Ano ang Leptospirosis at Nakakahawa Ba Ito?

September 11, 2018

Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na nakakaapekto sa parehong tao at hayop. Dinadala ito sa ihi ng mga apektadong hayop, at kumakalat at nananatili sa tubig at lupa sa paligid-ligid.

 

Ang isang tao ay maaaring mahawaan ng impeksyon na ito kapag siya ay nagkaroon ng direct contact sa ihi ng apektadong hayop, o sa kapaligirang mayroong infected na ihi. Madalas itong makita sa mga binabahang lugar, dahil nananatili ang bacteria sa maruruming tubig. Ang mga pangkaraniwang hayop na nagdadala ng impeksyon ay ang mga daga at mga asong kalye na umiihi kung saan-saan sa paligid. Ang kakulangan ng wastong sanitary waste disposal sa mga siyudad at pagdami ng mga daga at asong kalye sa lansangan ay malalaking mga sanhi ng problemang ito.

 

Ang leptospirosis ay mas common sa mga tropikal na bansa katulad ng Pilipinas, dahil sa taas at dalas ng mga baha sa mga lugar na ito. Ayon sa estimate ng World Health Organization (WHO), may 10 sa bawat 100,000 na tao ang naaapektuhan nito kada taon.

 

Paano Nagkakaroon ng Leptospirosis?

 

undefined

Image by Pixabay

 

Ang leptospirosis ay naipapasa ng mga apektadong hayop sa tao sa pamamagitan ng mga bitak sa balat, bukas na sugat, o sa mga mucous membranes ng bibig, ilong, at mata. Kapag nagkaka-direct contact ang mga sugat na ito sa tubig o lupa na may infected na ihi, ito’y maaaring maging sanhi ng leptospirosis.

 

Ang tao-sa-tao na pagpapasa ng impeksyon na ito ay bihira. Ngunit kapag ito’y nangyayari, ang malamang na leptospirosis causes ay ang pagtatalik o pagsususo o breastfeeding.

 

Mapanganib ba ang Leptospirosis?

 

Bagama’t hindi magaan ang mga sintomas nito, kadalasan ay hindi naman ito mapanganib.

 

Ngunit mayroon itong malubhang uri na kung saan pabalik-balik ang sintomas. Pagkatapos gumaling ng pasyente ay nagkakasakit ulit. Ang tawag dito ay Weil’s disease, na nagiging sanhi ng chest pain at pamamaga ng mga biyas. Ang uri na ito ay nakakamamatay kapag hindi nabigyan ng wastong atensyon.

 

Leptospirosis Symptoms

 

Ang mga signs of leptospirosis ay maaaring magpakita sa loob ng dalawang linggo mula

sa araw ng pagka-expose ng isang tao sa impeksyon. Ang incubation period nito ay maaaring umabot ng isang buwan.

 

Ang mga mild leptospirosis symptoms in humans ay ang mga sumusunod:

 

  • Lagnat (na maaaring tumaas hanggang 40 degrees Celcius)
  • Panginginig
  • Pag-ubo
  • Pagsusuka
  • Diarrhea
  • Muscle pain
  • Headache
  • Pagpapantal
  • Iritasyon at pamumula ng mga mata
  • Jaundice o paninilaw ng balat

 

Sa malulubhang kaso, lumilitaw ang mga bagong sintomas pagkatapos lumipas ng mild symptoms. Ang mga sintomas nito ay depende sa mga apektadong bahagi ng katawan. Kapag apektado ang puso, atay, o bato, maaaring magkakaroon ng mga karagdagan sintomas katulad ng nosebleed, paguubo ng dugo, pagduduwal, paghingal, seizures, panghihina, at pagkawalang-gana kumain. Dahil hindi kakaiba ang mga sintomas na ito sa ibang mga sakit, mahalaga ang magpa-diagnostic test upang makasiguro kung ang mga ito ay sanhi ng leptospirosis o hindi.

 

Leptospirosis Treatment

 

Ang gamot na binibigay ng mga doktor sa ganitong bacterial infection ay penicillin o doxycycline, ang mga antibiotics na ginagamit sa pag-iwas at paggamot ng leptospirosis. Maaari ring magreseta ang doktor ng ibuprofen para sa lagnat at masakit na kalamnan. Sa tulong ng mga gamot na ito, dapat mawala na ang mga sintomas pagkalipas ng isang linggo.

