Sa Pilipinas, patuloy na nagiging malaking dagok sa buhay ng mga persons with disability (PWD) ang kawalan ng sapat na disability-friendly infrastructure. Noong kailan lang ay kinwestyon ni Sen. Grace Poe ang napakaliit na halaga sa 2021 national budget na inilaan para sa pagpapagawa ng safe and accessible infrastructure para sa taong may physical disability tulad ng blindness at motor difficulties. Marahil ay kung magkakaroon man ng pagbabago sa ating health and social services, mabuting magsimula ito sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga PWDs.
Ayon sa datos mula sa Philippines Statistics Authority (PSA) na nakalap noong 2010, tinatalang nasa 1.44 million ang mga PWDs sa bansa. Kahit napakalaking porsyento ng populasyon ang nabubuhay na may disability, nasa 60% lang ng local government units ang may Persons with Disability Office (PDAO) at hindi lahat sa kanila ay may efficient metrics para masukat kung tunay bang sumusunod sa PWD-friendly requirements ang mga pribado at pampublikong establisyemento.
Upang magkaroon ng tunay na pagbabago patungkol sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga persons with disabilities, mainam na magsimula tayo sa loob ng ating mga sariling tahanan sa pamamagitan ng pagsasaayos nito upang maging safe and friendly para sa mga kapamilya o kaibigan na may disability. Kung wala naman kakayahang gumawa ng adjustments sa physical spaces sa loob ng bahay, marami ring ibang paraan upang mapagbuti ang quality of life ng mga PWD.
Ano nga ba ang disability?
Ang salitang disabled ay ginagamit upang tukuyin ang mga miyembro ng ating lipunan na hirap kumpletuhin ang mga simpleng gawain dahil sa kanilang pisikal o mental na kalagayan. Walang dalawang disabled na tao ang parehas ang karanasan dahil na rin sa malawak at pagkakaiba-iba ng uri ng mga disability. Dahil dito, dapat sensitibo tayo sa kanilang specific needs na nakadepende naman sa type of disability na mayroon sila.
Mahalaga ring tandaan na hindi porket “disabled” ang tawag sa kanila ay limitado na ang kanilang mga kakayahan at potensyal sa buhay. Huwag natin silang ikahon sa pag-iisip na katumbas ng pagiging disabled ang kawalan ng silbi. Kung matutulungan silang malagpasan ang mga limitasyon dulot ng kanilang physical o mental handicap ay siguradong mararating nila ang kanilang tunay na potensyal.
Maraming paraan upang masigurong handicap-accessible ang isang bahay dahil gaya ng nabanggit kanina, malawak at maraming pagkakaiba-iba ang nararanasang disability ng mga PWDs. Heto ang ilang general tips kung nagbabalak gawing PWD-friendly ang inyong tahanan:
- Magkabit ng PWD-friendly features sa bahay
Kalimitang unang nakakasagabal sa isang PWD ay ang mga tahanan na walang PWD-friendly na pintuan. Kung may kapamilya na nabubuhay na may physical disability na nakakaapekto sa kanyang motor skills, mainam na gawing malawak at may tamang hawakan ang lahat ng mga pintuan sa bahay. Kung mayroon namang hagdan papasok ng inyong bahay, mainam na mag-install ng wheelchair ramp na may handrails.
Kung kakayanin, maganda rin na gumawa ng banyo sa unang palapag ng bahay na may sapat na handicap-friendly features. Mag-install ng grab bars malapit sa toilet para mapadali ang pag-upo at pagtayo, o ‘di naman kaya ay lagyan ng roll-in shower.
Gaya ng nabanggit kanina, iba’t iba ang mga solusyon para mapadali ang pang-araw-araw na paggalaw ng person with disability sa loob ng kanilang tahanan. Suriing mabuti kung anong mga area sa iyong bahay ang challenging para sa kapamilya o kaibigan na may disability upang makahanap ng angkop sa solusyon.
- Tulungan ang PWDs na manatiling aktibo
Kesyo may disability o wala, mahalaga ang pagiging aktibo para sa ating overall health. Kung may inaalagaan o kasamang PWD sa bahay, subukang tulungan silang gumawa ng simple exercises tulad ng stretching o walking. Bukod sa pisikal na epekto ng exercise, mayroon din itong magandang epekto sa mental health at nakakatulong labanan ang depresyon. Ano man ang karamdaman o disability, tiyak na mapapabuti ng pagiging aktibo ang pangkalahatang kalusugan.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-special-child-on-wheelchair-playing-1741888607
- Habaan ang pasensya sa mga PWDs
Mayroong mga panahon na masasagad sa frustration ang isang taong may sakit o kaya naman ay disability na siya namang lalong magpapahirap sa kanilang paggawa ng daily activities. Sa kasamaang palad, ang frustration na ito ay maaaring mabaling ng isang PWD sa mga kasama niya sa bahay. Sa mga ganitong sitwasyon, hindi matatawaran ang halaga ng pagiging empathetic at understanding. Tandaan na ang galit nila ay hindi personal na atake sa iyo. Tiyak na mapapagaan ang buhay ng isang PWD kung may kasama siya sa bahay na maunawain at handang makinig sa kaniyang mga hinain.
Upang masigurong maganda ang kalidad ng buhay ng mga kapamilyang nabubuhay nang may disability, umpisahan ito sa bahay sa pamamagitan ng paggabay sa kanilang mga pang-araw-araw na gawain. Kapag unti-unti na silang nasanay, hindi tatagal ay matututo na silang kumilos mag-isa na may kumpiyansa sa kanilang kakayahan.
Huwag nating hayaang makahon sa stigma ng pagiging disabled ang ating mga mahal sa buhay na may mental o pisikal na kapansanan. Kung mabibigyan sila ng sapat na aruga ay tiyak na maaabot nila ang kanilang potensyal. Mahirap man ay dapat maunawaan ng lipunan na hindi porket “disabled” ang isang tao ay wala na siyang positibong maiaambag sa mundo.
Source:
https://caregiversamerica.com/living-someone-disability/