Pag-aalaga sa Mental Health ng mga Bata sa Panahon ng Pandemya

October 27, 2020

Ngayong nasa gitna pa rin ng lockdown ang Metro Manila dahil sa pandemya, at hindi pa matanaw ang nalalapit nitong pagtatapos, marami sa atin ang nakararanas na ng pagkabagot, kalungkutan, at panghihina dahil sa pagkatigil ng kinasanayan nating buhay. Ang pinaka-prone sa problemang ito, maliban sa ating matatanda, ay ang mga bata.

Kabilang kasi ang mga menor-de-edad sa mga maigting na pinagbabawalang lumabas at gumala ngayong panahon ng pandemya. Dahil dito, marami sa ating kabataan ang nakararanas ng malaking pagbabago sa nakasanayan nilang environment na ginagalawan.

 

Epekto sa kalusugan at social-emotional development

Sa usapin ng health, dapat nating tandaan na marami itong saklaw.

Dahil may ilang paraan naman ng pag-eehersisyo sa loob ng tahanan o sa bakuran upang makondisyon ang pangangatawan o ang physical health ng isang indibidwal, mas madali itong matutuunan ng pansin at matugunan.

Ang mental health during pandemic ang isa sa marapat na bantayan ng bawat miyembro ng pamilya. Dahil sa matagal na pagkakakulong ng marami sa atin sa loob ng kani-kanilang tahanan at kawalan ng aktibidad na naglalayong makapagpalusog, humihina ang resistensya ng marami laban sa iba’t ibang uri ng sakit—pisikal man o mental.

Marami sa mga pamilyang Pilipino, malaking bilang dito ay mga bata, ang lubhang apektado ng transisyon na hinihingi ng panahon. Kung dati pa man ay labis na ang pag-aalala ng mga magulang sa pagkatuto ng kanilang mga anak at sa development ng mga ito bilang mga tao.

Dahil sa coronavirus, kinakailangan nilang mag-aral at lumikha ng koneksyon nang malayo sa isa’t isa. May epekto ba ito sa kanilang social-emotional development?

Ang sagot ay oo.

Wala mang nag-iisang “tamang” paraan ng edukasyon na garantisadong makapagbibigay ng ligaya, kapanatagan, at tamang pagkatuto na sinasalamin ng kanilang academic performance, wala ring eksaktong uri ng edukasyon na gagarantisa na hindi sila mababagot o malulungkot.

Sa katunayan, higit sa relasyong nililikha ng mga mag-aaral kasama ang kanilang mga kaibigan at iba pang kaeskuwela, mas importanteng pagtuunan ng pansin ang kanilang emotional health na malaki ang inaangkla sa kanilang relasyon sa kanilang pamilya.

Ayon sa ilang pag-aaral, malaki man ang benepisyo sa mental health ng mga bata ang pakikisalimuha sa ibang kaedaran nila, hindi malinaw kung ang group setting na ito ay talagang kinakailangan upang makamit ang isang positibong resulta.

Sa iba ngang pag-aaral ng mga eksperto bago ang pandemya na ito, hindi hamak na mas malaki ang pagitan ng academic success ng mga batang nasa home-school kumpara ng mga mag-aaral na nasa tradisyonal na set-up ng pagkatuto o nasa school. Lalo na raw kapag ang pamilya ng nasa home-school ay may sandigan na pananampalataya o mabuting komunidad.

Gayunman, may ilang pag-aaral din na nagsasabing walang pinagkaiba sa pagkatuto ang mga nasa home-school at nasa tradisyonal na set-up. Pero dapat ikonsidera na sa mga pag-aaral na ito, binigyan din ng pansin ang estruktura ng pamilya kung saan sinasabing ilan sa kanila ay may hindi open at hindi maayos ang relasyon sa isa’t isa.