 

Sa mga malulubhang kaso, maaaring kailangan nang ipasok sa ospital ang may sakit. Ito ay dahil sa ang kalubhaang ito ay maaring magdulot ng kidney failure at ibang komplikasyon.

 

Tips sa Pag-iwas

 

Ang pangunahing paraan ng leptospirosis prevention ay ang pag-aalaga sa sariling kalusugan. Makakatulong dito ang mga sumusunod:

 

  • Huwag uminom ng contaminated water. Hindi ligtas ang tubig na galing sa gripo o sa kahit anong fresh water area. Tuwing may lakad o biyahe, magbaon ng sariling bote ng mineral water o pinakuluan tubig.

 

  • Huwag lumusong sa baha. Lahat ng dumi sa lansangan ay naiipon sa matataas na baha. Kasama dito ang ihing may impeksyon. Iwasang lumapit dito, lalong-lalo na kung mayroong bukas na sugat sa inyong katawan.

 

  • Takpan at protektahan ang mga sugat. Kapag di-maiwasan ang direct contact sa fresh water o baha, siguraduhing may wastong proteksyon ang kahit anumang sugat sa katawan. Maligo nang masinsinan pagkatapos mabasa sa baha o fresh water.

 

  • Gumamit ng disinfectant. Pumapatay ng bacteria ang alcohol, iodine, at mga acid solutions katulad ng lemon juice at suka. Magbaon at gumamit ng mga ito sa paglinis ng mga sugat o mga pansariling gamit.

 

  • Magsuot ng protective clothing. Para sa sewage workers, stranded sa baha, at mga nag-aalaga ng hayop, ugaliing gumamit ng gloves, boots, goggles, at face mask.

 

Karagdagang Tips

 

  • Maghugas ng kamay tuwing hahawak ng mga hayop o maglilinis ng ihi o dumi nito.
  • Kontrolin ang mga peste sa paligid, katulad ng daga.
  • Iwasang humawak ng patay na hayop na walang guwantes.
  • Iwasang humawak sa kahit anong bagay na nabasa sa tubig-baha.
  • Huwag painumin ang inyong mga aso ng tubig na galing sa bangketa, batis, o ilog.
  • Pabakunahan ang inyong mga alagang aso laban sa leptospirosis.
  • Kausapin ang inyong barangay para sa pagsasagawa ngproyektong pagbabakuna sa mga asong kalye laban sa leptospirosis at iba pang sakit.

 

undefined

Image by Unsplash

 

Leptospirosis in Dogs

 

Maaaring magkaroon ng leptospirosis ang isang aso sa pamamagitan ng direct contact ng sugat o mucous membranes nito sa infected na ihi, tubig, lupa, pagkain, o higaan. Maaari ring makuha ito sa kagat ng ibang hayop na may leptospirosis. Bagama’t bihira, maaari din itong maipasa ng inang aso sa kanyang mga tuta sa pamamagitan ng kanyang placenta kung ito ay buntis o nagpapasuso.

 

Pareho ang sintomas ng leptospirosis sa tao at aso. Ipatingin ang inyong alagang aso sa beterinaryo kung ito ay nagpapakita ng ilan sa mga nabanggit na sintomas.

 

Kapag ang inyong alagang aso ay na-diagnose na may leptospirosis, sundin ang mga sumusunod na pag-iingat:

 

  • Painumin ang inyong aso ng antibiotics, ayon sa pagrereseta ng beterinaryo.
  • Tulungan at turuan ang aso na huwag umihi sa di-umaagos na tubig o lugar na madalas puntahan ng ibang hayop o tao.
  • Maghugas ng kamay pagkatapos hawakan ang inyong alagang aso.
  • Para sa inyong sariling proteksyon, huwag hawakan ang ihi ng apektadong aso. Kapag ito ay umihi sa loob ng inyong tahanan, linisin ito kaagad ng disinfectant.

 

Naiiwasan ang leptospirosis, kaya’t habang tayo ay nag-iingat tuwing panahon ng bagyo at baha, walang dapat ikabahala. Dapat lamang ay maging responsible ang lahat sa pag-aalaga ng kapaligiran at ng mga alagang hayop, nang sa ganoon ay ligtas ang buong komunidad sa mga nakakahawang sakit.

 

 

 

Sources:

 

https://www.webmd.com/a-to-z-guides/what-is-leptospirosis#1

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC1116321/

https://www.medicalnewstoday.com/articles/246829.php

https://www.avma.org/public/PetCare/Pages/Leptospirosis.aspx