

Para mas madaling ma-absorb ng katawan ang tatlong minerals na ito, ipinapayo ang pag-inom ng Vitamin C o ascorbic acid. Sa tulong nito, wala mang mga bitamina na may taglay na magnesium, potassium, at calcium ang mabili, masisigurado ng Vitamin C na makukuha ng pasyente mula sa pagkaing mayaman sa mga ito ang sapat na daming kailangan ng katawan.

 

  1. Atorvastatin + Calcium at Vitamin B12

 

Ang mga gamot na statin kagaya ng Atorvastatin ay nakakapag-regulate at nagpapababa ng labis na LDL cholesterol, o ang bad cholesterol sa katawan. Dahil dito, napoprotektahan ang puso ang mga blood vessels mula sa pagbabara na sanhi ng bad fats na ito.

 

Dahil madalas kasama sa contraindications ng mga statin ang risk sa muscle pain at panlalambot, iminumungkahi na mag-take ng calcium supplements para maingatan ang mga muscle at buto mula sa panghihina. Para rin mas mabilis ang pag-absorb dito ng katawan, samahan ito ng Vitamin C na nagpo-promote din ng strong bones at muscle repair. Susi naman ang pag-inom ng Vitamin B-Complex na mayroong B12 para sa matugunan ang weakness ng katawan sa pamamagitan ng pag-convert ng pagkain patungong energy.

 

Upang mas maging maalam pa sa ganitong medical updates tungkol sa iyong maintenance medications, huwag mahihiyang magtanong sa iyong doktor o specialist. Subukan ding maging updated sa latest medical news at breakthroughs na naaayon sa iyong sakit. Tandaan na hindi pa rin dapat mawawala ang tamang nutrisyon, ehersisyo, at pahinga para makuha ang magagandang epekto ng maintenance medicines at vitamins o supplements.

 

Sources:

 

https://www.healthline.com/health/malnutrition#iron

https://www.health.harvard.edu/heart-health/key-minerals-to-help-control-blood-pressure

https://www.livestrong.com/article/445365-can-vitamin-c-calcium-be-taken-together/

http://www.naturemade.com/~/media/Images/NatureMade/PDF/Health%20Care%20Professionals/HCP%20Updates%20042315/Common%20Drug%20Classes%20and%20Nutrient%20Interactions%20Chart%20FNL.ashx

http://www.yknutrition.com/2016/05/20/top-10-medications-deplete-body-essential-nutrients/

https://www.endocrineweb.com/news/diabetes/20265-long-term-metformin-use-linked-vitamin-b12-deficiency

https://www.health.harvard.edu/staying-healthy/are-your-medications-causing-nutrient-deficiency