Mga Karaniwang Sakit ng Mga Bata Ngayong Tag-Init

April 02, 2017

Isa na ang tag-araw sa mga pinakaaabangang panahon ng mga bata. Siguraduhing mag-eenjoy sila ng husto sa kanilang bakasyon sa pamamagitan ng pagiingat laban sa mga sakit na karaniwang tumatama tuwing panahon ng tag-init.

Naririto ang ilan sa mga sakit na karaniwang tumatama sa mga bata tuwing tag-araw.

 

Bungang Araw

        
Ang bungang araw ay ang kondisyon ng pagkakaroon ng mapupulang at maliliit na butlig-butlig sa balat at pakiramdam na maaaring mahapdi o makati. Nakakaranas ang isang tao ng bungang araw kapag ang kanilang sweat glands ay nababara at naiiwan ang pawis sa balat. Dahil dito, namamaga, nagkakaimpeksiyon at pumuputok ang mga baradong labasan ng pawis. Karaniwang lumalabas ang sakit na ito sa mga maiinit na lugar gaya ng Pilipinas at tuwing panahon ng tag-init. Mga bata at sanggol ang karaniwang nakakaranas ng bungang araw dahil hindi pa lubos nabubuo ang kanilang sweat glands.

 

Para maiwasan ang pagkakaroon ng bungang araw, dapat umiwas sa mga lugar na sobrang maalinsangan at mainit. Dapat ding umiwas sa pagkilos na magsasanhi ng matinding pagpapawis.

 

Sore Eyes


Ang Sore Eyes ay isang sakit mula sa bacteria o air-borne virus na nagdudulot ng pamamaga, pagluluha, pamumula at pangangati ng mata. Ang paningin ng taong may sore eyes ay hindi lumalabo, nagdidilim, o nagkakaroon ng anumang pagbabago sa paningin. Ang sakit na ito ay nakakahawa kaya't mahalaga ang personal hygiene. Karaniwan umanong lumalaganap ang sore eyes tuwing Enero hanggang Marso sa panahon ng tag-init at mula Agosto hanggang Setyembre naman sa panahon ng tag-ulan.

 

Mahalagang palaging maghugas ng kamay lalo na kung humawak sa kamay o kahit anong bagay ng taong may sore eyes. Iwasan ding kamutin ang mga mata at ang hand-to-eye contact. Gumamit ng sariling tuwalya, bimpo at panyo.


undefined


Kung ikaw naman ay mayroong sore eyes, iwasan ang paghawak o pagkamot ng mga mata. Dapat ding ugaliing maghugas palagi ng kamay. Maaaring maglagay ng 'cold compress' sa mata para mabawasan ang hapdi, kirot, at pangangati nito. Makakatulong ang paghihilamos at pagdilat ng mata sa tubig sa loob ng lima hanggang sampung minuto.

Pagkalason sa Pagkain

Dahil sa init ng panahon, mas mabilis mapanis ang mga pagkain tuwing tag-araw. Ang mainit na temperatura ay magandang environment para sa mga bacteria na manirahan sa pagkain. Ayon sa pag-aaral, tumataas ang bilang ng food poisoning tuwing summer dahil sa mainit na panahon at dahil mas madaming tao ang nagluluto o naghahanda ng pagkain sa labas ng bahay na walang malinis na kitchen, malinis na tubig at refrigerator. Mataas ang posibilidad ng mga bata na makaranas ng food poisoning dahil mas mahina ang resistensya laban sa mga bacteria sa pagkain. Kapag ang isang tao ay na-food poison, ito ay magsusuka at dudumi.

Patok na patok tuwing summer ang mga street food, hangga't maaari ay iwasan ang mga ito lalo na kung hindi nakasisigurado kung kailan at saan niluto ang mga ito. Maaaring hindi malinis ang pagkakagawa nito o di kaya'y di naluto ng maayos. Kung mayroon namang family outing, siguraduhin ang mga baong pagkain ay nakatabi  ng maayos habang nasa byahe para maiwasan ang pagkapanis nito. Siguraduhin ding hindi pa panis ang pagkain bago ito ipakain sa mga bata. Kung maghahanda ng pagkain sa labas, laging maghuhugas ng kamay para mapanatiling malinis ang pagkain.

Ubo o at sipon
 

Laganap ang ubo at sipon tuwing tag-init dahil sa labis na init ng panahon at paminsang pagbuhos ng ulan. Dapat ay maging maingat upang hindi mahawa sa mga sakit na ito.

Laging maghugas ng kamay lalo na kung nakihalubilo sa taong may ubo at sipon. Uminom ng madaming tubig at kumain ng mga prutas na mayaman sa Vitamin C para lumakas ang resistensya.

 

Fungal Infection

Karaniwan ngayong summer ang pagkakaroon ng impeksyon sa balat dahil sa init ng panahon. Ilan sa mga fungal infection na uso tuwing tag-init ay ang hadhad, buni at an-an. Ugaliing maligo dahil ang mga mikrobyo ay dumidikit sa pawis. Gumamit ng mild soap na may moisturizer para maiwasan ang panunuyo ng balat. Gumamit ng sariling tuwalya, panyo at sabon para hindi mahawa at makahawa.

 

Heat Stroke


Ang heat stroke ay isang karamdaman kung saan lubhang tumataas ang temperatura ng katawan na hindi napapawi ng pagpapawis dahil sa dehydration. Maaaring ihalintulad ang heat stroke ng tao sa 'overheat' ng mga makina. Ang sakit na ito ay tinatawag din na heat injury o sun stroke at kailangan ng agarang atensyon o gamutan dahil ito ay nakakamatay o maaaring maging sanhi ng damage sa utak at iba pang internal organ.

Hangga’t maaari limitahan ang paglabas ng bahay. Huwag lalabas at magbibilad sa araw simula 10:00 ng umaga hanggang 4:00 PM ng hapon. Ugaliing uminom ng maraming tubig lalo na kung lalabas ng bahay at mabibilad sa arawan para hindi ma-dehydrate.

Sun Burn


undefined


Nagkakaroon ng sunburn ang isang tao pagkatapos mabilad sa araw ng mahabang oras. Dahil sa init, nasusunog ang ibabaw na layer ng balat. Mapula at mahapdi ang balat kapag may sunburn. Mainit din sa pakiramdam kapag nahawakan.

Iwasan ang pagbibilad sa araw.  Gumamit ng sun block para proteksyunan ang balat laban sa mapanganib na UV rays galing sa araw.

 

Sources:

  •       http://kalusugan.ph/7-mga-sakit-at-kondisyong-uso-ngayong-tag-init/
  • http://kalusugan.ph/mga-kaalaman-tungkol-sa-bungang-araw/
  • http://kalusugan.ph/sore-eyes/
  • http://www.gmanetwork.com/news/story/364735/lifestyle/healthandwellness/doh-issues-tips-to-prevent-sore-eyes
  • http://www.philstar.com/cebu-lifestyle/2015/02/02/1419319/why-sore-eyes
  • http://www.fastmed.com/health-resources/related-searches/common-summer-illnesses
  • http://newsinfo.inquirer.net/584040/doh-lists-6-common-summer-diseases-to-watch-out-for
  • http://tapatnews.com/tag-araw-panahon-ng-sakit/
  • http://news.abs-cbn.com/lifestyle/03/14/16/alamin-mga-sakit-sa-balat-na-dala-ng-tag-init
  • http://www.westca.com/Forums/viewtopic/t=721726/lang=schinese.html