Ano ang Leukemia?
Sa pagpasok ng Blood Diseases Month, bibigyan natin ng pansin ang isa sa mga pangunahing sakit ng dugo – ang leukemia. Ang leukemia ay cancer sa dugo, kung saan nagbabago ang mga selula (cells) ng katawan at sinasapawan ng white blood cells ang bilang ng mga red blood cells. Apektado rin dito ang utak sa buto o bone marrow at ang sistemang limpatiko. Isa ito sa top 5 ng mga pinaka-nakamamatay na cancer sa Pilipinas. Dahil ang ilang uri nito ay hindi kaagad nagpapakita ng sintomas, ang cancer na ito ay itinuturing na silent killer.
Sino ang Maaaring Magkaroon ng Leukemia?
Dahil ito ang uri ng cancer na madalas makita sa mga maliliit na bata hanggang sa pagka-teenager, tinatawag ang leukemia na “childhood cancer.” Ngunit ayon sa statistika, mas marami pa rin ang mga insidente ng leukemia sa mga matatanda, depende sa uri at klase nito. Katulad ng ibang mga cancer, mas tumataas ang pagkakataong magkaroon ng leukemia habang tumatanda ang isang tao.
Paano Nagkakaroon ng Leukemia?
Ang dugo ay may tatlong uri ng blood cells: ang red blood cells (RBC) na nagdadala ng oxygen sa buong katawan, ang white blood cells (WBC) na lumalaban sa impeksyon, at ang platelets na tumutulong sa pamumuo ng dugo (blood clotting) na pumipigil sa sobrang pagdudugo kapag may sugat.
Gumagawa ang katawan natin ng tamang bilang ng blood cells araw-araw, kung saan ang karamihan ay red blood cells. Kapag higit na sa pangangailangan ng katawan ang dami ng white blood cells, ang ibig sabihin nito ay may problema sa sistema ng katawan na maaaring lumalala at maging leukemia. Abnormal ang sobrang white blood cells na ito at hindi na lumalaban sa impeksyon. At dahil sa mababang bilang ng red blood cells, hindi na rin ito nakakapagdala ng oxygen sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, kaya mas lalong mahirap para sa katawan ang lumaban sa sakit.
Mga Sanhi at Risk Factors
Sa mundo ng medisina, hindi pa rin malinaw kung ano ang eksaktong leukemia causes. Sa ngayon, walang tiyak na kaalaman tungkol sa mga sanhi nito. Ayon sa ilang pag-aaral, wala pang siguradong paraan o uri ng pamumuhay na masasabing makakatulong sa pag-iwas sa sakit na ito. Kasalukuyang patuloy ang ginagawang research para dito.
Bagama’t wala itong mga tiyak na sanhi, maaari pa rin nating obserbahan ang mga risk factors na maaaring makapagdulot ng leukemia:
- Family history - Kapag may ibang miyembro ng pamilya na nagkaroon na ng leukemia;
- Paninigarilyo;
- Mga sakit na genetiko, katulad ng Down Syndrome;
- Ang pagkakaroon ng anomalya sa dugo, katulad ng myelodysplastic syndrome, na kilala din bilang “pre-leukemia”;
- Ang pagka-exposeng katawan sa radiation treatment at chemotherapy, o sa iba pang matataas na antas ng radiation; at
- Ang pagka-expose ng katawan sa kemikal na benzene.
Mga Uri ng Leukemia
Maraming uri ng leukemia, at iba-iba ang mga katangian ng bawat isa. Iba-iba rin ang pangangatawan ng tao, at makakabuti sa lahat – sa pasyente man o sa taga-alaga – na pag-aralan nang mabuti ang mga uri at classification ng leukemia.
Ang cancer sa dugo ay hinihiwalay sa apat na uri, batay sa kung ito ay acute o chronic. Ang acute ay ang mabilis na paglago ng cancer, lalo na kung hindi ito nabibigayan ng pansin at tamang kagamutan. Sa ganitong pagkakataon, ang pasyente ay binibigyan kaagad ng agresibong kagamutan pagkatapos nito ma-diagnose.
Ang sinasabing chronic naman ay mabagal ang epekto sa katawan, at hindi kaagad nakikita ang signs and symptoms of leukemia na kahit ilang taon na itong nananatili sa katawan. Ito ay madalas napapansin na lang kapag lumalaki na ang lymph nodes ng pasyente o kung mayroon nang kapansin-pansin na sintomas.
