Mga Dapat Gawin Pagkatapos Lumusong sa Baha

August 17, 2018

Sa pagsisimula ng tag-ulan, talamak na naman uli ang pagkakaroon ng baha sa iba’t ibang lugar, lalo na sa areas na malalapit sa ilog, palaisdaan, at iba pang anyong-tubig. Nangyayari rin ito sa mga daanan na mayroong problema sa drainage system, kaya naman kung minsan, kaunting ulan pa lang ay nagbabaha na.

 

Ang pagbabaha ay resulta ng maraming bagay. Maaaring flood-prone ang kinaroroonan ninyo kung mababa ang lokasyon nito. Nangyayari rin ito dahil sa kakulangan ng mga puno at halaman sa paligid na sana ay sisipsip ng mga tubig sa daan. Posible rin na bunga ito ng kawalang-disiplina sa pagtatapon ng basura kung saan-saan kaya nababarahan ang daluyan sana ng tubig. Anuman ang dahilan ng pagbaha, kailangang maging maingat lalo na kung exposed ang iyong balat habang lumulusong dito.

 

Ang mga bata ay hindi naaawat sa paglalaro sa labas kahit malakas ang ulan at kahit marumi ang baha. Kahit anong edad pa iyan, kung wala na talagang pwedeng daanan, hindi maaaring hindi lulusong sa flood.

 

Mga Sakit na Nakukuha sa Flood Waters

 

Mula sa Department of Health o DOH, may apat na health conditions na dapat tandaan at iwasan tuwing panahon ng tag-ulan, lalo na kung nagkaroon ng pagkakataon na sumugod ka sa tubig-baha. Ang mga ito ay kilala sa acronym na WILD o Waterborne diseases, Influenza, Leptospirosis, at Dengue. Bago tayo pumunta sa mga dapat gawin matapos lumusong, aralin muna natin saglit kung anu-ano ba ang mga sakit na pwede nating makuha sa baha:

 

  • Waterborne diseases – Mula sa pangalan, nanggagaling o nagsisimula ang mga sakit na ito sa pagkaka-expose sa kontaminado o maduming tubig gaya ng baha. Kasama rito ang diarrhea at cholera. Kapag tuloy-tuloy ang ulan, mataas ang chance na ang hindi maayos na sanitation ng tubig ay makaapekto sa malilinis na drinking water sources din.

 

  • Influenza – Mas kilala sa tawag o kondisyon na flu, ang influenza ay bitbit ng isang virus na nagsasanhi ng lagnat o trangkaso na may kasamang sipon at lagnat. Dahil mas active ang virus na ito kapag tag-ulan, mataas ang risk na maraming madapuan ng influenza.

 

undefined

Photo from Unsplash

  • Leptospirosis – Isa ito sa mga kinatatakutang sakit na nakukuha sa flood waters. Hindi gaya ng pagkakaalam ng karamihan, hindi lamang sa ihi o dumi ng daga na pumapasok sa mga sugat ng katawan nakukuha ang sakit na ito. Basta dumi ng kahit anong hayop, pwede itong maging sanhi ng pagkakaroon ng leptospirosis.

 

  • Dengue – Ito ay isang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na Aedes aegypti, ang carrier ng virus. Madalas nagkakaroon ng dengue outbreak kapag panahon ng tag-ulan dahil nabubulabog ang tirahan ng mga lamok. Madalas, bata ang tinatamaan ng ganitong kondisyon dahil sa pagiging exposed nila sa damuhan, mga mamasa-masang paligid, naiipong tubig o stagnant water, at iba pang mga sanhi.

 

Paano makakaiwas sa health conditions na mga ito kapag may flood?

 

Para masigurado na ikaw at ang iyong mga anak ay ligtas sa posibleng peligro dala ng paglusong sa tubig baha, narito ang ilang tips na pwede mong obserbahan at gawin bago sumabak muli sa maduming tubig:

 

  1. I-check ang balat

 

Mas madaling pasukan ng virus at bacteria ang katawan kung may bahagi ito na may sugat. Nagkakaroon ng daanan ang virus mula sa tubig-baha papunta sa bloodstream. Sa ganitong paraan nakukuha ang leptospirosis. Matapos lumusong, siguraduhin na walang nasugatan habang naglalakad sa baha.

 

  1. Maghugas nang mabuti

 

Sikaping hugasan nang mabuti ang mga parte ng katawan na nailubog sa flood. Bukod sa tubig, gumamit ng anti-bacterial soap at alcohol para walang maiwan na germs sa balat. Magpalit din agad ng damit at huwag isama ang pinanlusong na kasuotan sa normal na lalagyan ninyo ng labada. Kung maaari ay labhan na rin ito agad nang nakahiwalay sa ibang laundry o huwag na uling gamitin.

 

  1. Maghanda ng emergency bag

undefined

 

Photo from Pixabay

 

Marahil ay kailangan ninyo pa ring lumusong sa baha para makalikas. Mainam na bago pa uli bumalik sa paglusong, magdala ng emergency bag na naglalaman ng first aid items gaya ng bandage, alcohol, gauze, sterilized na cotton balls, lubid, flashlight, mga gamot para sa sakit ng ulo, pagtatae, pagsusuka, at iba pa. Makakatulong din kung magsusuot muna ng bota at kapote para makaiwas sa direct exposure ng balat sa flood waters.

 

  1. Uminom ng vitamins

 

Bago pa man lumusong, siguraduhing nakainom ng multivitamins na kailangan ng katawan para maging malakas, malusog, at malayo sa sakit kahit panahon ng tag-ulan. Sa mga bata, kasama dito ang ascorbic acid para sa tumatag ang immune system at resistensya at zinc para sa dobleng-proteksyon laban sa sakit. Para naman sa adults, Vitamin C din ang nirerekomenda na inumin matapos lumusong.

 

  1. Magpatingin sa doktor.

 

Kung hindi na kailangan sumuong sa baha at tapos na ang kalamidad, mas makabubuti kung bibisita sa iyong doktor para makapagpa-check up, lalo na kung ikaw o ang iyong mga anak ay nakakaranas ng kahit ilan lang sa mga sintomas ng mga sakit na nabanggit sa taas. Hindi man seryoso o malala ang nararamdamang sakit, mainam na rin na maging segurista.

 

Bago pa man sana dumating ang mga bagyo sa bansa ay gumawa na ng mga hakbang tungo sa flood prevention gaya ng reforestation o pagtatanim, pakikipag-partner at lahok sa initiative ng gobyerno tungo sa mas malinis na kapaligiran, at pag-aalis ng mga bagay na maaaring pagmulan ng mga sakit.

 

Bilang pamilya, ipinapayo rin na mapag-usapan ang mga gagawin sa oras na dumating ang ganitong sakuna. Pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng isa’t isa kahit walang peligro na nagbabadya. Maging alerto sa lahat ng oras at bantayan pa rin ang overall health kahit kinakailangan talagang lumusong sa baha.

 

Sources:

https://rmn.ph/doh-nagpaalala-sa-mga-posibleng-sakit-na-makuha-sa-ulan-at-baha/

http://newsinfo.inquirer.net/910699/doh-rainy-season-advisory-dont-go-wild

browse more articles: