Tips Para Mapakain ng Gulay at Prutas Ang Mga Bata | RiteMED

Tips Para Mapakain ng Gulay at Prutas Ang Mga Bata

July 20, 2017

Tips Para Mapakain ng Gulay at Prutas Ang Mga Bata

Photo from The Filipino Doctor

Nahihirapan ka bang pakainin ang iyong anak ng prutas at gulay? Pihikan ba sila at ayaw kumain ng prutas at gulay? Pangkaraniwang problema ng mga magulang ang pagiging mapili ng mga bata sa pagkain, lalo na ang pag-ayaw sa pagkain ng prutas at gulay.

Para sa mga magulang, importante mapakain ng prutas at gulay ang mga chikiting para masigurong malusog ang kanilang pangangatawan. Tungkulin nilang siguruhing healthy ang kinakain ng buong pamilya. Sila din ang susi para matutong kumain ng prutas at gulay ang mga anak. Basahin ang ilang mungkahing makakatulong para sila ay mapakain ng prutas at gulay:

  1. Maging malikhain – Mag-isip ng gawain, haluan ng konting laro, saya o lagyan ito ng twist para hindi nila mamalayang kumakain na sila ng prutas at gulay. Narito ang ilang halimbawa ng activities na maari subukan:

    • Alamin ang kanilang paboritong prutas at gulay. Mangolekta ng recipe nito or mag-schedule ng session para gumawa ng DIY menu or cookbook ng kanilang paboritong prutas at gulay.

    • Magsimula ng “Go Green” project. Hayaan silang magtanim ng paboritong prutas at gulay at magkaroon ng sarili nilang garden. Kapag kasali sila mula sa pagtatanim, pagpapalago, paghahanda o pagluluto ng prutas at gulay, mas maeengganyo silang kainin ito.

  2. Maging maparaan – Ika nga nila gamitin ang pagiging magulang sa mabuting paraan para mapakain ang mga bata ng prutas at gulay. Gamitan ng tricks ang pagluto ng ulam na gulay at prutas

    • Ihalo ang prutas at gulay na hindi nila kinakain sa kanilang paboritong dessert o ulam. Halimbawa, kung mansanas lamang ang prutas na kinakain ng iyong anak subukang hiwain ang mansanas at peras at paghaluin. Mas magiging komportable sila sa pagkain ng bagong prutas at gulay kapag kahalo ng kanilang paborito.

    • Kung nasubukan mong ihalo, subukan mo ring itago. Hindi ito the best na paraan pero marami na ang nagtagumpay dito. Hiwain ng maliliit ang prutas o gulay para hindi visible sa mapanuring mata ng iyong mga anak. Madaling itago sa hamburger, lumpiang shanghai o omellete ang gulay. Kapag nakita mong nagustuhan nila ang nilutong ulam, sabihin na gulay ang sangkap at tanungin, “Ang sarap ng gulay di ba?”

    • Maghanap ng kasabwat o gamitan ng peer pressure. Base sa pag-aaral, ang mga kaibigan o kalaro ng mga bata ay malaking impluwensiya sa pinipili nilang pagkain. Alamin kung sino sa kanilang malapit na kaibigan o kalaro ang kumakain ng prutas at gulay, imbitahin mong mag-lunch o mag-dinner sa bahay. Mag-serve ng prutas at gulay na hindi kinakain ng iyong anak. Habang nagla-lunch or dinner, ialok ng ialok sa kaibigan o kalaro ang inihandang pagkain para kumain din ang iyong anak. Mag-arrange ng playdate o mag-organize ng picnic, imbitahan ang kanilang mga kalaro o kaibigan at maghanda ng prutas at gulay. Mas madalas mangyari na kakain ang anak mo nang kung ano ang kinakain ng kanyang mga kaibigan o kalaro.

    • Tamang timing. Mainam na ialok ang prutas o gulay tuwing sila ay nagugutom o naghahanap ng pagkain.

 

undefined

 

Photo from Happy Herbivore

 

  1. Maging handa sa lahat ng oras – Gawing abot-kamay ang prutas at gulay.

  • Maglagay ng sariwang prutas sa lugar na naaabot at nakikita ng mga bata

  • Maglagay ng bag ng chopped fruit sa loob ng ref, gawin itong healthy snack

  • Maglagay ng hiwa-hiwang gulay katulad ng carrots sticks, pipino o broccoli

  • Sa bawat mealtime, magluto ng ulam na gulay at prutas para sa dessert. Subukan ding gawing juice, shake o smoothie ang prutas at gulay

  • Maglagay ng  chopped fruit sa baunan ng anak, gawin itong sorpresa

  • Mahilig ang mga bata sa frozen foods, subukang mag-freeze ng strawberry, anumang in season na berries o orange

  1. Maging isang huwaran – Ang pagiging mabuting halimbawa sa iyong mga anak pagdating sa kalusugan ay makatutulong para magsimula silang kumain ng prutas at gulay. Ugaliin ang pagiging healthy, gawin itong “family thing”. Hindi mo ring kailangang maging vegetarian para lamang mapasunod sila, simulan sa mga simpleng bagay katulad ng pag-iwas sa  junk food. Imbes na chichiria, mag-snack ng prutas. Ipakita mo ang kasiyahan sa pagkain ng prutas at gulay, Ipaalam sa iyong mga anak ang benepisyo ng pagkain ng wasto sa pamamagitan ng pagkain ng gulay at prutas.

Tandaan, sa pagkain ng gulay at prutas, hindi lamang ang mga bata ang makikinabang kundi pati na rin ang sarili at ang iyong kalusugan.

 

References:



What do you think of this article?