Bukod sa pagiging acute o chronic, batay din ito sa uri ng cells na apektado, kung ito ba ay myeloid cell o lymphoid cell. Ang apat na pangunahing uri ng leukemia ay ang sumusunod:
- Acute Myeloid Leukemia (AML)
Parehong bata at matanda ay maaaring magkaroon ng AML, na kilala rin sa pangalang acute myelogenous leukemia. Ito ang pinaka-common na uri ng leukemia at ang pinakamabilis lumago. Ang bone marrow ay palagiang gumagawa ng tinatawag na “blasts,” o cells na hindi pa ganap o matured. Sa normal na sistema, ang mga blasts na ito ay nagiging white blood cells. Ngunit sa AML, hindi nagma-mature ang blasts at hindi sila nakakalaban sa impeksyon. Sa AML, maaari ring gumawa ang bone marrow ng abnormal na red blood cells at platelets. Habang dumadami ang abnormal cells na ito, sinasapawan nila ang mga normal na cells na kailangan ng katawan upang mapanatili ang wastong kalusugan.
Image by Pexels
- Acute Lymphoblastic Leukemia (ALL)
Kilala rin bilang acute lymphocytic leukemia, ang ALL ay tinatawag na “childhood leukemia” dahil mas madalas itong makita sa mga bata at teenager. Ito ay nagreresulta kapag naiipon ang abnormal na white blood cells sa bone marrow. Mabilis napapalitan ang healthy cells ng white blood cells na hindi nagde-develop nang wasto. Ang mga leukemia cells na ito ay nadadala sa bloodstream papunta sa ibang organs at tissues ng katawan kung saan patuloy silang humihiwalay at lumalago.
- Chronic Myeloid Leukemia (CML)
Ang CML ay kilala rin bilang chronic myelogenous leukemia. Nag-uumpisa ito sa cells sa loob ng bone marrow na responsable sa paggawa ng dugo. Kumakalat ito sa dugo, at pagkalipas ng panahon ay kumakalat na rin sa ibang bahagi ng katawan. Ang pagkakaiba ng CML sa ibang uri ng leukemia ay ang pag-uugnay nito sa isang abnormal na chromosome na tinatawag na Philadephia chromosome o Ph chromosome. Ang chromosome ay bahagi ng isang cell na naglalaman ng mga genes, na siyang nagbibigay ng mga instruction sa cells. Ang Ph chromosome ay isang abnormality kung saan humihiwalay ang isang chromosome at dumidikit sa ibang chromosome. Ang paulit-ulit na proseso na ito ay nagreresulta sa paggawa ng cancer gene.
- Chronic Lymphocytic Leukemia (CLL)
Ang CLL ay isang cancer na mabagal kumalat. Nag-uumpisa ito sa lymphocytes sa loob ng bone marrow at umaabot sa dugo. Maaari rin itong kumalat sa lymph nodes at sa mga bahagi ng katawan katulad ng liver at spleen. Lumalago ito kapag mas dumadami ang abnormal lymphocytes kaysa sa normal na cells, kung saan nahihirapan na ang katawan na lumaban sa impeksyon. Dahil ito ay chronic, maaaring umabot ang CLL ng ilang taon bago ito magkaroon ng mapanganib na sintomas.
Anu-ano ang mga Sintomas ng Leukemia?
Ang mga signs and symptoms of leukemia ay depende sa uri nito. Ang mga common at madaling mapansin na leukemia symptoms ay maaaring ilan sa mga sumusunod:
- Lagnat o panginginig na tumatagal ng ilang araw;
- Labis na pagpapawis, lalo na sa gabi;
- Di-sinasadyang pagbaba ng timbang;
- Sobrang pagod o panghihina na hindi naaalis ng pahinga;
- Madadalas at matitinding impeksyon;
- Pananakit o panlalambot ng buto;
- Hindi masakit na pamamaga ng lymph nodes sa leeg o kili-kili;
- Pamamaga at paglaki ng liver o spleen;
- Madaling pagdudugo;
- Mabilis na pagbubuo ng mga pasa;
- Madalas mag-balinguynguy o nosebleed; at
- Pagkakaroon ng petechiae, o maliliit at mapulang pantal sa balat.
