Sintomas ng may tubig sa baga
February 22, 2019
Anong ibig sabihin kapag may tubig sa baga?
Kapag may tubig sa baga o pulmonary edema ang isang tao, ang ibig sabihin nito ay mayroong abnormal swelling o pamamaga ang kanyang baga. Ang pamamaga na ito ay maaring magdulot ng kahirapan sa paghinga.
Bakit nagkakatubig ang baga?
Problema sa puso ang madalas na dahilan kung bakit nagkakaroon ng tubig sa baga. May mga ibang bagay na maaaring magdulot ng tubig sa baga - pneumonia, exposure sa toxins, injury sa chest wall o ang pag-ehersisyo sa matataas na altitude, sakit sa puso at kidneys.
Dahil sa naipon na tubig sa baga, nahihirapan ang ating puso na mag-pump ng dugo at nahihirapan ang ugat na ipakalat ang oxygen at nutrients na kinakailangan ng ibang organ sa ating katawan.
Mga klase ng pulmonary edema at ang mga sintomas ng tubig sa baga:
- Acute Pulmonary Edema
Ito ang agarang pagkakaroon ng tubig sa loob ng baga. Kapag naranasan ang mga senyales ng
acute pulmonary edema, kumonsulta agad sa doktor dahil delikado ang karamdamang ito.
Mga sintomas ng acute pulmonary edema:
- Biglaang kawalan ng hininga o nahihirapang huminga (dypnea) na lumalala kapag may ginagawa o humihiga
- Pakiramdam na parang sinasakal
- Humuhuni (wheezing) o may tunog tuwing pinipilit huminga
- Malamig at mabasa-basang kamay
- Anxiety o sobrang pag-aalala
- Kapag umuubo ay may plema na mabula (frothy sputum) na may halong dugo
- Kulay asul na labi
- Iregular na pagtibok ng puso
- Chronic Pulmonary Edema
Ito ay ang uri ng tubig sa baga na umaabot ng ilang taon bago madevelop at mapansin ang sintomas.
Mga sintomas ng chronic pulmonary edema:
- Madalas na nahihirapang huminga
- Biglang nagigising dahil kinakapos sa hininga at inuubo
- Pamamanas ng mula sa baywang hanggang paa (lower extremities)
- High-Altitude Pulmonary Edema o HAPE
Ito ay madalas nakukuha ng mga mahilig maglakbay sa malalayong lugar kung saan may
mataas na altitude o kaya naman ay mga sumasali sa mga extreme na isports.
Bagama’t ang HAPE ay hindi nalalayo sa sintomas ng chronic at acute pulmonary edema, may mga iba itong sintomas na kapansin-pansin:
- Hirap sa pag-akyat pataas. Kapag tumatagal ay nahihirapan na rin maglakad kahit sa patag na daanan.
- Pagkahilo at sakit ng ulo (unang nararamdaman ng may HAPE)
Paano dina-diagnose ang Pulmonary Edema?
May iba’t-ibang paraan upang malaman kung ano ang sanhi ng pulmonary edema at kung paano gagamutin ang sakit na ito.
- X-ray sa dibdib
Ito ang unang test upang makumpirma kung ikaw ay may tubig sa baga. Sa x-ray din nalalaman ng doktor kung paano ka nagkaroon ng sakit na ito.
- Pulse Oximetry
Pinapatong ng pasyente ang kanyang daliri sa instrumento na tinatawag na pulse oximeter. Malalaman ngayon sa pulso ng tao kung gaano ang estimate ng oxygen saturation sa dugo.
- Blood Test
Kinukuhanan ang pasyente ng dugo upang malaman ang kabuuan ng oxygen at carbon dioxide (arterial gas concentration) sa katawan.
Para malaman kung ang iyong heart condition ang sanhi ng pagkakaroon ng tubig sa baga, chine-check ang level ng iyong B-type natriuretic peptide (kapag ikaw ay nagkaroon ng heart failure, dumodoble ang pag-pump ng puso ng protina sa katawan)
May ibang blood test din na pwedeng gawin sa’yo para naman malaman kung konektado sa bato (kidney function blood test), thyroid, at blood count ang pagkakaroon ng tubig sa baga.
- Electrocardiogram
Ang electrocardiogram ay ginagamit para makita kung ang iyong puso ay may abnormal heart rate activity.
Ano ang posibleng treatment o gamot sa tubig sa baga mo?
Photo from Pixabay
Ang pagbibigay ng oxygen ang unang treatment na ginagawa sa taong may tubig sa baga o pulmonary edema. Ito ay kadalasang ibinibigay gamit ang nasal cannula o face mask upang malanghap ng pasyente ang kinakailangang oxygen level ng kanyang katawan.
Depende sa kondisyon ng pasyente, may ibang mga treatment na maaaring i-prescribe ng doktor:
- Diuretics
Madalas itong pine-prescribe ng mga doktor upang mabawasan ang tubig sa loob ng katawan.
- Morphine
Para sa kaginhawaan ng paghinga at para mabawasan ang anxiety, iniinom ang gamot na ito.
- Blood Pressure Medications
Kung ang hypertension o altapresyon ang rason kung bakit nagkaroon ng tubig sa baga, pine-prescribe ito ng doktor upang mababa ang iyong blood pressure.
Mga pwede mong gawin na pampalakas ng baga:
- Bawasan na o itigil ang paninigarilyo
- Mag-ehersisyo nang regular
- Iwasan ang paglanghap ng matapang na kemikal
- Iwasan ang mga lugar na matindi ang air pollution
- Matutong mag-relax para bumaba ang blood pressure
- I-manage ang stress
References:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pulmonary-edema/symptoms-causes/syc-20377009
https://www.webmd.com/lung/the-facts-about-pulmonary-edema#1
https://www.ritemed.com.ph/articles/mga-wastong-paraan-sa-pangangalaga-ng-ating-baga