Dahil home-schooled ang halos lahat ng mag-aaral ngayong panahon ng pandemya, mababago ang interaksyon ng mga bata sa klase at sa tahanan dahil halos iisang environment na lang ang dalawa. Pero kahit ganoon, may ilang mga bagay na dapat nasa mental health tool kit ng mga bata ano mang klase ng edukasyon ang mga ito naroroon. Ang mabuting balita, kaya itong ibigay ng mga magulang para maiwasan ang tumataas na kaso ng mental health problems kung maglalaan ng tamang dedikasyon.

 

  1. Alamin ang Pangangailangan ng mga Bata

Dahil sandigan ng mental health at physical health ang isa’t isa para sa mabuting kabuoang kalusugan. Dapat masiguro ng mga magulang na kumakain nang wasto ang kanilang mga anak. Nakakuha rin ang mga ito ng sapat na tulog. Importanteng maging routine ito na tipong pare-parehong oras ng pagkain, pagtulog, at paggising sa araw-araw para masanay ang kanilang katawan sa ganitong sistema.

Applicable ito sa lahat ng edad ng kabataan. Kahit pa nag-iiba na ang sleeping pattern at schedule ng mga bata mula kamusmosan tungong pagdadalaga’t pagbibinata, importanteng obserbahan ang consistency dahil ang poor sleep hygiene ang isa sa mga sintomas ng mental health issues tulad ng depression at anxiety.

 

  1. Pag-develop ng kanilang identity

Importanteng may inaangklahang mga paniniwala at moralidad ang isang bata. Dahil maraming tao na may iba’t ibang paniniwala at iba’t ibang background sa kanilang pinag-aaralan, home-school man o pormal na edukasyon, importanteng magkaroon ang isang indibidwal ng malawak na pag-iisip at ugali tulad ng pakikiramay.

Ang mga katangiang ito, na unang matututuhan at dapat matagpuan sa isang tahanan, ang makatutulong sa isang bata na lumikha at magpanatili ng mga relasyon at koneksyon sa ibang tao.

 

  1. Pag-intindi sa iba’t ibang emosyon

Isa pang katangian na dapat matutuhan ng mga bata sa tahanan ay ang pagkontrol sa kanilang nararamdaman. Ang katangiang ito ang magiging pundasyon ng kanilang mental health. Malaki ang maitutulong ng pamilya kung matutuunan ito ng pansin sa bahay lalo na ang pagtuturo kung paano intindihin at aksyunan ang mga emosyon tulad ng galit at kalungkutan.

 

  1. Nakadepende tayo sa isa’t isa at Interdependence

Kailangan ring maituro sa mga bata na parte sila ng isang grupo tulad sa pamilya, sa eskuwelahan, at sa komunidad.

Sa pamilya, partikular na sa relasyong magulang at anak, unang mararanasan at maiintindihan ng mga bata na hindi sila nag-iisa at  konektado sila sa mga nagdaang henerasyon ng kanilang pamilya at sa mga kasalukuyang miyembro ng kanilang tahanan.

 

undefined

Source:

https://www.shutterstock.com/image-photo/lying-on-warm-wooden-floor-asian-1702499914

 

Sinusubok man ng pandemya ang relasyon at koneksyon na ito, para makatulong sa mga bata, dapat siguraduhin ng mga magulang na nasa tabi sila ng kanilang mga anak sa oras ng pangangailangan ng mga ito.

Higit sa lahat, hindi lang dapat ang mga anak ang bantayan ng mga magulang. Dapat rin nilang alalahanin ang kanilang mga sarili dahil hindi lamang mga kabataan ang naaapektuhan ng pagsubok ng panahon na ito. Muli, hindi tayo nag-iisa. Dapat maging mabuti tayo sa ating mga sarili at sa mga nakapalibot sa atin.

 

Source:

https://theconversation.com/families-can-support-kids-mental-health-whether-theyre-learning-remotely-or-at-school-heres-how-144459?fbclid=IwAR3sxjxD9ppqAw8CCQJSQdenP5r4UHbJfOClTLQ8tTpJZCa_u-TU4HLWQVU