Photo from Pixabay
Bawat taon, ang ating bansa ay nakakaranas ng bagyo at masamang panahon. Hindi maiiwasan ang pagbabaha sa maraming lugar at ang paglusong dito ng maraming tao. Lingid sa kaalaman ng ilan, ang simpleng lusong sa baha ay maaaring magdulot ng malulubhang karamdaman. Isa na dito ang leptospirosis.
Ang leptospirosis ay nakukuha kapag kumapit sa balat o makapasok sa katawan ang Leptospira bacteria, na nahahanap sa ihi ng daga at iba pang hayop. Nagdudulot ito ng mataas na lagnat, sakit ng ulo, pagkahilo, panginginig, at pag-ubo. Nakamamatay ang leptospirosis kung hindi ito agarang maaagapan, kaya dapat gawin ang sumusunod sa unang senyales ng sakit.
Magpa-test agad sa iyong doktor
Karamihan sa mga sintomas ng leptospirosis ay katulad ng sa ibang sakit, gaya ng trangkaso at ang panimulang yugto ng dengue. Kailangang matiyak na ikaw ay may leptospirosis bago mabigyan ng angkop na gamot. Kukuha ang doktor ng sample ng iyong ihi, dugo, at cerebrospinal fluid o likido na dumadaloy sa gulugod upang makita kung ikaw ay may Leptospira bacteria sa katawan.
Magpareseta ng antibiotics
Nakabuo ang mga eksperto ng iba’t-ibang uri ng antibiotic para labanan ang leptospirosis. Base sa mga test, ikaw ay maaaring bigyan ng doktor ng doxycycline, ampicillin, ceftriaxone, azithromycin, at penicillin. Ang ibang pasyente, kung minsan, ay nangangailangan ng karagdagang gamot bukod sa mga nabanggit.
Ang mga pasyenteng mayroong malubhang kaso ng leptospirosis ay karaniwang dinadala sa intensive care unit, kung saan sila ay binibigyan ng supportive care.
Dapat sundin nang maigi ang pag-inom ng rinesetang antibiotic. Kapag ito ay itinigil sa hindi wastong panahon, maaaring maging resistant ang bacteria sa gamot at mawalan ito ng bisa.
Maghanda ng Paracetamol at Ibuprofen
Photo from Pixabay
Dalawa sa pangunahing sintomas ng leptospirosis ang mataas na lagnat at matinding pananakit ng ulo. Sa unang senyales ng mga nasabing sintomas, maaaring uminom ng paracetamol o ibuprofen upang hindi lumala ang mga ito. Walang nararamdamang sintomas sa ibang kaso ng karamdaman, ngunit mabuti nang maging handa kung sakaling lumitaw ang mga ito.
Magpatingin sa ospital na mayroong kumpletong kagamitan
Hindi lahat ng ospital at klinika ay mayroong wastong kagamitan at gamot para sa leptospirosis. Ang malulubhang kaso ay maaring mangailangan ng dialysis at mechanical ventilator, lalo na kung ang sakit ay nagdulot ng pinsala sa organs ng katawan. Tawagan agad ang pinakamalalapit na ospital upang malaman kung mayroon silang kakayahan gamutin ang sakit at ang mga komplikasyon nito.
Pag-iwas sa Leptospirosis
Photo from Pixabay
Delikado ang leptospirosis kung hindi ito agarang maaagapan, kaya mabuting alamin kung paano ito maiiwasan. Umiwas sa tubig-baha dahil maaaring may laman itong Leptospira bacteria. Kung binabaha ang iyong lugar, magsuot ng bota, gwantes, pantalon, at iba pang bagay na magbibigay-proteksyon sa iyong balat. Takpan lahat ng sugat ng waterproof dressing dahil ang mga ito ay magsisilbing pasukan ng bacteria.
Kung galing sa baha, maligo agad at gumamit ng anti-bacterial soap upang mapuksa ang mga mikrobyo. Kung nakahawak ka naman ng bagay na may ihi ng daga o alagang hayop, maghugas agad ng kamay. Hugasan din nang maigi ang mga delata bago ito buksan. Maaaring naihian ang mga ito ng daga habang nasa loob ng supermarket o pabrika.
Hindi pa nakakagawa ng bakuna laban sa leptospirosis kaya tayo ay dapat maging maingat. Kung sakaling ikaw ay makaramdam ng sintomas ng sakit, magpakonsulta agad sa iyong doktor. Ang mabilis na aksyon laban sa karamdaman ay susi sa pag-iwas sa mga komplikasyon nito.