Kilalanin ang Lactose Intolerance
Ang lactose intolerance ay isang kondisyon kung saan ang bituka ay walang abilidad na tunawin ang lactose. Ang lactose ay ang asukal na galing sa gatas at mga produktong dairy. Kapag ang lactose ay nasa large intestine na ng taong lactose-intolerant at hindi ito nagigiling ng tama ay maaaring maging sanhi ng pananakit ng tyan, pagkakaroon ng gas at iba pang hindi komportableng pakiramdam. Ang lactose intolerance ay nangyayari kapag ang small intestine ay hindi nakagagawa ng tamang dami ng enzymes na tinatawag na lactase. Kailangan ng katawan ang lactase para ma-break down ang lactose. May mga pagkakataong tumitigil ang small intestine sa paggawa ng lactase pagkatapos ng magkaroon ng sakit gaya ng stomach flu o di kaya'y cystic fibrosis.
Ang lactose intolerance ay karaniwan sa mga nakatatanda. Ayon sa pag-aaral, nasa kalahati ng populasyon sa Pilipinas ay lactose-intolerant. Kalimitan ay umiikot ang kondisyon na ito sa pamilya. Kung isa sa mga magulang ay lactose-intolerant, may 60% na ang anak may magkaroon din ng lactose intolerance. Kapag naman ang nanay at tatay ay parehas na mayroon nito, siguradong magkakaroon din ang anak.
Ang pagiging lactose-intolerant ay iba sa pagkakaroon ng allergy sa gatas. Ang protina sa gatas ang problema sa allergy sa gatas, samantalang asukal na lactose naman sa lactose intolerance. Magkaiba rin ang sintomas nila. Kung ang taong may lactose intolerance ay maaring makaranas ng pagtatae at pananakit ng tiyan, ang taong may allergy naman ay maaaring makaranas ng pamumula ng balat o di kaya’y problema sa paghinga.
Sintomas ng Lactose Intolerance
Ang mga sintomas ng lactose intolerance ay nagsisimula 30 minuto hanggang dalawang oras matapos uminom o kumain ng produktong may gatas. Depende sa dami ng lactose na nakainom o nakain kung gaano kalala ang mga sintomas na lalabas. Ang mga sumusunod ay ang ilan sa mga sintomas na maaaring maranasan ng taong lactose-intolerant:
1. Pagtatae
2. Pagkahilo
3. Paminsan-minsan na pagsusuka
4. Pananakit o paghilab ng tiyan.
5. Pamamaga ng tiyan o bloating.
6. Pagkakaroon ng kabag
Tests Para Malaman Kung Positibo Sa Lactose Intolerance
-
Lactose Intolerance test – Ito ay isang pagsusuri na sumusukat sa reaksyon ng katawan sa likido na mayroong mataas na antas ng lactose. Ito ay ginagawa dalawang oras pagkatapos inumin ang likido.
-
Hydrogen breath test – Sa eksamin na ito, sinusukat ng doktor ang dami ng hydrogen sa hininga pagkatapos uminom ng likido na mayroong mataas na antas ng lactose. Kapag ang katawan ng tao ay hindi kayang tumunaw ng lactose, ito ay dumadaan sa fermentation sa bituka at nagpapakawala ng hydrogen at ibang hangin sa bituka na paglaon ay maihihinga palabas.
-
Stool acidity test – Para sa mga sanggol at mga bata na hindi maaaring dumaan sa ibang mga eksaminasyon, ang stool acidity test ang ginagamit. Ang pag-ferment ng hindi natunaw na lactose ay lumilikha ng lactic acid at ibang mga asido na maaaring makita sa dumi ng bata.
Gamot Para sa Lactose Intolerance
Walang gamot para sa mga taong lactose-intolerant ngunit maaari nilang makontrol ang kondisyon sa pamamagitan ng pagbawas o pag-iwas sa mga produktong may gatas.
Ibang Pagkaing Mayaman sa Calcium
Kailangan ng kahit sino ang calcium kung kaya't isang malaking hamon para sa mga mayroong lactose intolerance ang hindi pagkain o pag-inom ng mga pagkain may gatas. Ang gatas ay mayaman sa calcium na sya namang kailangan ng buto. Bukod sa gatas, may iba pang pagkain ang mayaman sa calcium gaya na lamang ng mga gulay na berde at madahon, salmon at tokwa. Makakatulong din ang pag-inom ng mga supplements at vitamins na mabibili sa botika.
Sources:
- http://www.philstar.com/science-and-technology/129994/one-two-pinoys-suffer-lactose-intolerance
- http://www.webmd.com/digestive-disorders/tc/lactose-intolerance-topic-overview#2
- http://www.nhs.uk/Conditions/lactose-intolerance/Pages/Introduction.aspx
- http://kalusugan.ph/lactose-intolerance-bakit-ito-nararanasan/
- http://health.wikipilipinas.org/index.php/Lactose_intoleranc