Ang leukemia ay maaaring kumalat sa ibang bahagi ng katawan, katulad ng baga, puso, bato, testes, at gastrointestinal tract. Ang ibang mga sintomas ay batay sa bahagi ng katawan na naapektuhan. Kapag umabot na ang cancer cells sa central nervous system, halimbawa, maaaring maging sanhi ito ng pagkahilo, pagduduwal, masakit na ulo, pagkawala ng muscle control, at iba pang mga sumpong sa katawan.
Ano ang Treatment para sa Leukemia?
Komplikado ang leukemia treatment. Depende ito sa uri ng leukemia, sa edad, at buong kalusugan ng pasyente. Ngunit mayroong ilang strategy ng kagamutan na maaaring gamitin sa sakit na ito. Ang espesyalistang tumitingin at nagrerekomenda ng mga kagamutang ito ay ang tinatawag na hematologist-oncologist.
Image by Pixabay
Mga pangkaraniwang leukemia treatment ay ang mga sumusunod:
- Chemotherapy – Ito ang pinakakilalang uri ng treatment para sa leukemia. Gumagamit ito ng mga chemical para labanan ang leukemia cells. Binibigay ito sa pasyente sa pamamagitan ng tableta o diretsong iniksyon sa ugat.
- Biological therapy – Ito ay mga therapy at kagamutang tumutulong sa immune system na kumilala at lumaban sa leukemia cells.
- Targeted therapy – Ito ay gumagamit ng mga gamot na umaatake sa espesipikong kahinaan ng cancer cells upang supilin ang sakit.
- Radiation therapy – Gumagamit ito ng high-energy radiation upang sirain ang leukemia cells at pigilan ang paglago nito. Sa treatment na ito, pinahihiga ang pasyente sa isang makina kung saan dinidirekta ang radiation sa mga apektadong bahagi ng katawan.
- Stem cell transplant – Ang pamamaraan na ito ay ginagamit upang palitan ang may sakit na bone marrow ng malusog na bone marrow. Bago ito gawin, binibigyan muna ang pasyente ng matataas na dosis ng chemotherapy o radiation therapy upang sirain nang tuluyan ang may sakit na bone marrow. Pagkatapos ay makakatanggap ang katawan ng mga stem cells na nagbubuo muli ng dugo at bagong bone marrow. Maaaring magmula ang stem cells sa isang donor o sa sariling katawan.
Katulad ng lahat ng cancer, ang pinakamainam pa rin na paraan sa pag-iwas sa leukemia ay ang pagsusuri ng ating mga lifestyle choices:
- Tumigil sa paninigarilyo, dahil ito ay nauugnay sa maraming uri ng cancer;
- Kumain ng healthy diet araw-araw na sagana sa gulay at prutas, at umiwas sa processed meats;
- Panatiliing wasto ang timbang at maging aktibo;
- Mag-practice ng safe sex at huwag gumamit ng hiram na syringe o needles, dahil maaaring sanhi ito ng leukemia virus; at
- Dahil wala pa ring tiyak na kaalaman sa pag-iwas ng leukemia sa mga bata, mainam na mag-schedule ng regular check-ups sa doktor, lalong lalo na kung may napapansin na sintomas.
Bagama’t seryoso at mapangamba ang sakit na ito, tandaan na iba-iba ang epekto nito sa bawat tao. Sa pamamagitan ng maagang pagtuklas at wastong kagamutan, maaari pa ring gumaling mula sa sakit na ito. Ang mga pagsulong sa medical science ay nakapagbibigay ng pag-asa at positibong outlook sa lahat ng apektado ng leukemia.
Sources:
http://www.pchrd.dost.gov.ph/index.php/news/library-health-news/3371-leukemia
https://www.medicalnewstoday.com/articles/142595.php
https://www.webmd.com/cancer/lymphoma/understanding-leukemia-basics#1
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/leukemia/symptoms-causes/syc-20374373
https://www.webmd.com/cancer/lymphoma/understanding-leukemia-symptoms
https://www.cancer.org/cancer/acute-myeloid-leukemia/causes-risks-prevention/risk-factors.html
https://www.cancercenter.com
https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/adult-health/in-depth/cancer-prevention/art-20044816